C.R.

16 3 0
                                    

#HorrorShots

Nagising na naman ako nang madaling araw. Chineck ko ang oras sa cellphone ko. Binundol ng kakaibang kaba ang dibdib ko nang makitang mag-aalas tres na naman. Sabi nila, mas aktibo daw ang mga kaluluwa, mga engkanto, at iba pang mga elemento sa mga ganitong pagkakataon. Noon pa ako napapaisip kung bakit lagi akong nagigising nang ganitong oras... At ang pinakanakakatakot pa roon ay palagi na lang akong binabangungot.

Napapiksi ako nang biglang umihip ang malakas na hangin kasabay ng paglagabog ng pintuan sa CR. Sa sobrang lakas ng kalabog ay dinig iyon sa loob ng kwarto ko kahit nakasara ito. Hindi ako maaaring magkamali dahil ang tunog niyon ay mula sa stainless na materyal. Lahat kasi ng pinto sa bahay namin ay gawa na sa kahoy, maliban lang doon.

Hindi ko alam kung bakit pero... parang may nagtulak sa aking pumunta sa pinagmulan ng ingay. Agad akong bumangon at tahimik na binuksan ang pinto. Nilingon ko ang kapatid kong tahimik pa ring natutulog. Paglabas ko ng kwarto ay ang kadiliman ng paligid ang sumalubong sa akin. Patay ang lahat ng ilaw dahil nga oras pa ng pagtulog ng lahat. Ayaw ni mama na may nakabukas na ilaw kapag gabi kasi aksaya daw iyon sa kuryente.

Nang akma kong bubuksan ang ilaw sa may hallway ay nakarinig ako ng pagtawag sa pangalan ko...

"Ysabelle..."

Nabitin ang mga kamay ko sa ere at hindi ko naituloy ang pagbukas ng ilaw. Nanigas ang katawan ko at ramdam ko ang pagtayo ng mga balahibo ko sa katawan. Nakakatakot ang tinig ng tumawag sa pangalan ko at ramdam kong hindi maganda ang pakay nito.

Babalik na sana akong muli sa aking kwarto nang muli na namang may tumawag sa pangalan ko. Pero mas malapit na iyon. Sa may bandang likuran ko at sa katunayan ay nararamdaman ko ang presensya ng isang hindi kilalang nilalang.

"S-sino ka? A-anong kailangan m-mo sa akin?" matapang na tanong ko kahit nanginginig na ako sa pinaghalong kaba at takot.

Sa isang iglap ay biglang umihip muli ang malakas na hangin. Wala akong magawa kundi mapapikit nang mariin at magmura nang tahimik. Bakit ba kasi lagi na lang nakabukas ang bintana namin kahit gabi?

Isa pang malakas na hangin at muling kumalabog ang pinto sa CR. At sa pagkakataong iyon ay agad akong napalingon doon dahil sa gulat. At sa aking paglingon ay kitang-kita ko ang isang itim na nilalang. Nagliliwanag ang kaniyang mga matang katulad ng sa mata ng pusa. Nang biglang magkaroon ng repleksyon ng nagniningas na apoy ang kaniyang mga mata ay unti-unti akong napaatras. Hanggang sa mabangga ang likod ko sa pintuan ng aking kwarto.

"Hello, Ysabelle! Tara, laro tayo?"

Sa pagkakataong iyon ay hindi lang sobrang bilis ng tibok ng puso ko. Pakiramdam ko nga'y lalabas na iyon sa dibdib ko. Sobrang nanginginig na ako sa takot kaya hindi ako makagalaw. Naalala ko iyong sinabi sa akin ng lola ko. Kapag naka-encounter daw ako ng kakaibang nilalang o kahit anong kababalaghan, wala daw akong ibang dapat gawin kundi ang magdasal.

Kaya pumikit ako at umusal ng tahimik na panalangin. Hindi ko alam kung gaano katagal kong ginawa iyon. Pero pagkatapos kong magdasal ay unti-unti kong uminulat ang mga mata ko.

Ang nakangising nilalang ang bumungad sa akin. Sobrang lapit ng mga mukha namin.

"Tapos ka na ba? Tara, laro na tayo!"

Nabalot ng kalituhan ang pag-iisip ko. Nagdasal na ako, ha? Bakit andiyan pa rin siya? Hindi ko na alam ang gagawin ko. Tumakbo ako papunta sa kwarto nila mama. Umiiyak akong humihingi ng tulong. Gusto kong sumigaw pero hindi ko magawa dahil nanghihina na ako. Pagkarating ko sa kwarto nila, sobrang himbing ng pagkakatulog nila. At kahit anono gawin ko para gisingin sila ay hindi sila magising.

Mayamaya ay narinig ko ang nakakakilabot na pagtawa ng nilalang na iyon. Tumabi ako kay mama at niyakap siya ng mahigpit. Takot na takot na talaga ako. Muli ay umusal ako ng panalangin.

Kung panaginip man ito, sana magising na ako. Kung totoo man, sana mawala na ang nilalang na gumugulo sa akin.

Kinaumagahan...

Nagising ako sa mahinang tapik sa pisngi ko. Nang imulat ko ang mata ko ay nakita ko si mama. Agad ko siyang niyakap at hindi ko napigilang umiyak.

"Anong nangyari sa iyo? Saka bakit lumipat ka rito sa kwarto kagabi? Ang init init na nga nakikisiksik ka pa sa amin ng papa mo."

Kumalas ako sa pagkakayakap sa kaniya at pinakalma ang sarili. As usual, masungit pa rin si mama. Pero ganiyan naman talaga siya. Normal na para sa akin.

"Mama, may nangyari kasi kagabi..." panimula ko.

"Oh, nanaginip ka na naman ba?"

"H-hindi ko alam, ma..."

"Anong hindi mo alam?"

"Hindi ko po alam kung panaginip lang iyon pero... may kakaibang nilalang sa may CR. Nagpakita siya sa akin kagabi... at gusto raw niyang makipaglaro."

"Ano? Kakalipat lang natin dito, Ysabelle. Ano na naman iyan? Doon sa kabilang bahay, umalis tayo kasi may nagpapakita kamo sa iyong madre. Tapos dito may kakaibang nilalang?"

"Mama, totoo ang sinasabi ko."

"Alam mo, hindi ko alam sa iyo. Baka nananaginip ka lang. Bumangon ka na diyan at may pasok ka pa." Iyon lang at umalis na si mama.

Ako naman ay nag-aatubiling bumangon at kahit ayokong pumasok sa C.R. ay ginawa ko pa rin dahil kailangan kong maligo bago pumasok sa trabaho.

Ilang araw din ang lumipas matapos ang insidenteng iyon.

Hindi na muling nagpakita sa akin ang nilalang sa may CR pero patuloy pa rin itong nagpaparamdam. Pero hindi ko na lang pinapansin kapag ganoon. Nagdadasal na lang ako palagi at pagkatapos ay binabalewala ang presensiya niya. Nagpapasalamat na lang ako na hindi na siya nagpapakita.

Sa totoo lang ay naku-curious din ako sa kung anong meron sa nilalang na iyon. Pero ayoko na lang isipin. Siguro, isa iyon sa mga nilalang na naninirahan sa bahay na inuupahan namin. Sabi ni lola, bukod sa mga tao ay may iba raw talagang mga nilalang pagala-gala sa mundo. Ang iba ay namumuhay kasama natin sa iba't iba ring kadahilanan. Pero mas mabuti na raw na panatilihin ang paghihiwalay ng magkaibang mundo para sa kapayapaan ng lahat.

MISTIFY - One Shots & Poetry CollectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon