Dedicated sa Conscriptors. Ipinasa ko ang kwentong ito para sa 1st Book Project namin na tungkol sa Kultura, Paniniwala at Pamahiin ng mga Pilipino. Enjoy Reading!
---
The Wedding
written by Misty Riosa
Nakabusangot si Atasha nang makababa sa kanilang kotse. Tirik na tirik na ang sikat ng araw at abala na ang lahat sa kaniya-kaniyang mga gawain. Pero sa kabila nang init na dumadampi sa balat ng dalaga ay hindi niya maikakailang maaliwalas pa rin ang lugar na iyon... ibang-iba sa kinalakhan niyang Maynila.Karamihan sa mga bahay roon ay simpleng gawa lamang sa kahoy, pawid at nipa. Ang iba nama'y gawa lamang sa kawayan. Pero may ilan din namang konkreto na at moderno ang pagkakagawa. Maraming makikitang mga puno't halaman na nagpapasariwa ng hangin sa probinsiya.
"You like it here, Honey?"
Nakasimangot lang na nilingon ni Atasha ang kaniyang amang kasalukuyang nagbababa ng kanilang mga bagahe. Palihim namang napapangiti ang kaniyang ina sa inaasal nito, nakatanaw sa kalangitan na tila may inaalala.
"Bakit kasi kailangan pa nating umuwi para lang sa kasal ni Ate Camil? Hindi tuloy ako nakasama sa trip nila Jaja!" pagmamaktol ni Atasha. May plano kasi silang magkakaibigan na pumunta sa resthouse nila Jaja sa Batangas at mag-stay roon for one week. Kaya lang, nagkataong sumabay ang kasal ng kaniyang pinsan. Never pa naman siyang absent sa mga trip nila.
"Anak, ngayon na lang naman tayo uli nakauwi rito. Maliit ka pa noong huli," mahinahong pagpapaliwanag ng kaniyang ina. "Saka, hindi ba gustong-gusto mo rito noong bata ka pa lang? Marami ka ring mga naging kaibigan dito noon. Paniguradong matutuwa silang makita ka."
"Ma, naman! Matagal na kaya 'yon. Hindi ko na nga maalala kung sino-sino sila, eh."
Natatawa siyang kinurot sa pisngi ng ina ngunit pagkalipas ng ilang saglit ay sumeryoso rin ito. "Anak, kahit gaano pa katagal ang lumipas... kahit hindi mo na sila maalala, alam kong nananatili sila riyan sa puso mo."
Walang mabigkas na salita si Atasha sa tinuran ng ina. Sa isang sulok ng kaniyang puso ay nakaramdam siya ng sakit at pananabik na hindi niya lubos maunawaan kung para saan.
"Tara na! Kanina pa tayo hinihintay nila Mamang at Papang. Malapit na rin magtanghali."
Nginitian si Atasha ng kaniyang ina bago sumunod sa ama niya. Napapailing na lang siyang naglakad, pilit winawaksi ang gumugulo sa isipan.
---
"Mamang! Papang!" masayang bati ng ama ni Atasha nang makarating sila sa tirahan ng kanyang lolo at lola. Nagmano ang kaniyang ama't ina sa mga ito at ganoon din ang ginawa ni Atasha na nagpapakita ng paggalang sa mga ito.
"Heto po, may dala kaming pasalubong sa inyo." Inabot ng ina ni Atasha ang ilang supot na naglalaman ng ilang pagkain at kung ano-ano pang nabili nila habang papunta roon.
"Nako, nag-abala pa kayo. Salamat. Ilapag muna natin ito rito at nang makapagkwentuhan tayo. Mayamaya'y manananghalian na rin naman," sabi ng lolo ni Atasha.
"Aba, ito na nga ba si Atasha? Ang laki na niya, at kaygandang bata," tuwang-tuwa na turan ng lola niya. Ilang sandali pa siyang sinuri nito na kaniyang ikinailang. "Hawig na hawig ni Ishang, ano?" Ang tinutukoy nito'y ang ina ni Atasha. Patricia ang pangalan nito ngunit nakaugalian na rin kasi ng mga ito ang pagbibigay ng palayaw. Maging siya ay binansagang "Tasyang" noon.
BINABASA MO ANG
MISTIFY - One Shots & Poetry Collection
Short StoryAntolohiya ng mga Tula at Maiikling Kwento sa panulat ni Misty Riosa. . . Karagdagang nilalaman: #Blogs #Quotes #ShortStories #RandomThoughts #QandA #LoveAndLifePersonalAdvice Credits to @Galaxvixy26 for the super cutie na book cover. Note: The boo...