LITRATO

45 8 0
                                    


Hindi mawala sa isip ng batang si Popoy ang assignment na ibinigay ng kanilang guro habang siya'y papauwi. Sa kaniyang pag-iisa ay lalo siyang nakaramdam ng kalungkutan; Kalungkutang kawangis ng pagpapaalam ng araw buhat nang pagsapit ng takipsilim.

Pagkarating sa kanilang tahanan ay sinalubong siya ng kaniyang lola. Nagmano siya rito at pagkatapos ay saglit na umupo sa sofa para magpahinga.

"Kumusta naman ang araw mo, apo?"

"Ayos lang po." Pilit ang ngiting iginawad ng bata sa abuela.

"May problema ba, apo? Ang tamlay mo yata," nag-aalalang tanong nito matapos tumabi kay Popoy.

"Iniisip ko lang po 'yong assignment ko. Sabi kasi ni Teacher, magdala raw kami bukas ng litrato kasama ang mga magulang namin."

Tumikhim ang lola ni Popoy bago hagurin ang kaniyang likod. Ilang minuto na ang nakalilipas ay wala pa ring masambit na salita ang matanda para mapagaan ang loob ng apo. Batid niya ang nararamdaman ni Popoy at ikinalulungkot din niya ang katotohanang wala siyang magagawa para dito.

"Punta na po muna ako sa kuwarto, Lola."

"O, sige. Tatawagin na lamang kita kapag handa na ang hapunan."

Tumango lamang si Popoy at dumiretso na sa kaniyang silid. Doon siya nagmukmok at nagsimula na lamang gumuhit, na siyang nagpapagaan ng kaniyang kalooban sa tulad ng ganoong pagkakataon. Kasabay ng bawat paglapat ng kaniyang lapis sa papel ay ang hindi mapigilang pagdausdos ng luha sa kaniyang pisngi. Ang bigat ng kaniyang puso'y katumbas ng diin na ibinibigay sa imaheng binubuo.

Nakangiting pinagmasdan ni Popoy ang kaniyang obra nang ito'y matapos. Makalipas ang ilang sandali ay nagsimula na siyang ihele ng mga gunitang hinabi lamang ng kaniyang malikhaing isip at siyang nagdala sa kaniya sa mundo ng panaginip.

"Popoy! Apo! Handa na ang hapunan!" Sunod-sunod na katok ang ginawa ng kaniyang lola bago buksan ang pinto nang walang marinig na sagot. "Naku, nakatulog na pala." Dahan-dahan siyang lumapit sa apo at marahan itong niyugyog.

Papungas-pungas na bumangon si Popoy. "Umaga na po ba, Lola?"

"Hindi. Maghahapunan pa lang. Nakatulog ka, apo. Hindi ka pa pala nakakapagpalit," puna nito kay Popoy.

"Sorry, Lola. May ginawa lang po kasi ako." Dali-daling hinanap ni Popoy ang papel na pinagguhitan niya kanina.

"Ito ba ang hinahanap mo?" Ipinakita ng kaniyang lola ang papel. Agad naman iyong inagaw ni Popoy, tila nahihiyang nakita ng kaniyang lola ang iginuhit.

"Ano po kasi..." Nakayuko si Popoy at hindi makuha ang mga tamang salita.  

 Muling kinuha ng matanda ang papel na may nakaguhit na tatlong taong stick. Mailalarawan doon ang isang masayang pamilya.


"Hindi ko naman po kasi alam ang hitsura ni mama at papa. Wala akong maipapasang litrato kaya iyan na lang ang dadalhin ko bukas."


Mapusyaw na ngiti ang gumuhit sa mga labi ng matanda sa tinuran ng kaniyang apo. Hindi nagisnan ni Popoy ang kaniyang mga magulang dahil namatay ang mga ito nang sanggol pa lamang siya. Nasunog ang kanilang bahay at silang mag-lola na lamang ang nakaligtas.  

  Walang natira ni isa sa mga gamit nila kaya naman hindi na nagkaroon ng pagkakataon si Popoy na masulyapan ang mga magulang.


"Alam mo, apo, hindi naman mahalaga kung may litrato ka ng mama at papa mo. Higit pa nga itong naiguhit mo dahil alam kong mula ito sa iyong puso. Wala man sila sa iyong alaala ay mananatili sila riyan." Itinuro nito ang dibdib ni Popoy. Hindi naman mapigilan ng huli ang muling mapaiyak.


Niyakap ni Popoy ang kaniyang lola. Hindi pa rin mawala ang sakit sa kaniyang dibdib ngunit napagtanto niya na kahit paano'y mapalad pa rin siya dahil dito. Kahit kailan ay hindi siya nito pinabayaan.


"Maraming salamat, Lola."  

WAKAS.

---

PS.

Audition piece ko ito sa "BarubaLaro" na isang patimpalak ng Barubal Self-Publishing. Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit ito ang naisip kong konsepto; ang isang anak na uhaw sa presensiya ng isang ama't ina. Common na ito sa society natin at nakakalungkot lang isipin ang epekto ng ganitong pagkakataon sa mga kabataan na kagaya ni Popoy. Sana po na-inspire kayo sa kwento niya. :)

MISTIFY - One Shots & Poetry CollectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon