XVII. Sino Ba Sila?

89 18 1
                                    


#SayNoToBullying

#PromotePeaceOnEarth

#Equality


SINO BA SILA?

ni Misty Riosa


I.

Patak ng mga luhang 'di mapigilan,

Iyak ng pusong nagdurugo't sugatan.

Lutang ang isip; Sa malayo nakatingin,

Sino ba sila? Ba't kaylupit sa akin?


II.

Mapangutyang tingi'y sa 'kin nakapukol,

Mga panlalait nila'y sa 'kin patungkol.

Turing sa aki'y laruan at libangan,

Tampulan ng tukso't pinandidirihan.


III.

Gusto kong sumigaw ngunit 'di magawa,

Pagod na ako sa pagmamakaawa.

Hawak ang punyal; napaisip nang kusa,

Nais ko nang wakasan yaring pagdurusa.


IV.

Ngunit isang iglap ay biglang lumitaw,

Natigil ang balak sa kanyang pagsigaw.

Si Ina'y tumatangis; niyakap ako,

Sabi'y "Dito ka lang, anak, sa piling ko."


V.

Bakit nga ba hindi agad napagtanto,

Mayroong nagmamahal sa 'kin nang husto?

Sa buhay niya'y tinanggap ako nang buo,

Walang alinlangang kinalinga ako.


VI.

Panginoon, patawad sa aking nagawa,

Salamat sa inang handang umunawa.

Salamat sa pag-asang ibinigay mo,

Naghilom ang sugat na aking natamo.


VII.

Babangon na ako sa pagkakalugmok,

Lilisanin rin ang paborito kong sulok.

Hindi na hahayaang muling masaktan,

At ang pagkatao'y kanilang yurakan.


VIII.

Ako'y lalaban; Pag-ibig ang sandata,

Nang katotohana'y kanilang makita.

Sino ba sila? 'Di ba'y tao rin naman?

Tayo ay pantay-pantay magpakailanman.



MISTIFY - One Shots & Poetry CollectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon