TAKIPSILIM

115 14 6
                                    


"Ana! Kaninang umaga ka pa hindi lumalabas. Hindi ka man lamang nananghalian. Maghahapunan na mamaya. Heto't, dinalhan kita ng pagkain."

Nanatiling walang imik ang dalaga at ipinagsawalang bahala ang tinuran ng kanyang ina. Ipinagpatuloy lamang niya ang ginagawa sa madilim na sulok ng kanyang silid nang marinig ang muling pag-ingit ng pintuan.

"Gaano katagal ka pang magmumukmok, Ana?"

Napatiim bagang siya sa sinabi ng kaibigang kapiling niya simula nang panahong pinili niyang mabuhay sa kadiliman. Nang itaboy niya ang mga taong mahal niya ay ito na ang nagsilbing kaagapay niya sa bagong paraiso na kanyang binuo. Sa apat na sulok ng madilim na kwartong iyon ay pinili niyang magluksa sa pagkawala ng kanyang sariling buhay.

"Hanggang ngayon ba'y kinakaawaan mo pa rin ang iyong sarili? Hindi ka ba napapagod sa pagpaparusang ginagawa mo sa puso mo? Mas lalo ka lamang nahihirapan, Ana. Mas lalo kang nalululong sa sugat na naidulot ng nakaraan!"

Namaisbis ang masaganang luha sa mga mata ni Ana. Unti-unti na namang nagbalik sa kanya ang mapait na alaalang hiniling niyang maging bangungot na lang.

"Hindi mo alam kung gaano kahirap ang pinagdaraanan ko! Pinilit kong mabuhay. Gusto ko na lang maglaho sa mundong ito ngunit hindi ko magawa. Wala nang natitira sa akin. Kinuha na lahat! Wala na akong silbi!" Naghihinakit na tugon nito. Dulot nang bugso ng kanyang damdamin ay nabali niya ang piraso ng kahoy na kanyang hawak. Nanginginig niyang binitawan iyon at pagkatapos ay itinapon ang bagay na sisidlan ng mga pangkulay. 

Sana, katulad nang pagpipinta ay madali na lang bigyang kulay ang masalimuot na buhay ng isang tao

"Hindi pa huli ang lahat, Ana. Hindi naman kinuha sa iyo ang lahat. Sadyang nabulag ka lang ng sakit at kalungkutan kaya't hindi mo makita ang katotohanan. Ninakaw ng nakaraan ang dating liwanag na kinilala mo."

Natigilan sandali si Ana. Alam niya sa kanyang sarili na ang pagsasayaw ang kanyang kaligayahan. Mula pa lamang nang bata siya ay mahal niya na ang bagay na iyon. Pagsasayaw na ang kanyang buhay. Pero tunay na mapaglaro ang tadhana! Sa isang kisapmata lamang ay nawala iyon sa kanya. 

Ngunit sa kabilang banda ay napaisip din siya. Totoo nga bang nawala na sa kanya ang lahat? Totoo nga bang wala na siyang silbi?

"Tingnan mo ang paligid mo. Madilim. Walang kabuhay-buhay. Ngunit, kailangan mong maunawaang hindi ninakaw sa iyo ang buhay mo, Ana. Ikaw mismo ang kumitil dito. Pinili mong alisin ang liwanag sa iyong landas at niyakap mo ang kadiliman. Kailan mo ba huling nasilayan ang araw? Alam mo pa ba ang hitsura ng paglitaw o paglubog nito?"

Sa kanyang narinig ay unti-unting napagtanto ni Ana ang katotohanan. Tama ang kanyang kaibigan. Nang mawala ang kakayahan niyang makapagsayaw dahil sa pagkaputol ng kanyang mga paa, inisip na niyang wala nang saysay ang pananatili niya sa mundo. Nakalimutan niya ang mga taong laging handang sumuporta sa kanya at walang sawang nagmamahal sa kanya. Naipukol lamang niya ang atensiyon sa iisang bagay at kinalimutang basta ang mga mas mahahalagang detalye ng kanyang buhay.

Gamit ang kanyang upuang de-gulong ay tinahak niya ang daan papunta sa may bintana. Nakababa ang mga kurtina nito na siyang dahilan ng kadiliman ng buong silid. Hinawi niya ito at pinagmasdan ang tanawin sa labas. Bahagya pa siyang nasilaw sa liwanag ngunit napalitan iyon ng pagkamangha nang masulyapan ang papalubog na araw. Tila ba'y iyon ang unang beses na matutunghayan niya ang ganoong tanawin. Isang ngiti ang hindi namamalayang sumilay sa kanyang mga labi.

"Napakaganda ng Takipsilim."

"Para sa iyo... Ano ang kahulugan ng paglubog ng araw?"

Napaisip saglit si Ana. Bigla na naman siyang nalungkot dahil sa kaisipang nabuo sa kanya. "Wakas. Ang Takipsilim ay katumpas ng katapusan ng isang magandang bagay. Ang pagbawi sa isang pangarap na nakamtan."

"Kung gano'n, masasabi mo bang kabaligtaran ito ng bukang liwayway? Ano nga ba ang pagkakaiba ng takipsilim at bukang liwayway?"

Muling napaisip si Ana at naghatid ng masayang ngiti ang reyalisasyon sa kanya. "Pag-asa. Ang muling paglitaw ng araw ang nangangahulugan ng pagbangon mula sa minsang pagkakalugmok. Ang bukang liwayway ay ang kabaligtaran ng takipsilim dahil ito ang simbolo ng bagong simula."

"Ngunit napansin mo bang parehas lamang na maganda ang dalawa? Parehas silang nagbibigay ng pag-asa. Ang takipsilim ay ang repleksyon ng bukang liwayway. Ito ang nagsisilbing Maskara ng bawat tagumpay sa ating buhay. Hindi man natin napapansin ngunit ang bawat pagkalugmok ang tunay na nagdadala ng pag-asa. Nagtatago lamang ito sa sakit at hirap na ating nararanasan. Ngunit, sa ating pagkakadapa ay lagi tayong may natututunan; Isang bagay na mas makakapagpalakas at makakapagpatibay sa atin."

Ilang sandaling katahimikan ang nanatili sa pagitan nilang dalawa. Mahirap mang tanggapin ngunit tama na naman ang kaibigan ni Ana. Sa pagkakataong iyon ay sumilay ang isang tunay na ngiti sa kanyang mga labi. Pinagmasdan niyang muli ang papalubog na araw. Kasabay ng paglubog niyon ay ang unti-unting paglalaho ng kanyang kaibigan.

Kaya na muli niyang mag-isa. Napakawalan na niya ang sakit na naidulot ng nakaraan. Handa na si Ana sa panibagong simula.

WAKAS.

MISTIFY - One Shots & Poetry CollectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon