XXXVII. ITINADHANA | SWP

47 10 4
                                    


Ito ang pinakaunang piece ko sa Spoken Word Poetry. Salamat sa Plumakata para sa opportunity. ~


ITINADHANA

ni Misty Riosa


Itinadhana na aking makilala,

ang kaakit-akit at matikas na si Literatura.

Nagsimula ang lahat nang ako ay mahulog...

Sa mga titik at salita,

Sa mga pantig at tugma,

Na ngayon ay nakalapat sa bawat pintig ng aking puso.

Tila ritmo na nagbibigay kulay sa isang musika.

Doon ay aking ibinubuhos...

ang bawat emosyong nakakubli;

at umaalpas sa aking pagkatao.

Ako...

Ako ay binago.

Maging ang pag-inog ng aking mundo;

Na dati'y hindi ko mapagtanto...

Kung ang mga bagay bang nakagisnan ko ay huwad o totoo.

Itinadhana...

Basta dumating na lang nang hindi ko inaasahan.

Aaminin kong ilang ulit ko siyang itinaboy at tinalikuran;

Sinukuan dahil ayokong mahirapan at itakwil ng sarili kong katauhan!

Ayokong madurog nang paulit-ulit na hindi ko man lang alam ang patutunguhan.

Minsan na akong nabalot ng kalituhan...

Kung nararapat nga ba ako sa tinatahak kong daan.

Dahil hindi mawaglit sa aking isipan na kumpara sa iba...

Ako ay marami pang kakulangan.

Kakulangan na hindi ko napagtantong maari palang punan ng panahon;

At determinasyon para matuto, umangat, at lumipad.

Upang maabot ang mga talang dati'y tinatanaw lang sa kalangitan!

Oo, mahirap ang aking pinagdaanan.

Dahil kung akala ng karamihan na ang pagsusulat ay madali lamang...

Nais kong ipabatid na iyan ay kabaligtaran.

Maraming balakid na susubok sa iyong katatagan.

Kaya kawangis ng kalawakan...

Ang iyong pang-unawa ay dapat mong lawakan.

Ang iyong pasensiya ay dapat mong habaan.

At kahit ikaw na ay nasasaktan,

Dahil sa natatanggap na kritisismo ng ilan,

Bumangon ka!

Ituloy mo ang laban na iyong nasimulan...

Gamitin ang iyong pagkadapa;

Gawing inspirasyon sa mga susunod pang pahina ng iyong buhay.

At bilang isang manunulat, matuto kang tumingala;

Magpasalamat at h'wag lumimot sa pinagmulan ng iyong abilidad talino at kakayahan!

Isaalang-alang ang Ama na pinagmulan ng lahat ng buhay.

Lumipad ka ngunit siguraduhing mananatili kang nakatapak sa lupa!

Sa iyong pag-angat ay isama ang kapwa mo manunulat...

H'wag maghilahan pababa!

Maging inspirasyon sa iba...

At h'wag mag-alangan na mag-abot ng kamay at magbigay ng gabay.

Sa pagniniig ng papel at iyong pluma,

Sumulat nang buong puso... nang may paninindigan!

At huwag na huwag mo siyang susukuan...

Dahil ang ating pagiging manunulat ay itinadhana.

MISTIFY - One Shots & Poetry CollectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon