DALAWANG MUKHA NG MUNDO

77 13 0
                                    


"Inay, gutom na po ako."

Mula sa nilalabhang mga damit na pinalabhan ng isa sa mga suki niyang mayaman ay naituon sa bunsong anak ni Aling Nida na si Dino ang atensyon. Hawak nito ang tiyan na marahil ay dahil sa idinadaing na gutom. Hindi mapigilan ni Aling Nida na makaramdam ng awa para sa anak.

Sampung taong gulang na ito ngunit sa liit nito ay aakalain mong nasa lima o anim na taon lamang ito. Labis din ang kapayatan nito na halatang-halata dahil sa suot nitong pinagliitang sando at salawal.

"Ako rin po, Inay. Hindi pa po ba tayo kakain? Nasaan na si Itay?" Iyon naman ang panganay na anak niyang si Nena. Labintatlong-taong gulang na ito. Hindi nalalayo ang pisikal na kaanyuan nito kay Dino. Maliit din ito masyado para sa edad at patpatin din ang katawan.

"Anak, tiisin niyo na lang muna. Mayamaya'y darating na rin ang Itay ninyo. Hintayin niyo na lang siya sa loob ng bahay." Iyon na lamang ang nasabi ni Aling Nida. Gustuhin man niyang pakainin na ang mga anak ay hindi niya magawa. Naipambayad na rin kasi sa mga utang ang kinita niya noong nakaraang araw. Ang asawa na lamang niya ang pag-asa para makakain sila sa araw na iyon.

"Sige po, Inay," nakakaunawang tugon ng dalawang bata bago umalis.

Hindi na bago ang ganoong eksena sa pamilyang iyon. Wala yatang araw na nalilipasan sila ng gutom. Swerte na kung makakain sila ng tatlong beses sa isang araw. Sanay nila sa hirap. Karamihan sa lugar nila ay ganoon din ang kalagayaan. Isang kahig, isang tuka. Ayos lang naman sa kanya na nakakaranas ng hirap ngunit ang iniisip niya ay ang dalawang anak. Naaawa siya sa mga ito.

Napabuntong-hininga siya at napatingin sa asul na kalangitan. Ilang sandali niyang pinanood ang mga ulap na tila naglalaro at nang-eengganyo. Napangiti siya sa tanawing iyon. Sa tuwing nakakaramdam siya ng kalungkutan ay iyon lamang ang ginagawa niya para gumaan ang kalooban.

Naalala niya ang sinabi ng kanyang ina noong nabubuhay pa lamang ito. "Anak, kahit gaano pa kahirap ang pagsubok na dumaan sa buhay natin... hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Isa lamang ang kailangan nating gawin. Tumingala at pagmasdan ang kalangitan. Ngunit hindi mo kailangang sabihin ang iyong mga hinaing dahil laging nakamasid ang langit sa lahat ng ating pinagdaraanan. Bagkus ay ngumiti ka at magpasalamat. Magpasalamat ka sa iyong buhay na kinakamtan. Magpasalamat ka sa regalong iyan dahil habang buhay tayo ay lagi lamang may pag-asa."

Noong una ay hindi niya maunawaan nang lubos ang mga salitang iyon ng Ina. Sa mura niyang kaisipan ay inakala niyang ang nais lamang ipabatid nito ay kung gaano kaganda ang mabuhay. Pero nagkamali siya dahil ang mga katagang iyon ay ibinaon niya hanggang sa kasalukuyan. At kahit gaano pa kahirap ay nagagawa pa rin niyang umusad. Ang katagang iyon ang nagbunyag sa kanya ng isang sikreto na hindi alam ng karamihan. O marahil ay alam nila ito ngunit pinili nilang balewalain at magbulag-bulagan.

Nakakalungkot mang isipin ngunit marami talaga sa mga nilalang ang nabubuhay na lamang para sa mundo. Nabubuhay sila para mahalin ang mundo at lahat ng bagay na nakakabit dito. Mga bagay na sa una'y aakalain mong maganda sa simula ngunit hindi naman pala. Nakakubli lamang ito at ang katotohanan ay sanhi ito ng kapahamakan...

Kapahamakan na hindi lang pansamantala ngunit panghabang-buhay.

Marami ang nasilaw at patuloy na nasisilaw sa mga bagay na iyon. Lalo na ang mga taong kulang sa kaalaman. Hindi ito ukol sa edukasyon na nais makamit ng lahat. Ito ay espesyal na kaalaman na tumutukoy sa kung paano tayo dapat nabubuhay. Ang kaalaman na iyon ay natunghayan ni Aling Nida sa isang aklat lamang. Ang Bibliya.

Ang aklat na ito ang nagpaunawa sa kanya ng mga pangyayari sa mundo na noong una'y hindi talaga niya maintindihan. Marami siyang katanungan na kalauna'y nabigyan ng kasagutan.

Doon din niya napagtanto ang katotohanan na ang mundo ay may dalawang mukha. At ang pananatili sa mundo ay isa lamang paghahanda sa tunay na buhay na naghihintay. Nangangahulugan din iyon na tayo ay nasa isang paglalakbay. Nasa sa atin na kung paano natin gagawin ang paglalakbay na iyon.

Mahalaga rin ang tatahakin nating daan. Pupunta ka ba sa daan na tinatahak ng karamihan? Ang daan na hindi ka mahihirapan at doon ay mamahalin mo ang mundo kaya naman mamahalin ka rin nito.

O tatahakin mo ang daan na kaunti lamang ang gustong dumaan dahil mahirap ang iyong mararanasan? Lalayo ka sa mga bagay na handang ibigay ng mundo at hindi mo kikilalanin ito. Hihiwalay ka sa maling pinaniniwalaan ng ibang tao.

Nasa iyo kung ano ang pipiliin mo.

Muling napangiti si Nida sa mga kaisipang dumadausdos sa kanyang kaisipan. Sadyang napakahiwaga ng mundo.

Napadako ang tingin niya sa isang batya na may malinis na tubig. Doon ay natanaw niya ang repleksyon ng kalangitan. Sa totoong buhay ay ganoon din. May dalawang magkahiwalay na dako at tinatanaw lamang ng bawat isa ang bawat kinalalagyan.

Kahit na nahihirapan si Aling Nida at ang pamilya niya panatag pa rin ang kanyang kalooban. Batid niya na tama ang tinatahak nilang daan. Kahit nahihirapan sila ay ginagawa naman nila ang tama. Maaari namang umalwan kaagad ang kanilang buhay kung nanaisin nila. Ngunit, naisip niyang habang simple lamang ang lahat ay mas malaki ang tiyansa na hindi sila maligaw sa tamang daan. At ang pinakamahalaga sa lahat ay mayroon silang Panginoon na tanging sagot sa lahat ng unos at balakid na pagdadaanan sa paglalakbay. Ang Panginoon na magdadala sa tunay na liwanag.

"Nida, narito na ako."

Nalingunan niya ang asawa na si Mang Dan may hawak na ilang supot na sa tantiya niya'y may lamang pagkain. Nginitian niya ito. "Pumasok ka na. Hinihintay ka ng mga anak natin. Susunod ako." Tumango lamang ang kanyang asawa bago naglakad sa direksyon ng kanilang tahanan.

Muling napatingala si Aling Nida sa kalangitan at umusal ng pasasalamat sa Panginoon.

--- WAKAS ---

MISTIFY - One Shots & Poetry CollectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon