XXXIV. Simula Nang Ikaw Ay Lumisan

54 11 6
                                    

Isinulat ko sa buhanginan,
ang pangalan mong nakaukit sa aking katauhan.
Inibig kita simula pa lamang nang dumating ka sa aking buhay,
Dahil ikaw at ako ay iisa lamang.
Ang pintig ng iyong puso ay sa akin;
maging ang dugo na dumadaloy sa iyong ugat.

Pinilit kong kumapit,
Hinawakan kita nang mahigpit at naramdaman kong ginusto mo ring manatili. Ginusto mong makasama ako nang walang pag-aatubili.
Ngunit sadyang masaklap ang tadhana,
Dahil kinuha ka niya sa akin nang walang kaabog-abog;
Wala man lamang akong nagawa!

Isang araw ay dumilat na lamang ako nang ang nakakasilaw na liwanag ang sa aki'y tumambad; Samantalang sa kaibuturan ng aking puso ay bumalot naman ang kadiliman. Nang mga panahong iyon ay alam kong wala na...
Wala ka na sa akin.
Wala ka na at kahit kailan ay hindi na maaaring ibalik.
Walang gabi na lumipas nang hindi bumabaha ng luha sa aking silid,
Ako ay nanatiling nakalugmok sa isang gilid.

Hanggang ngayon ay nakakubli ako sa dilim;
At kahit maaari ko namang yakapin ang liwanag ay hindi ko gagawin... Hindi ko maatim na mabuhay nang matiwasay, habang ikaw ay paulit-ulit na dumadalaw sa aking panaginip.

 Doon, ikaw ay masaya...

Tila musika ang iyong mga halakhak.
Bawat ngiting ibinibigay mo sa akin ay may bahid ng pagmamahal... Pagmamahal na naibigay ko sa iyo pero hindi ko napanindigan!
Simula nang ikaw ay lumisan,
Ay pinili ko na ring mamatay!

Sa aking kaluluwa ay lumalatay ang katotohanan...
Katotohanan na mismong ako ang kumitil sa iyong buhay.
Ako, ako ang pumatay sa iyo!
Naging makasarili ako at dahil doon...
Hindi ka man lang nabigyan ng pagkakataon na mailuwal sa mundo.
Lahat nang iyon ay kasalanan ko!

Anak, patawarin mo ako...
Mahal kita pero ako ay natakot.
Nanguna ang mga bulong ng hangin na hindi ko kakayanin ang buhayin ka; 

At hindi ko kakayanin ang kahihiyang idudulot kapag nailuwal kita.

Anak, patawad!

Ang aking ginawa ay lubos kong pinagsisisihan.
Kung sana naging matatag lang ako...
Kung sana hindi ako nagpadala sa idinidikta ng mundo...
Sana nandito ka sa piling ko...

Sana...



Misty Riosa || March 10, 2017 || 11:15 PM

MISTIFY - One Shots & Poetry CollectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon