Sa isang silid sa palasyo kung saan naroroon ang mga pinakamapagkakatiwalaan na mucisian ay nagpupulong. Sa harap kung saan nakaupo ng tahimik ang kataas-taasang reyna ay nananatiling tahimik habang hinihintay pa ang pagdating nina Chase Meier, Knight Robins at Autumn Seasons.
Walang nagtatangkang magsalita. Ramdam ang tensyon na bumabalot sa buong silid. Bumuntong hininga ang reyna sa tindi ng emosyon na nararamdaman. Kasabay non ay ang pagluwa ng pintuan ng tatlong tao na kanina pa hinihintay.
"Maupo kayo," malamig na boses ng reyna ang bumalot sa tainga ng tatlo. Umupo ang tatlo sa kani-kanilang upuan.
"Hindi ko inaasahan na ganito kayo kapabaya! Anong klase kayong mga kaibigan? Alam na alam niyo ang delikadong sitwasyon ng prinsesa! Ngunit bakit hindi nangyayari ang plano? Tunay nga ba kayong maasahan?"
Umalingawngaw ang galit sa bawat sulok ng silid. Ni hindi na makagalaw ang bawat isa. Kahit paghinga ay pigil din. Ni isa ay walang nangahas na gumawa ng ingay. Alam nila na nagsisimula pa lamang ang galit ng reyna.
"Gusto ko ng tapat at katanggap-tanggap na rason, Meier. Ipaliwanag mo ang mga pangyayari," lahat ay kinakabahan. Ngunit ang isang lalaki na nagngangalang Chase Meier ay tahimik lamang at prenteng nakaupo at hindi alintana ang galit ng reyna.
"Ang alam ng lahat ay ang mga Hongerian na ang namumuno sa bagong kaharian, Reyna Callista. Walang nakakaalam na nakaligtas pa ang mga konsul at senado ng tunay na palasyo. Ni isa ay walang nakakaalam na may nabubuhay pa sa inyo, mahal na reyna. Lahat ay takot sa bagong pinuno. Nagkataon na takot din ang guro at pinakalat sa eskwelahan na ang prinsesa ay isang Hongerian,"
"Dagdag pa po ang biglaang pagpatay ni Autumn Seasons sa katiwala ng silid aklatan dahil sa muntikan niyang pagsasabi ng katotohanan,"
Bumaling naman ang tingin ng reyna sa isang babae na nagngangalang Autumn Seasons. "Ano ang masasabi mo tungkol dito, binibini?"
"Inaamin ko po na may mali sa nagawa ko, mahal na reyna. Hindi po ako nag-isip nang mabuti. Natakot po ako na masabi niya ang lahat. Hindi ko na po naisip ang magiging epekto nito sa prins-"
"Dahil sa'yo ay nasira ang plano, Seasons. Dapat kang patawan ng parusa!" Napatayo na sa galit ang reyna habang nanatiling nakayuko si Autumn Seasons. Nagulat ang lahat sa pagtayo ni Knight Robins.
"Mawalang galang na ho, mahal na reyna. Ngunit maaari naman po naming protektahan ang prinsesa sa nangyari. Sa tingin ko po ay hindi makakabuti kung mababawasan po ng isa pa ang umaaligid sa prinsesa," kalmado lamang ang boses ng binata. Pinipigilan niya ang matinding emosyon na ipagtanggol ang babae na kanyang iniibig nang palihim.
"Kaunting oras at panahon na lamang ang mayroon tayo, Reyna Callista. Sa tingin ko ay kailangan na nating ipaalala ang lahat sa prinsesa nang sa gayon ay mapaghandaan ang paparating na delubyo sa kanyang buhay," Augustus Perchrocia. Isa sa mga bumubuo sa senado ang nagsalita.
Nagkaroon ng bulungan sa paligid. Pawang sumasang-ayon ang lahat sa pagtango nila sa isa't isa.
"Ang aksidenteng pagkasira ng plano dahil kay Binibining Seasons ay maaaring hudyat na dapat nang isalang sa paghahanda laban sa Hongerian. Alam naman nating lahat na ang prinsesa ang susi sa kaayusan ng kaharian. Ngunit kung mas matagal na wala siyang muwang sa mga nangyayari ay lalong mananaig ang kasakiman sa kapangyarian sa mundo natin. Baka tuluyan na ngang mangyari ang propesiya, mahal na reyna," pagsang-ayon na pahayag ni Chevron Foster. Isang konsul. Lalong lumakas ang ugong ng bulungan. Bumuntong hininga ang reyna.
"Magsitahimik! Ako lamang ang magpapasya para sa tagapagmana ng trono. Mababago ang plano ngunit hindi ito nalalayo sa orihinal. Ang pagbabantay ay patuloy pa rin. Kailangan nating maging mas maingat. Kailangan ng mas seguridad na pagbabantay," tumalim ang tingin ng reyna sa tatlo sa huli niyang sinabi.
BINABASA MO ANG
Enchanted Voice
FantasyShe is Avery La Fuentes. The nobody who loves music but she has the MOST UNWANTED VOICE that you will never want to hear again. Is that even possible?