TATLONG taon...tatlong taon na ang nagdaan simula nang mangyari ang trahedyang naging dahilan ng pagbabago niya.
“Good morning ma'am. Gising na po ba siya?”, nakangiti kong saad sa taong naka-uniporme ng puti
Tanging ngiti ang isinukli niya sa akin.
“Salamat.”, sagot ko saka tumungo sa silid na may nakapaskil na pangalang Sofia Crane.
TATLONG taon...tatlong taon simula nang magpabalik-balik ako sa lugar na ito. Isang lugar na pinamumugaran ng mga taong may deperensya sa pag-iisip...mga taong baliw, ika nga nila.
Huminga ako ng malalim habang mahigpit na hinawakan ang dala-dala kong rosas. Unti-unti kong pinihit ang busol pabukas at nakita ko siyang nakahiga ng patagilid sa kanyang puti at malambot na kama.
“Magandang umaga Sofia.”
Agad siyang lumingon sa direksyon ko at ngumiti ng pagkatamis-tamis. “Magandang umaga doktor. Dala mo ba ang anak ko?”
Parang pinipiga ang aking puso nang masilayan ko ang pananabik sa kanyang mga mata.
TATLONG taon...tatlong taon simula nang mawalan siya, mawalan kami. Akala namin maayos na ang lahat pero naging mahina ang sanggol hanggang sa tuluyan na itong bumigay dahil sa komplikasyon nito sa puso.
Sobra akong nalungkot sa pangyayaring iyon. Pero si Sofia...hindi niya matanggap na nawala sa kanya ang tanging bunga ng pagmamahalan namin.
Lumapit ako sa kanya at nakangiting inabot ang pulang rosas, “Para sa'yo magandang binibini.”
Tiningnan lamang niya ito saka sinabing, “Patawad ginoo pero may asawa na ako, mahal na mahal ko si Andrew...tsaka si Ashley, 'yung anak namin. Mahal na mahal ko silang dalawa.”
Pilit kong pinipigilan ang pagpatak ng aking luha habang nasisilayan ang pananabik sa kanyang mga mata. Hinawakan ko ang kanyang mga kamay at buong pagmamahal itong hinalikan, “Sofia, mahal ko, ako 'to...ako 'to si Andrew.”
“Andrew?”, naguguluhan niyang tanong sa akin, “Andrew? Ikaw nga!”, ginawaran niya ako ng isang mainit na halik na walang mintis na nagpapalundag ng aking puso, “Andrew...nasaan siya? Si Ashley?”
TATLONG taon...tatlong taon na araw-araw na ganito ang aming senaryo. Araw-araw niyang hinahanap si Ashley hanggang sa...hindi na naman niya makayanan.
“Sofia...wala na siya. Let her go...bumalik ka na sa akin...pwede ba?”, mahigpit kong hinawakan ang kanyang mga kamay at masuyo ulit itong hinalikan.
“H-hindi...hindi kita kilala...”, agad niyang binawi ang kanyang mga kamay at sumuot sa isang gilid, “Andrew! May tao dito sa kwarto ko! K-kunin niya si Ashley natin! Andrew!”, sigaw niya habang ipinorma ang kanyang mga kamay na para bang may binubuhat siyang sanggol, “Sshh..baby Ashley wag kang umiyak. Andito lang si mommy...”
Napayuko na lamang ako at hindi napigilan ang luhang sunod-sunod na pumatak.
Kaya lang...kailangan kong maging matatag para sa kanya kaya agad kong pinahid ang mainit na likido sa aking mga mata at dahan dahang nilapitan ang aking asawa, “Mahal ko...ako 'to, si Andrew. N-naalala mo pa ba n'ung unang araw na nagkakilala tayo? Ang ganda ganda mo noon. Ikaw ang pinakamagandang babae sa pagsasalong iyon.”
Tila hindi niya narinig ang aking pahayag dahil nakatingin lamang siya sa kanyang braso...nakatingin lamang siya sa aming sanggol na siya lamang ang nakakakita.
BINABASA MO ANG
WP New Stories' One-Shot Story Contest
Non-FictionSali na kayo sa mumunting anniversary special contest namin! Welcome po ang LAHAT! :)