NOTE from Admins: This is a work of fiction. Lahat po ng mababasa niyo ay pawang istorya at kathang-isip lamang. May maselang tema at kailagan ang bukas at malawak na kaisipan bago basahin. Salamat.
Madilim ang selda na kinalalagakan ko, hindi ko alam kung umaga pa ba o gabi na dahil walang liwanag na dumarating sa akin. Nakakakita lamang ako ng liwanag kapag ilalabas nila ako para kumain o kaya'y nais kong gumami ng banyo.
Hindi rin ako maaring makipag-usap sa mga sundalo kaya ang tanging ginagawa ko lang sa seldang kinalalagakan ko ay manalangin, hindi para sa sarili ko kung di para sa iba.
Ginising ako ng isang sundalo, nang lumabas ako napag-alaman kong gabi na. Hindi ko alam kung bakit ako ginising dahil hindi naman nila sinasagot ang mga tanong ko. Pinasok ako sa isang simpleng silid na tanging ang liwanag ng buwan ang nagsisilbing liwanag. Sa pinakamaliwanag na parte ng silid ay naroon ang isang lalaki na sa tingin ko ay nasa edad limampu ang nakaupo sa isa ring simpleng upuan. Tinanggalan ako ng posas ng sundalo saka lumabas. Sumenyas naman ang matanda sa akin at ako'y agad na lumapit; lumuhod sa kanyang harapan at pinagtalikop ang aking mga kamay. Hinawakan niya ang aking ulo at agad akong yumuko.
Alam ko na ang kanyang nais kaya sinang-ayunan ko na lamang ito.
"Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo," nag-antanda ako ng krus, kasabay ang mga salitang ito. "Basbasan mo po ako Padre, sapagkat ako'y nagkasala. Ang huli kong pangungumpisal ay noong ako ay dalawampu't-lima pa lamang. Kagalang-galang na Santo Papa, ito po ang aking mga kasalanan . . ."
* * *
Tatlumpu't-limang taon na akong nabubuhay sa mundo.
Simple at payak lamang ang pamumuhay namin noon at kahit musmos pa lamang ako noon, alam ko na mayroon kaming mga problema subalit nakukuha pa rin nilang ngumiti na nagiging dahilan rin ng aking mga ngiti. Sa unang limang taon ng aking buhay alam kong nabuhay akong masaya at kuntento kasama ng aking mga magulang hanggang sa kunin ang kanilang buhay sa harap ko mismo. Ang hindi ko maintindihan bakit pa ako binuhay ng pumatay sa kanila?
Sa sumunod na limang taon na iyon ay nabuhay akong may hinanakit sa mundo, walang katumbas na hinagpis at paghihirap. Naging pipi ako dahil sa nangyari. Naging pagala-gala dahil sa takot sa mga tao. Sa murang edad, natutuo akong magnakaw para mayroong makain, manakit para makita nilang malakas ako, manggamit ng kapwa para makaligtas ako.
Isang araw, isang pamilya ang nakakita sa aking pagala-gala sa lansangan. Pinaulanan nila ako ng mga mabubuting salita at mabubuting gawa; nakita ko sa kanila ang mga ginagawang kabutihan ng aking mga magulang kaya sumama ako sa kanila. Subalit hindi nagbalik ang aking boses o hindi ko magawang makapagsalita dahil ilang linggo lang ang lumipas, inabuso na nila ako. Ginawa akong alipin ng kanilang pagnanasa. Kung anu-anong pinagawa nila sa akin para maibsan ang kanilang uhaw sa laman. Hindi ko na nakayanan kaya tumakas ako, at muling nagpagala-gala.
Sa aking pag-gagala napunta ako sa isang simbahan, isang pamilya na naman ang nakakita sa akin at pinaulanan ako ng mabubuting salita at mabubuting gawa. Ayaw ko na sanang magtiwala maliban sa akin subalit nakita kong iba sila sa unang pamilya na umampon sa akin. Subalit, buwan lang ang lumipas, pinatunayan na naman nilang nagkamali ako.
Panlabas lang ang kanilang pagiging relihiyoso, ang pagsamba nila sa Diyos, ang takot na pinapakita nila sa tuwing nakikita ko sila sa simbahan; balat-kayo lahat ito ng isang demonyo. Hindi nila ako ginawang alipin ng laman subalit, ginawa nila akong human sandbag. Itatali nila ang aking mga kamay, ibibitin sa kisame. Minsan pa nga'y tinatali nila ako ng patiwarik. Sinasaktan nila ako kapag galit sila o naiinis at minsan ay nais lang nila akong saktan.
BINABASA MO ANG
WP New Stories' One-Shot Story Contest
Non-FictionSali na kayo sa mumunting anniversary special contest namin! Welcome po ang LAHAT! :)