Entry 12: Bantay

376 7 4
                                    

 May mga bagay sa mundo na mahirap ipaliwanag, mahirap bigyan ng rason at tila hindi kapani-paniwala, pero hindi malayong maging posible. Ito ang mga bagay na hindi kailangan ng siyentipikong paliwanag ngunit sapat na ang pagmamahal para lubos na maunawaan.

Gulat na napalingon si Mika sa pintuan ng kanyang bahay nang marinig ang tila kalabog na nanggaling sa labas. Nag-iisa lamang siya sa bahay na iyon at dis oras na ng gabi para magkaroon pa siya ng bisita. Marahan siyang lumapit sa bintana at hinawi ng kaunti ang kurtina para tignan kung may tao ba sa labas. Madilim nang gabi na iyon sapagkat makulimlim ang kalangitan at kakatapos lamang umulan. Walang mga bituin at nagtatago rin ang buwan.

Wala naman siyang makitang tao o kahit na anong bagay na naging dahilan ng kalabog kanina, kaya ipinagsawalang-bahala niya na lamang iyon. Tumalikod na siya at pinatay ang ilaw sa sala nang may bigla na naman siyang narinig. Napako siya sa kinatatayuan at binalot ng takot. Nakakapangilabot na alulong ang pumunit sa katahimikan ng gabi. Nakakapanindig balahibo ito at tila nanggagaling lamang sa labas ng kanyang bahay. Ilang segundo lamang ang itinagal niyon at nakakakabang katahimikan naman ang sumunod. Pagkatapos ay isang sipol ang kanyang narinig. Isang sipol na pamilyar na pamilyar sa kanya.

"Mika!"

Napatigil siya sa pagwawalis sa kanyang bakuran at napalingon sa nag-aalalang mukha ng tumatakbong kababata niya na si Sally. "Mika, si Tonyo natagpuang patay!"

"Ano?" Si Tonyo ay isa sa mga tambay sa bayan nila na matatagpuan sa liblib na parte ng Negros. Magmula nang umuwi siya mula sa Maynila dalawang buwan na ang nakakaraan ay parati na lang siyang pinagtitripan ng barkada nito. "Papano'ng namatay?"

"Parang nilapa ng mabangis na hayop! Marami siyang malalalim na sugat, lalo na yung nasa leeg niya. Nakakakilabot!" Nanginginig na kwento nito at saka tumingin sa kanya na tila nahihintakutan.

"Teka? Bali-balita kanina na binastos ka raw ni Tonyo kahapon, ah? Tapos ganoon yung nangyari sa kanya kinagabihan! Sabi nila, baka raw binalikan ng mga nagbabantay sa'yo dahil sa ginawa nitong pambabastos."

Napabuntung-hininga siya. Simula nang bumalik siya ay nabuhay na naman ang mga haka-haka noong bata siya na may mga nagbabantay at nagpoprotekta raw sa kanya kaya lahat ng taong nakakagawa ng di kanais-nais sa kanya ay naaaksidente o di kaya ay natatagpuan na lang na patay.

"Sally, walang anumang nilalang na nagbabantay sa akin at pumapatay ng mga tao rito. Maliwanag? At saka ba't naman may magbabantay sa akin? Aber?"

"Hindi ko alam! Basta ang sabi nila kaya raw hindi na nakita ang katawan ng kuya mo mula sa aksidente kasi sumama raw sa mga engkanto kapalit ng kaligtasan mo." Napailing na lang siya sa lawak ng imahinasyon ng mga tao sa bayan nila. Kahit ano na lang ginagawang dahilan, di pa pinalagpas ang kuya niyang matagal nang patay.

Nahulog ang sasakyan nila limang taon na ang nakakaraan sa isang bangin sa kanilang lugar na siyang kumitil sa buhay ng kanyang mga magulang. Tanging siya lamang ang nakaligtas habang ang katawan naman ng kanyang kuya ay hindi na natagpuan pa. Iyon ang pinagmulan ng lahat na usap-usapan tungkol sa kanya at sa kanyang pamilya.

"Sally, talaga ba'ng naniniwala ka sa mga sinasabi ng mga tao? Walang kinalaman dito ang kuya ko. Matagal na siyang patay kaya h‘wag niyo na siyang idamay pa."

Hindi niya alam kung guni-guni lang ba niya iyon pero nararamdaman niyang parang may kanina pa sumusunod sa kanya.

Pauwi na siya ngayon mula kina Sally. Hindi niya inaasahan na gagabihin siya roon kaya ngayon ay mag-isa siyang naglalakad sa daan. Medyo malayo rin kasi ang bahay niya sa mga ibang kabahayan at madalang na may gumawi sa parteng iyon ng kanilang lugar.

WP New Stories' One-Shot Story ContestTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon