Totoong makapangyarihan ang damdamin. Ito ang taglay ng tao, ang kapangyarihan ng damdamin.
Maniwala ka man o hindi ngunit iyong mapagtatanto dahil sa mga bagay na ating nagagawa. Kung ang nais mo ay pag-ibig mapupuno ka ng pag-ibig. Kaya lang maraming uri ng pag-ibig: pag-ibig sa kasalungat na kasarian, pag-ibig sa hayop, pag-ibig sa kapaligiran, pag-ibig sa kayamanan, pag-ibig sa mga bagay, pag-ibig sa kapwa at pag-ibig sa Diyos. Katulad ng pagnanasa ang ibang katumbas ng pag-ibig, at bukod-tangi ang dalawang turo na mas mahalaga sa lahat, 'ang pag-ibig sa kapwa at pag-ibig sa Diyos'.
Kung ang mauuna sa mga pag-ibig na nais mo ay ang lima, siguradong ang mananaig ay mapapalitan ng pagnanasa. Ngunit kung ang dalawang nahuhuli ang mananaig, walang duda na payapa ang mundo at ang lupa. Walang ganid na tao o isipan ng tao.
Dahil kung ang pag-ibig sa kasalungat na kasarian ang iyong laging nasa puso ay walang ibang bagay na higit sa iyo kundi ang makasama ang nais mong tao palagi. May hangganan ang inyong pagkilos dahil sa pag-ibig ninyo ay nasa inyo lamang. Nakabubulag din ang damdaming iyon kung iyong malalaman. Nahaharangan ang ibang mga bagay dahil sa kapangyarihan ng damdamin na nangingibabaw. Alam mo naman siguro ang pakiramdam ng umiibig? Kapag sobra nakasisira ng pagkatao, tulad ng mga gawa ng mga manunulat, na ginagawang siraulo ang isang tao na matindi ang pag-ibig sa isang tao. Walang mabuting matututonan sa kanilang mga balangkas na sulatin dahil hindi naman talaga ganoon ang mga taong umiibig. Mali ang pananaw na kanilang ibinabahagi sa tao. May mga taong nasisira sa ganoon ngunit hindi sila umaabot sa punto na buong angkan o lipi ng isang tao ay uubusin o paghihigantihan niya. Wala sa hubog ng katotohanan ang kanilang ipinapakita tungkol sa katinuan ang isang mabuting manunulat. Madalas na ang mga taong nalulubog sa pagkawala ng katinuan ay dahil sa kanilang kasakiman na hindi kayang pigilan. Pinagbabayad sila ng Panginoon katulad kung paanong si Nebuchadnezzar ay nabaliw at nabalik sa katinuan pagkatapos ng pitong taong nakatakda sa kaniya at nang siya ay makabalik ay naging mabuti na siya sa lahat ng tao. Iyon ang dapat na iyong matutunan sa iyong tiwarik na isipan.
Alam naman ninyo siguro ang mga uri ng sakit na hindi mabigyan ng kasiguruhan kung saan nanggaling? Hindi iyon namamana kundi ay isang parusa o pagsubok.
Katulad din ni Job na matuwid na tao ngunit sa kabila ng lahat siya ay nakatanggap ng hindi maipaliwanag na pagsubok. Hindi niya iyon ininda dahil alam niyang wala siyang ginagawang mali. Tama ang kaniyang tantiya sa sarili. Nanatili ang tiwala niya, at muli ay bumalik ang lahat sa kaniya at nadoble pa ito.
Si Nebuchadnezzar ay sakim at bilib sa sarili samantalang si Job ay mabuti at matuwid, at laging nasa Diyos ang paniniwala ngunit pareho silang nakatanggap ng pagsubok sa magkaibang paraan.
Ang pag-ibig sa mga bagay na nasa mundo ay hindi mabuting pangitain mula sa isang tao. At hindi kaila na ang buong mundo ay lulong dito, na hindi nila nalalaman. Ang tangi nilang alam ay biyaya ito. Ngunit hindi lahat ng bagay na gawa ng tao ay mula sa Diyos. Tanging ang mga bagay na hiniling mula sa Diyos ang may kahulugan. At dahil taglay ng tao ang kaalaman kaya nakagagawa ang lahat ng tao ng nais nilang gawin. Nauunawaan mo ba? Kaya nga ang tanging magkakamit sa langit ay ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos. Dahil bakit pa magmamana ang mga taong nakagawa mula sa kanilang sariling mga kamay kung kaya naman nila ang mga ganoong bagay? Babaliktarin na ang kapalaran ng tao: ang mga dating taga-utos ay magiging taga-sunod at ang mga dating api ay titindig na walang pagkukubli ng katauhan, ang mga wala ay magkakaroon ng higit sa kanilang inaasahan. Hindi ba magandang malaman na ang mga paghihirap na nararanasan ng mga inaapi at inaalipusta ay mababago pagdating ng dulo. Ang mga mayaman sa panahon ngayon ay magiging isang pangkaraniwan na lamang sa dulo. Tapos na nilang matamasa ang karangyaan, ang kapangyarihan ng pag-ibig sa kayamanan, sa mga bagay, sa mga hayop, sa kapaligiran, lahat ng materyal na bagay na nakamit na nila. At iyon ang ibig sabihin ng mga turo na hindi alintana ng mga nagpapaliwanag ng banal na aklat.
Dahil marami pa rin ang naghahangad ng mariwasang buhay kaysa maginhawa lang. Magkaiba ang salitang iyan. Ang mariwasa ay kayamanan at lahat ng bagay na nasa mundo ay nakakamit. Ang maginhawa ay yaman na hindi nasasagad kundi ay sapat sa araw-araw.
Iyon ang aral ng pag-ibig, huwag hangarin ang daigdig.
At hindi lahat tao ay pumapasa sa maliit na pagsubok, dahil dinadaig sila ng kapangyarihan na taglay nila, ang kapangyarihan ng kasakiman.
Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama. Ang lahat ng nasa sanlibutan, ang masasamang nasa ng laman, ang nasa ng mga mata, at ang pagmamalaki sa mundong ito ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan. 1 Juan 2:15-16
BINABASA MO ANG
ParaNormal ang Isipan Mo
SpiritualTama! paranormal ang isipan mo, basahin mo ito, sigurado mapapakamot ka na lang at mapapaisip sa katotohanan.