-23-
GANYAN KAMAHAL
Mabuti na lang at kasama ko si Simon. Natulungan niya ang tatlong assistant ko sa paghawi ng mga tao. Sa may gate pa lang ng Lao Building ay sandamakmak na ang mga taong nag-aabang sa akin. Lahat sila ay nagtatanong tungkol sa pagkakasabit ng pangalan ko sa pagkamatay ni Ate Farah.
Halos gulo-gulo na tuloy ang buhok ko habang pumapasok ng Lao Entertainment Corporation. Naiwan na nga sina Simon, Batman at Robin sa lobby para huwag ng sumunod sa akin ang mga reporters. Kami lang ni Batgirl ang pumasok sa elevator para akyatin ang opisina ni Miss Lao.
Nakailang hinga muna ako ng malalim bago ako tumango kay Batgirl na buksan na ang pintuan ng opisina ni Miss Sapphire. Wala namang problema sa sekretarya niya, dahil kanina pa daw talaga ako inaantay.
"ZL.." Tono pa lang ni Miss Sapphire ay ninenerbyos na ako.Kahit na hindi naman talaga siya galit. Malungkot pa nga eh. Kaya mas nakakatakot.
"Good afternoon po, Miss Sapphire!" Magalang na bati ko.
Iminustra niya ang upuan sa harap ng mesa niya. "Upo muna kayo." Sabi niya sa akin na may mapait na ngiti.
"Salamat po." Halos sabay na sagot namin ni Batgirl habang tig-isang umuupo sa harap ng kanyang lamesa.
"Pinatatawag daw po ninyo ako?" Tanong ko na may hinala na rin naman sa maaring dahilan ng pagpapatawag niya.
Tumikhim muna siya na para bang bumubwelo. Kung nahihirapan siya kung paano sisimulan ang sasabihin niya ay mas grabe ang hataw ng puso ko.
"ZL, kasi..." Hinilot niya muna sandali ang kanyang ulo bago muling ibinuka ang kanyang bibig. "Lahat ng projects mo ay kumansela sa atin." Dugsong niya na tuluyan nang nakapagpalamig ng pakiramdam ko. Feeling ko nga ay namumutla na rin ako.
Kinukutuban na ako sa maaari pa niyang sabihin, pero wala akong magagawa kundi tanggapin iyon. "B-Bakit daw po?" Nabubulol pang tanong ko.
"Bakit ikaw ang isa sa suspects sa pagkamatay ni Farah na taga Tan Productions?" Titig na titig na tanong ni Miss Sapphire. Titig pa lang niya ay nakakaintimidate na.
Parang DVD na nagreplay sa utak ko ang huli naming pagkikita ni Ate Farah. "Hindi ko nga po alam. Ang sabi po kasi ng iba ay dahil daw po ako ang madalas niyang kaaway. Kaya ako ang isa sa may pinaka may matinding motibo." Malungkot na sabi ko.
"Pero wala ka ba talagang alam sa nangyari, ZL?"
Pakiramdam ko ay bumibigat ang aking mga mata. Namamasa na ito. Tumingala na lamang ako para hindi pumatak ang luha. Nasasaktan kasi ako na pati ba naman si Miss Sapphire ay nagdududa na sa akin?
Dahil sa bigat ng nararamdaman ko ay hindi ako makasagot. Pakiramdam ko kasi, kahit patanong, hindi nila ako dapat tinatanong ng ganyan. Dahil pinapalabas lang nilang nagdududa sila sa akin. Ibig sabihin pala, all these years ay hindi pa rin ako kilala ng Talent Agency na halos buong kabataan ko nang pinagsilbihan.
"Mawalang galang na po. Bakit naman po gagawin iyon ni Miss ZL?" Hindi makatiis na singit ni Batgirl.
Nagkibit-balikat lang si Miss Lao sa kanya. Hindi na nagabala pa siyang sagutin ang tanong ng assistant ko. Bumalik siya muli sa kanyang swivel chair. "Sobrang dami ng tumitira sa iyo at naghihinala, kaya nagbackout ang mga producers sa iyo." Paliwanag niya.
Ang sakit naman! Sa sobrang sakit ay hindi ko namalayan na nakaalpas na pala ang isang luha sa aking mga mata. "B-Bakit po nagkaganoon?" tanong ko habang pinupunasan ang sarili kong luha.
BINABASA MO ANG
My Alien Boyfriend
RomanceSa hindi inaasahang pagbibiro ng tadhana, magtatagpo ang mga buhay ng dalawang nilalang mula sa magkaibang mundo. Samahan natin ang ating mga bida kung paano nila haharapin ang malaking pagsubok para tawirin ang agwat ng magkalayong daigdig. (Fan-Fi...