SUMIKDO ang dibdib ni Patricenang marinig ang palapit na mga yabag ng kabayo. Nagwawalis siya ng mga tuyong dahon sa bakuran nila na naglaglagan dahil sa lakas ng ihip ng hangin nang nagdaang gabi. Nag-angat siya ng ulo. Napahigpit ang hawak ng kamay niya sa walis-tingting. Ang sakay ng kabayo ay walang iba kundi si Ezekiel at patungo ito sa direksiyon niya.
Hindi niya napigilan ang sarili na pagmasdan ito habang matikas na nagpapatakbo ng kabayo. Tuwid na tuwid ang likod nito at talagang napakakisig. Mayamaya ay tumigil ito sa harap niya.
Nagpalinga-linga siya para tingnan kung may ibang taong nakakita na naroon ang binata kahit ilang metro ang layo ng pinakamalapit nilang kapitbahay. Ang nanay niya ay nangunguha ng gulay.
Bumaba ito sa kabayo at walang anumang pumasok sa bakuran nila na tanging mga kawayan at halamang santan ang nagsisilbing bakod.
"Good morning," bati nito sa pormal na tono. Halos hindi bumuka ang bibig nito at bahagyang magkasalubong ang mga kilay. Kinabahan siya. Kahit maganda ang ginawa nitong pakikitungo sa kanya noong isang araw, hindi niya nakakalimutang anak ito ng señor. Balita ang kakaibang temper ng mga Moreno.
"M-magandang umaga rin po,Señori—"
"Tawagin mo pa ako ng ganyan at ngayon din mismo ay parurusahan kita,"putol nito sa sinasabi niya. "May atraso ka sa akin,Patrice. Pinaghintay mo ako kahapon. Bakit hindi ka pumunta roon?" tanong nito. Kunot na kunot ang noo nito na tila naghihintay ng maayos na dahilan mula sa kanya.
Pero hinintay ba talaga siya nito roon? "W-wala akong sinabi na pupunta ako," nauutal na sabi niya rito.
"Wala ka ring sinabi na hindi ka pupunta!" mariing sabi nito bago humugot ng malalim na hininga na tila pinapakalmaang sarili. "I'm sorry. Na- disappoint lang ako na hindi ka pumunta."
Wala siyang maapuhap na isagot dito. Nakatitig lang siya rito.
"Patrice, I'm trying to be as patient as I can so please don't test it. Gusto kong makipagkaibigan sa iyo.Narito ako ngayong summer para magbakasyon. Pagkatapos ay babalik na uli ako sa ibang bansa para sa masteral ko. Akala ko nga, pagsisisihan ko ang pag-uwi rito, pero nang makita kita... I think I'm going to enjoy my vacation here," titig na titig sa kanya na sabi nito. "Huwag kang mag-alala. Gusto ko lang makipagkaibigan."
Nahihiyang nagyuko siya ng ulo. "Paano mo nalaman kung saan ako nakatira?"
"Hinulaan ko lang na malapit sa bundok ang bahay mo. Ipinasya kong hanapin ka. Balak ko sanang magtanong-tanong pero hindi na pala kailangan dahil madali ka lang palang hanapin," anito.
"Baka makarating kay Señor na narito ka..." nag-aalalang sabi niya.
"Wala siya, nasa Manila. Malapit na ang national election, 'di ba? Well, ka-meeting ng papa ko ang mga bulok na kandidato para masiguro ng mga iyon ang pagkapanalo rito. He won't be here for... oh, well, I don't really care," anito sa tinig na puno ng disgusto.
Base sa sinabi nito ay nahinuha niya na hindi magkasundo ang mga ito. At mukhang hindi rin magkaugali. Napangiti siya.
Umangat ang isang kilay nito. "O bakitbigla kang ngumiti?"
Umiling siya. "Wala. Umiinom ka ba ng instant coffee?" tanong niya rito.
Lumiwanag ang mukha nito. "Why, of course! Ano'ng tingin mo sa akin, sasakit ang tiyan kapag nakainom ng instant coffee?" nakangiting sabi nito. Lalong lumakas ang karisma nito sa pagngiting iyon.
"Kung ganoon, halika, pasok ka sa loob para magkape." Hindi naman siguro masama kung makikipagkaibigan siya rito. Mukhang hindi naman ito katulad ng señor.
"Nandiyan ba ang mga magulang mo? Gusto ko silang makilala."
"Ulila na ako sa ama. Kami na lang ni Nanay ang magkasama. Nasa taniman siya, nangunguha ng mga gulay," wika niya habang pumapasok sa bahay. Nakasunod ito sa kanya.
"Istrikto ba siya? Nanghahabol ng itak, something like that?"
Natawa siya. "Si Nanay ang pinakamabait na taong kilala ko."
IYON na ang naging simula ng pagkakaibigan ni Patrice at ni Ezekiel. Hiniling niya rito na kung maaari ay iwasan nilang makita ng ibang tao na magkasama sila para hindi makarating sa señor. Nagkikita nalang sila sa property nito kung saan sila unang nagkakilala. Zeke is a very intelligent person. Iyon ang nadiskubre niya nang makilala pa niya ito nang husto.Halos lahat din ay napag-usapan na nila pero napansin niya kapag dumadako na ang usapan sa ama nito ay bigla itong nag-iiba ng paksa. Madali itong mainis pero mabait naman ito at totoong tao. Ramdam niya na gusto talaga siya nitong maging kaibigan sa kabila ng agwat ng pamumuhay nila.
BINABASA MO ANG
Story Of Us Trilogy: Book 2 (Completed)
RomanceIisa lang ang nasa isip ni Patrice nang magbalik siya sa Pilipinas pagkalipas ng labindalawang taon--- ang maghiganti kay Ezekiel. He was her first love who gave her the most painful heartache possible. Isinumpa niyang magbabayad ito ng mahal para s...