Part 10

11.5K 320 2
                                    


CHAPTER THREE

"'NAY..." alanganing tawag ni Patrice sa kanyang ina. Nagtitiklop ito ng mga damit. Kauuwi lang niya mula sa gubat at kanina pa siya hindi mapalagay. Buo na ang pasya niya na sabihin sa ina ang relasyon nila ni Ezekiel subalit hindi pa rin niya maiwasang makaramdam ng bahagyang nerbiyos sa gagawing pagtatapat dito. Pinagsabihan na siya nito minsan na huwag niyang hahayaang mahulog ang loob niya sa binata. Pero hindi lang basta nahulog ang loob niya, boyfriend pa niya ito ngayon.

Huminto ito sa pagtitiklop ng damit. "Akala mo ba, hindi ko napapansin na parang may bumabagabag sa iyo? Hinayaan lang kita na kusang magbukas sa akin. Ngayon, ano ang gusto mong sabihin sa akin?" mahinahong tanong nito.

Napayuko siya. "'Nay, k-kami na po si Ezekiel..."

Natigilan ito. "A-anong kayo na ang ibig mong sabihin, Patrice?" tanong nito.

"M-magnobyo na po kami."

Nalaglag ang mga balikat nito na tila nanlumo.Tumayo ito at nagtungo sa harap ng bintana.

"'Nay..."

Lumingon ito. Nilapitan siya at hinawakan ang mga kamay niya. "Patrice, napakabata mo pa. Nagkulang ba ako sa paalala sa 'yo?"

Umiling siya. "Hindi po, 'Nay.Kaya lang... m-mahal ko po si Zeke at ang sabi niya ay mahal din niya ako."

Bumuntong-hininga ito. "Patrice, hindi sa ayaw ko siya para sa 'yo. Kahit sinong lalaki basta mahal mo, walang kaso sa akin iyon. Pero, anak, nakalimutan mo na ba na isa siyang Moreno? At anak pa niSeñor?" anito na halatang nag-aalala.

Nakagat niya ang ibabang labi niya. "M-mabait po si Zeke, 'Nay. Hindi siya katulad ng daddy niya. Isa pa, mahal niya ako."

"Naroon na ako, Patrice. Pero, anak—"

Nagpapaunawang tiningnan niya ito.

Bumuntong-hininga uli ito. "Patrice, nasaan man ang iyong ama, sana ay gabayan ka niya. Sana ay huwag kang mapahamak dahil sa pagmamahal mo kay Ezekiel."

Niyakap niya ito. Kahit siya ay natatakot din pero nangingibabaw ang pagmamahal niya sa binata.


Story Of Us Trilogy: Book 2 (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon