Part 12

11.6K 319 1
                                    


Saglit na nagdasal sina Patrice at Zeke bago nagyaya ang huli na mamasyal sa Kidapawan Mall.

Hindi iilang mga mata ang napansin niya na sumusulyap sa nobyo niya nang may paghanga. She felt so proud and secured dahil hindi kailanman ipinaramdam nito sa kanya na may dapat siyang ipag-alala. Mayamaya ay hinila siya nito sa isang cellphone store.

"Patrice..."

Nahulaan agad niya ang binabalak nito. "Ayoko," mariing tanggi niya. She knew he wanted to buy her a cell phone.

Pumalatak ito. "Pambihira! Wala pa nga akong sinasabi, ayoko na agad ang sagot mo?" anito.

Hinarap niya ito. "O, bakit? Mali ba ako sa iniisip ko na gusto mo akong ibili ng cell phone?" nakataas ang isang kilay na tanong niya rito.

Ezekiel chuckled. "Oh? Ganoon ba kadaling hulaan na gusto kitang regaluhan ng cellphone?"

"O di umamin ka rin?" nakataas ang isang kilay na wika niya.

Humawak ito sa batok bago nagpapa-cute na ngumiti sa kanya. Despite herself, she couldn't help but smile. Napakaguwapo nito lalo kapag ganoong umaabot sa mga mata nito ang ngiti nito. "Oo na, tama ka. Pero sige na, pumayag ka na. Malaking tulong ang cell phone. Magkakaroon ako ng contact sa 'yo kahit anong oras. Just think of the gadget's purpose."

Umiling uli siya kahit alam niyang may punto ito.

Sa pagkamangha niya ay bigla nalang itong lumuhod sa harap niya. "Please? Just this one, please?" anito at pinagsalikop pa ang mga kamay na parang batang nagmamakaawa para regaluhan ng pinakamimithi nitong laruan.

"Zeke, tumayo ka riyan!" natatarantang wika niya. Nilinga niya ang paligid. Lalo na siyang nataranta nang makitang nakakatawag na sila ng atensiyon. Subalit tila wala itong pakialam sa mga taong nag-uusyoso.

"Please?" sabi uli nito.

"Sige na. Oo na!" Halos hilahin na niya ito patayo.

Ngising-ngisi ito. Larawan ng tagumpay ang guwapong mukha nito. "Great! Let's go!"

Inirapan niya ito. Tatawa-tawang kinabig siya nito bago siya niyaya sa ibang cellphone store. Wala na nga siyang nagawa nang bilhan siya nito ng cell phone.

Mayamaya ay nagyaya na siyang umuwi. Magkahawak-kamay na tinungo nila ng nobyo ang sakayan. Nag-commute lang kasi sila.

Hustong nakatawid sila ng kalsada nang may humintong sasakyan sa gilid nila. Bumaba ang bintana ng backseat niyon. Ganoon na lang ang pamumutla niya nang makita niya kung sino iyon.

"S-Señor..." halos bulong lang na sambit niya.Nanginig ang mga tuhod niya at namawis ang palad niya dahil sa kaba. Bahagyang pinisil ni Ezekielang kamay niya na hawak nito para marahil ipabatid sa kanya na wala siyang dapat ipag-alala.

"Sino ang babaeng 'yan, Ezekiel?" tila kulog ang tinig na tanong ng señor dito na muntik nang magpatalon sa kanya. Naniningkit ang mga mata na hinagod siya ng tingin ng señor mula ulo hanggang paa na tila inuuri siya. Tumigil ang tingin nito sa magkasalikop na mga daliri nila ng anak nito. Tinangka niyang bawiin ang kamay niya pero hindi iyon pinakawalan ni Ezekiel. Mabuti nalang at bahagyang nakakubli ang suot niyang singsing kaya tila hindi iyon nakita ng señor. Dumako rin ang tingin ng señor sa hawak niyang paper bag. Halatang cell phone ang laman niyon dahil nakatatak sa paper bag ang manufacturer ng cell phone na binili nila.

"Siya si Patrice, girlfriend ko," sagot ni Ezekiel.

Napatingin siya rito. Ipinakilala ba talaga siya nito bilang girlfriend? Magkahalong saya at takot ang naramdaman niya dahil doon lalo na at dumilim ang anyo ng matanda sa isinagot ng nobyo niya. Diniinan nito ang button para muling tumaas ang bintana sa backseat. Habang tumataas ang salamin ay hindi iniaalis ng Señor ang tingin nito sa kanya na tila kinakabisa nito ang hitsura niya. Lalong nagdulot iyon ng takot sa kanya. Kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag nang umandar na ang sasakyan at tuluyan nang umalis.

"Oh!" bulalas ni Patrice. Humawak siya sa braso ni Ezekiel para kumuha ng suporta dahil tila bibigay ang nanginginig na mga tuhod niya.

"Hey, easy. Wala kang dapat ikatakot," pag-a-assure nito sa kanya.

"Wala?" Tumawa siya nang pagak. "Kilala mo ang daddy mo, Zeke. Hindi niya ako kailanman magugustuhan para sa 'yo. Tingin pa lang niya sa akin kanina, nakakapanginig na."

Umiling-iling ito. "Hindi ko kailangan ang approval niya."

"Zeke, p-paano kung paghiwalayin niya tayo?"

"Ako lang ang makapagpapasya tungkol sa bagay na iyan, Patrice," seryosong sabi nito, saka nakangitingidinagdag. "Hihiwalayan lang kita kapag ayoko na sa iyo."

"Zeke!" nakasimangot na sita niya rito sabay hampas sa dibdib nito.

Humalakhak ito. "Nagbibiro lang ako," anito, bago siya kinabig at maingat na ipinaloob sa bisig nito. Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya sa pagyakap nito sa kanya.


Story Of Us Trilogy: Book 2 (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon