HI.MAY business trip ako for two days. I'll see you when I get back. Yours, Zeke.
Iyon ang note na nabungaran ni Patrice sa bedside table nang magising siya. Sulat-kamay iyon at katabi ng maliit na note ay isang pumpon ng mapupulang rosas.
Yours.Tumatak sa isip niya ang salitang iyon. Was he really hers? Umiling siya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya maunawaan kung ano ang gustong mangyari ni Ezekiel. He took her home, and now, he was making her feel like she was so special to him.
Naalala niya ang eksena sa ospital. Pupusta siya na sa mga oras na iyon ay pinagpipiyestahan na sa mga pahayagan ang litrato nila ni Ezekiel habang nasa harap ng ospital. Siguradong nalilito na naman ang press kung sino talaga rito at kay Alexander ang may kaugnayan sa kanya.
Napahawak siya sa noo niya nang may maalala. Kaninang maagang-maaga ay naramdaman niya na may dumampi na mainit na bagay sa noo niya. Hinalikan ba siya ni Ezekiel bago ito umalis?
Bumangon na siya at nagtungo sa banyo. Iniwasan niya na mabasa ang na-sprain na paa niya. Tumanggi siya nang sabihin ni Ezekiel kanina na pupuntahan siya ng doktor. Hindi naman na gaanong masakit ang sprain niya. Pagkaraan ng ilang sandali ay lumabas na siya ng silid. Nagulat siya nang makitang may nakaantabay na katulong sa labas ng pinto.
"Magandang umaga po, Señorit—"
"Magandang umaga rin pero Patrice na lang," nakangiting putol niya sa sinasabi nito.Sa tingin niya ay mas matanda siya kaysa rito. "O kaya 'Ate Patrice' na lang ang itawag mo sa akin."
"S-sige po, A-Ate Patrice. Ako po si Jessa, pamangkin ako ng mayordoma at ako ang itinalaga ni Sir Zeke para umalalay sa inyo."
"Salamat. Pagkatapos mag-breakfast, samahan mo naman ako na libutin ang buong bahay. Okay lang ba?"
"Naku, wala pong problema, Ate Patrice. Kung kaya na ng paa mo, aakyat tayo sa rooftop. Tiyak na magugustuhan mo ang swimming pool doon."
"May swimming pool sa rooftop?"
"Gusto ko ng bahay na may swimming pool sa rooftop."
Napapikit siya nang umalingawngaw sa isip niya ang mga salitang iyon. Sinabi niya iyon kay Zeke minsang nagkukuwentuhan sila sa tagpuan nila.
"Opo, at si Sir Zeke pa po mismo ang personal na namahala sa disenyo sa itaas," pagbibida nito.
Napangiti siya.Mukhang marami siyang malalamang impormasyon sa katabilan nito.
"Jessa, sino-sino na ang nakarelasyon ni Zeke?"tanong niya.
Sa pagkadismaya niya ay tumikom ang bibig nito. "Naku, Ate Patrice, pasensiya na po pero wala akong alam sa bagay na iyan. Ang masasabi ko lang po, kayo pa lang ang unang babaeng dinala rito ni Sir Zeke."
Hindi na siya nagtangkang magtanong pa dahil nasisiguro niya na hawak ni Ezekiel ang katapatan ng mga tauhan nito.
BINABASA MO ANG
Story Of Us Trilogy: Book 2 (Completed)
RomanceIisa lang ang nasa isip ni Patrice nang magbalik siya sa Pilipinas pagkalipas ng labindalawang taon--- ang maghiganti kay Ezekiel. He was her first love who gave her the most painful heartache possible. Isinumpa niyang magbabayad ito ng mahal para s...