"PATRICE,anak, ano'ng nangyari?" nag-aalalang tanong ng kanyang ina nang pumasok siya sa bahay nila.
Huli na para itago niya rito ang mukha niyang puno na ng luha.Putikan din ang damit niya at pigtas ang isang tsinelas.
Tila nakakita ng kakampi na sinugod niya ito ng yakap. "'Nay!" Iyon lang ay tuluyan na siyang napahagulhol.
Mahigpit na niyakap siya nito at inalo-alo. Sa dibdib nito niya ibinuhos ang magkakahalong galit, sama ng loob, at pagkaawa sa sarili. Sa pagitan ng pag-iyak ay ikinuwento niya rito ang nangyari.
"Ang anak ko!" naiiyak ding sabi nito.
Natigil ang pag-iyak ni Patrice nang makarinig sila ng ugong ng mga humintong sasakyan sa labas ng bahay nila. Pareho silang sumungaw ng nanay niya sa bintana.Halos panginigan siya ng mga tuhod nang makita na nagsibabaan ang mga armadong kalalakihan na sakay ng dalawang owner-type jeep.
"'N-Nay..." mahinang usal niya na may kasamang takot. Kilala niya ang mga lalaking iyon. Mga tauhan ito ni Señor Artemio Moreno.
Kinuha ng nanay niya ang kamay niya at pinisil iyon. "Dito ka lang. Ako na ang haharap sa kanila. Huwag kang lalabas ng bahay," bilin nito bago siya iniwan doon.
Napatango nalang siya. Lumabas na ang kanyang ina.
"Ano ang kailangan n'yo sa amin?" narinig niyang tanong ng nanay niya.
"Narito kami para magdala ng mensahe, Aling Rosa. Nais ni Señor Artemio na lisanin n'yo ang Cotabato ngayon din at huwag nang babalik dito o kahit saang sulok ng Mindanao kung ayaw n'yong mabaon sa ilalim ng hukay. Hayan ang pera. Sapat na siguro iyang kabayaran para sa maliit n'yong lupa."
Nangilabot siya sa narinig. Malinaw na pagbabanta iyon sa kanilang buhay at pang-iilit sa kanilang lupa. Gusto niyang magsumbong, pero kanino? Sa mga pulis? Hawak ng mga Moreno ang buong Cotabato at wala silang kalaban-laban sa pera at kapangyarihan ng mga ito. Kumuyom ang mga kamay niya. Hindi na niya hinintay na makabalik ang nanay niya sa loob ng bahay. Noon din mismo ay isinilid niya sa isang malaking bag ang mga gamit na puwede nilang bitbitin. Lilisanin nila ang lugar na iyon kasabay ng isang pangako na isang araw ay babalik siya at sisingilin ang mga taong may pagkakautang sa kanila.
BINABASA MO ANG
Story Of Us Trilogy: Book 2 (Completed)
RomanceIisa lang ang nasa isip ni Patrice nang magbalik siya sa Pilipinas pagkalipas ng labindalawang taon--- ang maghiganti kay Ezekiel. He was her first love who gave her the most painful heartache possible. Isinumpa niyang magbabayad ito ng mahal para s...