"SALAMAT, Kuya," ani Elise isang Sabado ng tanghali sa mamang sorbetero pagkaabot nito sa kanya ng sorbetes aka "dirty ice cream" na may tatlong flavor—keso, ube, at chocolate.
Napangisi siya nang maluwang. Ang tagal na panahon na mula nang huli siyang makakain ng ganoon.
Nagsimula na siyang maglakad palayo. Pauwi na siya sa bahay galing ng Benedictus University kung saan siya nag-aaral bilang fourth year student ng kursong BS Tourism.
Sarap na sarap pa si Elise sa pagdila sa ice cream niya nang biglang nasagi siya dahilan para muntik na siyang madapa. Mabuti na lang at hindi siya tuluyang bumagsak sa semento.
At ligtas pa ang ice cream niya!
"Hoy! Mag-iingat ka nga!" sigaw niya sa binatilyong mabilis na tumatakbo na hindi man lang siya nilingon. Tila nagmamadali ito at hinahawi ang mga taong madaanan.
"Shit!" maigting na anas ng lalaking huminto sa tabi niya habang hinihingal pa. Itinukod pa nito ang mga kamay sa tuhod at hinabol ang hininga.
Nilingon ni Elise ang lalaki.
Nag-angat ito ng tingin sa daan sa harap nila na tila na inaabot ng tanaw.
"Ano'ng nangyari sa 'yo, Kuya?" di-napigilang tanong niya habang kumakain pa rin ng ice cream. Mukhang may-kaya ito base sa suot. Mukhang mamahalin kasi ang damit na suot kahit simpleng polo-shirt lang iyon. May nakasukbit na DSLR sa leeg nito at isang sling bag.
"Dinukutan ako," sagot ng lalaki sa pagitan ng paghingal.
"Sino, Kuya?"
"N'ong lalaking 'yon!"
Sinundan niya ng tingin ang itinuro nito. Kung ganoon, iyon pala ang dahilan kung bakit nagmamadali ang binatilyong iyon. "Kuya, pakihawak 'to. Maghintay ka lang diyan," determinadong wika niya saka iniabot sa lalaki ang ice cream at tumakbo. Pero hindi pa siya nakakalayo ay muli siyang bumalik sa lalaki. "Ano nga pala 'yong nadukot sa 'yo, Kuya?"
"Black leather wallet."
"Ah." Bahagya lang siyang tumango at tumakbo na. Pero habang tumatakbo ay bahagya pa niya itong nilingon at sumigaw. "Diyan ka lang, Kuya, ha? 'Wag kang aalis diyan. Pakiingatan 'yang ice cream ko." Pero sa halip na sundan ang dinaanan ng binatilyo ay lumihis siya ng daan. Naghanap ng shortcut.
Pero naikot na yata niya ang looban ay hindi niya nakita ang binatilyo.
Napakamot sa ulo si Elise. "Nasaan na kaya 'yon?" Inilibot niya ang tingin sa paligid at napansin ang grupo ng apat o limang mga teenager na nagkukumpulan. "Hoy! Ano 'yan, ha?" sita niya sa mga ito.
Tumingin ang mga ito sa kanya. "Takbo!" sigaw ng isa sa mga ito.
At nagpulasan nga ang mga binatilyo. May napansin siyang isa sa mga iyon na itinapon na itim na bagay. Nang lapitan niya iyon ay napansin niyang wallet iyon. Dinampot niya. Nakabukas pa iyong wallet at nakita niya ang litrato ng lalaki.
"Ito na nga 'yong wallet niya!" masayang sabi niya. Agad siyang tumakbo pabalik sa pinag-iwanan niya sa lalaki.
BINABASA MO ANG
NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)
Romance"Kahit mawala ako sa mundo, kahit mawala ang alaala ko, hindi ka mawawala rito sa puso ko, Fritz. Kasi, ito, tumitibok lang para sa 'yo." Minsan lang nakakilala si Elise ng lalaking makakaintindi sa kanya-si Fritz-ang lalaking kapareho niya ang naka...