♫♪ CHAPTER THREE ♫♪

4.5K 63 4
                                    

NAPATIGIL si Elise sa pagpulot ng huling piraso ng patatas nang isang kamay rin ang may hawak n'on. Nag-angat siya ng tingin at nagulat nang makita ang lalaking tinulungan niya kanina.

Ano naman kaya ang ginagawa ng isang 'to rito?

Hindi pa rin naaalis sa kanya ang asar nang pagbintangan siya ng lalaki na kasabwat ng magdurukot gayong tinulungan na nga niya ito. Padaskol niyang binitiwan ang patatas at tumayo. Pagkatapos ay tinulungan si Nancy na ilagay ang mga gulay sa supot na dala nito.

"Salamat, Elise," sabi ni Nancy.

"Naku, wala 'yon. Bakit naman kasi mag-isa ka lang namamalengke? Naasan ba 'yong asawa mo?"

"Sinundo niya 'yong mga bata sa eskuwela."

Tumango-tango siya. "Gusto mo bang tulungan na kitang magbitbit niyan hanggang sa inyo?"

"Naku, 'wag na. Kaya ko na 'to. At 'ayun lang naman 'yong tricycle. Magta-tricycle na lang ako."

"Sige. Ingat ka, Nancy," paalam niya at sinundan pa ito ng tingin. Pagkatapos ay nahagip niya ng tingin ang lalaking tinulungan niya kanina. At matamis na nakangiti sa kanya.

Nandito pa pala 'to.

Pero sa halip na suklian ang ngiti ng lalaki ay nagkunwari si Elise na walang nakikita at nagpatuloy lang sa paglalakad. Pero napansin niyang sinusundan siya nito. Kapag humihinto siya ay hihinto rin ito. Nang hindi na makatiis ay hinarap niya ang lalaki.

"Sinusundan mo ba ako?" mataray na tanong ni Elise.

"Ha? Ako ba?" tanong nitong tumingin pa kunwari sa paligid. Pagkatapos ay bumaling ng tingin sa kanya at ngumiti uli nang matamis.

Ayy! Guwapo! tili ng malanding bahagi niya.

Gaga! Naguguwapuhan ka sa lalaking tinulungan mo na, pinagbintangan ka pa, agad na sita ng matinong bahagi niya.

Tumaas ang isang kilay ni Elise. "Ikaw lang naman ang taong sumusunod sa akin, 'di ba?"

Hindi nawala ang matamis na ngiti ng lalaki. "Ako nga."

"O, bakit mo nga ako sinusundan?" Magsasalita sana ang lalaki pero inunahan na niya ito. "Kung iniisip mong pupuntahan ko 'yong pinaghihinalaan mong kasabwat ko, nagkakamali ka. Hindi ko 'yon pupuntahan dahil hindi ko naman 'yon kilala. Kaya kung puwede lang, umuwi ka na lang sa inyo at 'wag ka nang maggagala sa ganitong klaseng lugar. Dahil baka hindi lang 'yon ang abutin mo sa susunod." At binirahan na uli niya ito ng alis. Pero sumunod pa rin ang lalaki sa kanya. "Ano ba'ng problema mo, Kuya?"

"'Wag mo na akong tawaging 'kuya.' Hindi naman kita kapatid, eh. Ako nga pala si Fritz Gerard Cruz," sabi nito na inilahad ang kamay sa kanya.

Tinaasan niya ito ng isang kilay. "Ano nama'ng pakialam ko sa pangalan mo?"

Pero mukhang hindi apektado ang lalaking ito sa pagtataray niya, nagawa pang matawa nang mahina. "Kanina, iniisip kong mabait ka, pero hindi ko alam na may tinatago ka rin palang katarayan."

"Ikaw ba naman ang mapagbintangan matapos mong tulungan, eh," pasaring niya.

Hindi talaga apektado ang lalaking ito. Hindi pa rin nawawala ang ngiti nito, gayunman, binawi naman nito ang kamay. "Gusto kong mag-sorry sa 'yo dahil pinagbintangan kita kanina. Pasensiya na talaga. Saka salamat din sa pagtulong mo sa akin."

Tumango siya nang bahagya. "Okay. 'Bye!" At kumaripas siya ng takbo.

Kanina naguguwapuhan siya sa lalaking ito, pero ngayon nawi-weird-an na siya. Mukhang nagkamali siya ng taong tinulungan. May-sa-stalker pa yata 'tong lalaking ito.

Hinihingal si Elise nang makahinto siya sa labas ng bahay nila.

"O, Elise, ano'ng nangyari sa 'yo? Para kang hinabol ng sampung kabayo riyan," puna ng tatay niya na noon ay kalalabas lang ng bahay nila.

"Eh, kasi, 'Tay—"

"At sino naman 'tong kasama mo?"

Napaangat siya ng tingin sa tatay niya at nakitang nakatingin ito sa likuran niya. Paglingon niya ay nakita niya ang lalaking tinulungan niya.

"Magandang hapon po, Fritz Gerard Cruz po," pakilala ng lalaki na inilahad ang kamay sa kanyang ama.

Sinuri ito ng tingin kanyang ama saka nagtatanong ang mga matang bumaling sa kanya.

"Nadukutan siya ng wallet kanina. Tinulungan ko," pabale-walang sabi ni Elise. Pagkatapos ay pasimpleng sinulayapan si Fritz at pinukol ng matalim na tingin.

"Ahh..." Tinanggap ng tatay niya ang pakikipagkamay ni Fritz at bahagyang tumango. "Sa susunod, ingatan mo lahat ng gamit mo. Hindi lahat ng pupuntahan mo ay ligtas," payo ng tatay niya.

"Opo. Salamat po. Mabuti na lang din po at naroon si Elise. Tinulungan niya ako," sabi ni Fritz na matamis na ngumiti sa kanya.

Paano nito nalaman ang pangalan niya?

"At ikaw naman, Elise. Sa susunod, 'wag kang sugod nang sugod sa mga ganyan. Baka mamaya may mga kasama o may sandata 'yong snatcher na 'yon, kung ano pa'ng mangyari sa 'yo," sermon ng tatay niya.

"'Tay, wala namang nangyaring masama sa akin, eh. Saka isa pa, walang gagalaw sa akin dito. Siyempre, anak ba naman ako ng pinakamagaling na pulis dito sa lugar natin!" nagmamalaking sabi niya na inakbayan pa ang ama.

Tumawa ang tatay niya. "O, sige na. Aalis na ako, may duty pa ako. Magkandado ka ng pinto riyan, ha?" bilin ng tatay niya.

"Sige, 'Tay, ingat ka," paalam niyang hinagkan pa ito sa pisngi.

"Ingat po kayo," sabi naman ni Fritz na nasa tabi niya at kumaway pa sa tatay niya.

Napatingin siya kay Fritz. "At ikaw, ano pa'ng ginagawa mo rito?"

Ngumiti ito sa kanya. "Meron pa kasi akong hindi naitatanong sa 'yo, eh."

"Ano naman 'yon?"

"Puwede ba tayong maging magkaibigan?"

NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon