AGAD na tumakbo si Elise patungo sa verandah na nakaharap sa beach sa likod ng rest house. Pinuno niya ng sariwang hangin ang baga at marahan iyong ibinuga. Bumaling siya kay Fritz nang lumapit ito sa tabi niya. "Ang ganda naman dito!" sabi niya at buong paghangang inilibot ang tingin sa paligid.
Ngumiti si Fritz. "Mabuti naman at nagustuhan mo. Nagugutom ka na ba? Magpapabili na lang ako kay Manang ng pagkain natin. Hindi kasi ako nakapagsabi na pupunta tayo rito kaya hindi siya nakapaghanda."
Ngumiti siya nang matamis kay Fritz at ipinulupot ang braso sa baywang nito. "Hindi pa naman ako nagugutom. At kung ganito kaganda ang tanawing makikita ko, malabong makaramdam ako ng gutom. Sobrang ganda rito." Tumingala siya at tiningnan ito. "Salamat sa pagdadala mo sa akin dito, Fritz." Pagkatapos ay hinagkan niya ito sa pisngi.
Ngumiti nang masuyo si Fritz. "Para sa pinakamamahal kong prinsesa."
Lumabi siya. "Hmp! Prinsesa ka riyan. Eh, lately nga, nagiging mahigpit ka na sa akin sa pagtuturo, eh," kunwari ay pagmamaktol niya.
Marahang tumawa ang binata. "Siyempre, gusto nating manalo sa competition, 'di ba?"
"Oo naman. At salamat, Fritz. Sa lahat ng tulong mo sa akin, sa suporta, sa pagmamahal, sa pagkain, sa marami pang bagay. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin kung mawawala ka. Basta, ha? Pangako mo hindi mo ako iiwan? Kahit ano'ng mangyari."
Tumitig si Fritz sa kanya, nawala ang ngiti. Sumeryoso ang mukha nito at may kung anong emosyon na bumakas sa mukha.
Napalis na rin ang ngiti ni Elise. "Bakit, Fritz? May problema ba?"
"Ah, wala, walang problema," sabi nito at bumitiw sa kanya. "Teka, pupuntahan ko lang muna si Manang. Magpapabili ako ng merienda natin."
At bago pa man siya makahuma ay nasundan na lang niya ng tingin si Fritz na pabalik sa bahay. Hindi alam ni Elise kung bakit pero nakaramdam siya ng kakaibang kutob na hindi niya alam kung saan nanggaling. Parang may inililihim si Fritz sa kanya. At alam niyang kahit tanungin niya ito ay hindi naman ito magsasalita.
Hindi kaya iiwan na niya ako?
Parang piniga ang puso ni Elise nang maisip iyon. Pero agad din niya iyong iwinaksi. Hindi iyon gagawin ni Fritz sa kanya. Kahit ano'ng mangyari, hindi siya nito iiwan. Nangako ito sa kanya at nagtitiwala siya sa pangako ng kanyang nobyo.
Siguro ay may pinagdadaanan lang ngayon si Fritz. Ayaw lang siguro nitong sabihin sa kanya dahil ayaw nitong mag-alala siya. Pero naniniwala siyang in time, sasabihin din ni Fritz iyon sa kanya. Lilipas din iyon at magiging maayos sila. Naniniwala siya.
Kinuha niya ang pocket watch sa bulsa at hinawakan iyon nang mahigpit. Mahal siya ni Fritz. Hindi siya nito iiwan.
Pero agad ding nawala kay Elise ang pag-aalala dahil buong araw silang nagsaya ni Fritz. Nag-swimming sila sa dagat at tinuruan pa siya nitong mag-surf. Halos hindi na niya namalayan ang oras at gumabi na. Doon din sila sa verandah naghapunan. At nang matapos sila ay nagyaya si Fritz na maglakad sila sa dalampasigan sa ilalim ng napakaraming bituin sa langit.
Halos hindi ma-contain ni Elise ang labis na kasiyahan niya. Sa kabila ng tila palaging malalim na iniisip ni Fritz, napansin niya na nitong mga nakaraang araw ay lalong naging mas maalaga at attentive si Fritz sa kanya. Mas marami na rin itong oras na inilalaan para sa kanya at natutuwa siya roon. Pero may bahagi rin niya ang nag-aalala na baka may kapalit iyong kalungkutan.
Huwag naman sana...
"Mamamatay na ba ako bukas?" mayamaya ay sabi ni Elise.
Huminto sa paglalakad si Fritz at tumingin sa kanya. "Bakit mo naman nasabi 'yan? 'Wag ka ngang nagsasalita ng ganyan."
Ngumisi siya rito. "Eh, kasi naman, masyado kang sweet sa akin ngayon. Halos lahat ng oras mo inilalaan mo na sa akin. At sobrang saya ko. Hindi ba, 'yong mga bibitayin, pinapakain sila nang marami dahil mamamatay na sila bukas? Baka ganoon din 'yong mangyayari sa akin kaya sobrang extra super duper mega over sweet mo sa akin."
Tumawa nang marahan si Fritz. "Ayaw mo bang sweet ako sa 'yo?"
"Ah, hindi, ah. Siyempre gusto ko." Pagkatapos ay yumakap siya rito nang mahigpit. "Gusto ko sweet ka sa akin. Gusto ko ako lang ang mahal mo. Gusto ko sa akin ka lang. At gusto ko lagi tayong ganito, magkasama, masaya. Sana hindi na 'to matapos. Ganito na lang tayo. Magkayakap. Magkasama. Tayong dalawa lang." Ibinaon niya ang mukha sa dibdib nito.
Gumanti ng mas mahigpit na yakap si Fritz. "Oo, Elise. Ako rin. Sana nga ganito na lang tayo palagi." Lumayo ito nang bahagya sa kanya at itinaas ang mukha niya kaya nagtama ang kanilang mga mata. May matinding emosyon na sumasalamin sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya. "Elise, gusto kong maalala natin ang gabing ito. Maging masaya tayo. Ibigay natin ang lahat. Mahalin ang isa't isa. Papayag ka ba?"
"Papayag ako sa lahat ng gusto mo, Fritz. Mahal na mahal kita."
"Mahal na mahal din kita, Elise. At kahit ano'ng mangyari, ikaw lang ang tanging babaeng mamahalin ko. Makuha man ako ng iba, mananatiling sa 'yo ang puso ko." At bumaba ang mukha ni Fritz at inangkin ang kanyang mga labi.
BINABASA MO ANG
NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)
Romance"Kahit mawala ako sa mundo, kahit mawala ang alaala ko, hindi ka mawawala rito sa puso ko, Fritz. Kasi, ito, tumitibok lang para sa 'yo." Minsan lang nakakilala si Elise ng lalaking makakaintindi sa kanya-si Fritz-ang lalaking kapareho niya ang naka...