♫♪ CHAPTER TWO ♫♪

4.5K 70 0
                                    

NAPANGIWI si Fritz nang maramdaman ang malamig at malagkit na ice cream na tumulo sa daliri niya. Napatingin uli siya sa daan na tinahak ng babae kanina. Halos kalahating oras na mula nang iwan sa kanya ng babaeng iyon ang ice cream. Kalahating oras na rin siyang nakatayo roon sa gitna ng kalsada.

Hay! Bakit ba niya pinagmukhang tanga ang sarili na maghintay roon? Siyempre hindi na babalik ang babaeng iyon—kung ang matinong bahagi niya ang magsasalita. Pero hindi niya alam kung bakit nakaramdam na lang siya ng udyok na magtiwala sa babae—na ni hindi naman niya kilala. If he knew better, baka nga kasabwat pa ang babaeng iyon.

Itinapon na ni Fritz sa isang tabi ang ice cream at kinuha ang panyo sa bulsa at pinahiran ang kamay na natuluan ng ice cream.

Aalis na lang siya. Ayos lang naman kahit hindi na maibalik sa kanya ang wallet. Pera lang naman ang nawala sa kanya. Pwede niyang i-report sa bangko ang ATM at credit cards para sa cancellation at replacement at kumuha na lang ng panibagong ID. Mabuti na lang at wala siyang dalang sasakyan. Mukhang matatagalan bago muli siyang makapagmaneho dahil naroon sa wallet ang driver's license niya.

Pero nakakatatlong hakbang pa lang si Fritz ay narinig na niya ang boses ng babaeng nag-iwan sa kanya ng ice cream kanina.

"Kuya! Kuya!"

Nang lumingon siya ay humahangos ang babaeng palapit sa kanya.

"'Eto na 'yong wallet mo," sabi nitong inilahad ang wallet sa kanya.

Walang salitang kinuha niya ang wallet at tumalikod na. Hindi na siya nag-abalang tingnan ang laman n'on dahil sigurado naman siyang wala na ang pera doon. Masuwerte pa siyang naibalik sa kanya ang wallet.

"Uy, teka, Kuya, saan ka pupunta?" habol ng babae sa kanya.

Huminto si Fritz sa paglalakad at hinarap ito. "Aalis na. Bakit? 'Wag mong sabihing hindi ka pa nakuntento sa nakuha ng mga kasama mo? O hindi ka nila nabigyan ng porsyento?"

"Ay, grabe, Kuya, ah! Ikaw na nga 'tong tinulungan diyan, ikaw pa ngayon ang magbibintang. Sana man lang nag-thank you ka, 'no! 'Yong ice cream na ibinilin ko sa 'yo, ni hindi mo man lang iningatan! Kaya ka nananakawan eh, hindi ka kasi marunong mag-ingat!" Pagkatapos ay binirahan na siya nito ng alis.

Nasundan ng tingin ni Fritz ang babae at hindi niya maiwasang mamangha rito. Kakaiba rin ang babaeng iyon. At nakonsiyensiya naman siya. Sa tingin niya ay hindi kasabwat ang babae. Dahil nang tulungan siya nito, kumakain nga ito ng ice cream at napahinto lang siya sa tabi nito. At kung kasabwat ito, bakit pa nito ibabalik sa kanya ang wallet?

Napatingin si Fritz sa gawi ng ice cream kung saan niya iyon itinapon at napatingin sa babae.

Awtomatikong humakbang ang mga paa niya at sinundan ang babae na ilang hakbang ang layo mula sa kanya. Napansin niyang halos lahat ng madaanan ng babae ay kilala ito. Binabati kasi ito ng mga iyon at binabati rin nito.

Bumilis ang paglalakad ng babae. Binilisan din niya ang paglalakad. Para lang mapahinto nang lumapit ito sa matanda na may binubuhat na bayong.

"Lola, tutulungan ko na po kayo," sabi ng babae. Nagpasalamat ang matanda nang maihatid ito ng babae sa sakayan ng tricycle bitbit ang bayong.

Pagkatapos ay nagpatuloy sa paglalakad ang babae at huminto sa kumpulan ng mga bata. Tila may inaabot ang mas maliit na bata sa malaking bata na nasa kamay nito.

"Akin na 'yan! Akin na 'yan kasi!" ungot ng mas maliit na bata.

Lumapit ang babae sa mga bata. "Marvin."

Lumingon ang mas malaking bata. "Ate Elise."

"Nambu-bully ka na naman ng mas maliit sa 'yo. Akin na nga 'yan." Inagaw nito ang laruang kotse na hawak ng batang tinawag nitong "Marvin" at iniabot sa mas maliit na batang malapit nang umiyak.

"Kasi naman, Ate, ayaw niyang magpahiram," katwiran ni Marvin.

"Kaya aagawin mo na lang basta sa kanya?" Binalingan nito ang mas maliit na bata. "Ikaw naman, Gibo, kapag may laruan ka, ipahiram mo, para hindi kayo nag-aaway-away. Mas masayang paglaruan ang isang laruan kapag may kasama kang nilalaro iyon."

"Opo, Ate."

"At ikaw, Marvin, tigil-tigilan mo 'yang pambu-bully mo. Kung hindi, isusumbong kita sa nanay mo."

"Oo na, Ate," tila irita pang sabi ng mas malaking bata.

"Good." Tumango-tango pa ang babae at ginulo ang buhok ng tinawag nitong Marvin saka naglakad palayo. Nagtakbuhan naman papunta sa kabilang direksiyon ang mga bata.

Pagkatapos ay isang babae na maraming bitbit ang makakasalubong ng babaeng sinusundan ni Fritz. Pero bago pa man magkalapit ang dalawa ay nabutas na ang isang supot na bitbit ng babae at kumalat ang mga pinamili nitong gulay sa kalsada. Agad na dumulog ang babaeng sinusundan niya at tumulong sa pagpupulot ng mga nahulog na gulay.

Ngayon ay talagang humahanga na si Fritz sa babaeng ito. Siguro nga, hindi ito kasabwat ng snatcher na iyon at nagmagandang-loob lang na tumulong.

Sa pagkakataong iyon, nilapitan na niya ang babae.

a

NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon