♫♪ CHAPTER ELEVEN ♫♪

2.7K 36 0
                                    

DALAWANG buwan pa bago ang competition kaya napakarami pang oras ni Elise para mag-practice. Pero hindi sila nagsasayang ng sandali. Mas naging tutok si Fritz sa kanya sa pagtuturo. Bago nila iensayo ang piyesa ay isa-isa muna nilang isinulat ang mga notang tinugtog niya sa piano. Hindi nahirapan si Elise na lapatan ng nota ng piano ang komposisyon ni Fritz dahil madali niyang naalala ang tinugtog niya. At dahil sa recorder, madali rin nilang naisulat ang liriko niyon. Iniayos lang nila ang ilang bahagi niyon para mas maging swabe at mas maging maganda sa pandinig.

"So, ano? May naisip ka na bang title para sa composition mo?" tanong ni Fritz sa kanya isang araw habang nanananghalian sila sa hardin. Tuwing Sabado, kung kailan wala siyang pasok at may pasok naman si Fritz, nakaugalian na niyang pumunta sa Medley upang sabay silang mananghalian ng binata. At nakakapasok siya sa Medley nang hindi na dumadaan sa main gate kung saan mahaharang siya ng guwardiya, salamat sa lihim na lagusan na itinuro ni Fritz sa kanya.

Napahinto si Elise sa pagsubo at napabaling sa binata. "Uhm... wala pa rin, eh," sagot niya.

"Dapat makaisip ka na. Tatlong linggo na lang bago ang competition."

Sa sinabi ni Fritz at itinabi niya ang kinakain. "'Yon na nga. Habang papalapit ang araw ng competition, lalo akong kinakabahan."

Ngumiti nang masuyo si Fritz. "Sinabi ko na sa 'yo, wala kang dapat ipangamba dahil nandito lang naman ako."

Ngumiti siya. "Salamat. Ang totoo, ipinagpapasalamat ko na nandiyan ka. Na dumating sa buhay ko. Siguro kung hindi kita nakilala, 'yong buhay ko, kagaya pa rin ng dati."

"At gano'n din ako. Kaya salamat sa binatilyong nandukot ng wallet ko," biro nito na ikinatawa nilang dalawa. "Elise..." kapagkuwan ay tawag ni Fritz sa kanya.

Tumingin siya rito at nakitang seryoso ang mukha nito.

Lumunok ito, huminga nang malalim. "Alam kong medyo wala sa timing 'to. Pero kasi... hindi ko alam kung kailan pa ang tamang timing kaya..." Mula sa bulsa ng pantalon ay inilabas ni Fritz ang isang 1880 pocket watch at iniabot sa kanya.

Kinuha niya iyon at pinagmasdan. Kulay ginto iyon na may paruparo sa harap. May diyamante iyon sa gitna at kapag binuksan, may dalawa pang maliit na relo sa loob niyon. Ang nasa bandang ibaba ay second hand na tuloy-tuloy ang ikot.

"Ang ganda!" wala sa loob na komento niya. Tiyak niyang mamahalin ang pocket watch na iyon. Sa panahon ngayon, vintage na ang ganoong klase ng relo at tanging mayayaman mula sa unang panahon na lang ang mayroon niyon. At isa pang ikinahahanga ni Elise ay gumagana pa rin ang pocket watch na iyon kahit halatang luma na.

"'Yong isang oras diyan..." Itinuro iyon ni Fritz. "'Yan ang eksaktong oras sa clock tower sa London kung saan binili ng lolo ni Papa ang pocket watch na 'yan."

"Ah, talaga? Wow!" paghanga pa rin niya.

"'Yan ang heirloom ng pamilya namin. Ang sabi sa akin ni Lolo, noong makilala ni Papa si Mommy, hiningi ni Papa sa kanya 'yang pocket watch. Pero hindi ibinigay ni Lolo dahil hindi niya gusto si Mommy para kay Papa. Nagpakita ng pagkontra si Lolo sa relasyon nina Papa at Mommy pero ipinaglaban ni Papa si Mommy. Nang pakasalan ni Papa si Mommy, nanahimik lang si Lolo. Pero mukhang tama nga si Lolo. Hindi nga minahal ni Mommy si Papa..."

Bumakas ang lungkot sa mga mata ni Fritz. "Fritz..."

Bahagyang ngumiti si Fritz. "Pero hindi ito kuwento tungkol sa kanila. Ang totoo, noong bata pa ako, ibinigay na 'yan sa akin ni Lolo. Ang sabi niya, kapag nasa tamang edad na raw ako at natagpuan ko na ang babaeng gusto kong makasama habang-buhay, ibigay ko raw 'yan sa babaeng 'yon."

"Ah, t-talaga?" Parang piniga ang puso ni Elise dahil sa sinabi ni Fritz. Ang suwerte naman ng babaeng iyon... 'Yong babaeng papakasalan ni Fritz.

"Kaya, ibinibigay ko na 'yan sa 'yo, Elise."

"Ha? Ano?" Marahas siyang napaangat ng tingin kay Fritz.

Hinakawan ni Fritz ang kamay niya at ikinuyom ang kamay niya kung saan niya hawak ang relo. "Elise, matagal ko nang itinatago 'tong nararamdaman ko para sa 'yo. Noong una, kaya ko pang itago dahil may dahilan pa para makita kita at makasama. Pero ngayon... ngayong nalalapit na 'yong competition, nauubusan na ako ng dahilan para puntahan ka sa inyo, para makita ka nang hindi nalalabas ang nararamdaman ko. Alam kong masyado pang maaga. Alam kong masisira nito ang pagkakaibigan na mayroon tayo. Pero Elise... mahal kita."

XQG 

NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon