"FRITZ."
Saglit lang na sumulyap si Fritz sa pinto ng kuwarto niya pagkatapos ay muling itinuon ang atensiyon sa pagtugtog ng piano. Tinutugtog niya ang ELF na komposisyon nilang dalawa ni Elise. Tuwing umaga ay iyon na ang nakasanayan niyang gawin. "Mabuti naman at gising ka na. Mag-ayos ka na. Ihahatid kita mamaya sa sakayan para makauwi ka na sa inyo."
"Fritz—"
"Hindi ako naghanda ng almusal kaya do'n ka na lang sa bahay n'yo kumain. Kailangan ko rin umalis nang maaga dahil—"
"Fritz!"
"What??!!!" Marahas siyang humarap kay Kate kasabay ng marahas ding paghampas ng dalawang kamay sa keyboard ng piano kaya dumagundong iyon sa buong silid. Tumayo siya at galit na lumapit kay Kate. "Ano ba'ng problema mo, Kate? Bakit ba bumalik ka pa? May kanya-kanya na tayong buhay at masaya na ako sa buhay ko. Sige, isisi mo na sa akin ang pagpapalaglag mo sa bata. Pero utang-na-loob, Kate, 'wag mong idamay si Elise dito. Mahal ko siya. At kaibigan mo siya. Siya ang dumamay sa 'yo nang ipinagtabuyan kita. Bakit ba kailangan mong gawin 'to? Bakit ba hindi mo na lang kami hayaang maging masaya?"
Namuo ang luha sa mga mata ni Kate. Kung hindi lang niya ito kilalang-kilala, baka naawa na siya rito. Pero nagawa nitong ipalaglag ang batang dinadala nito, alam niyang higit pa roon ang kayang gawin ni Kate kung gugustuhin nito. Wala itong damdamin. At hindi siya maaapektuhan ng paawa effect nito.
"Mahal na mahal kita, Fritz... hanggang ngayon mahal na mahal pa rin kita," sabi ni Kate na tila sinisikap na pigilan ang pagpatak ng mga luha. Yumuko pa ito para masimpleng pahirin ang mga luhang sa tingin niya ay hindi nito napigilang bumagsak. Pagkatapos ay muling nag-angat ng tingin sa kanya si Kate. "Pinagsisisihan ko na ang lahat ng ginawa ko. Please, bumalik ka na sa akin. Ibalik natin 'yong dating tayo." Humawak pa ito sa braso niya pero pinalis niya iyon. "Kung kinakailangan kong lumuhod sa harap mo, gagawin ko."
"Kate, ano ka ba? Magkaroon ka nga ng respeto sa sarili mo. Bakit nagpapakababa ka ng ganyan para sa akin? Hindi ako nababagay sa 'yo. At kahit ano'ng gawin mo, hindi kita magagawang mahalin."
Sa pagkakataong iyon ay talagang umiyak na si Kate. "Please, Fritz. Ako na lang ang mahalin mo. Mas kailangan kita. Malakas si Elise, hindi ka niya kailangan sa buhay niya. Pero ako, kailangan kita, Fritz. Ikaw ang buhay ko. Parang awa mo na, Fritz..." Kumapit si Kate sa kanya pagkatapos ay dahan-dahang lumuhod sa harap niya. Tuluyan na itong humagulhol. "Sa akin ka na lang, Fritz. Mahal na mahal kita. Gagawin ko ang lahat para sa 'yo."
Parang piniga ang puso ni Fritz. Hindi siya sanay na may umiiyak na babae sa harap niya, kahit sinong lalaki naman siguro. At lalong hindi siya sanay na umiiyak ang babaeng iyon dahil sa kanya. Pero kung magpapakita siya ng awa kay Kate, baka umasa na naman ito. Maipagkamali ang awa niya sa pag-ibig. At ayaw niyang mangyari iyon.
Lumuhod din siya at hinawakan si Kate sa magkabilang braso saka hinila patayo. Nagpatianod naman ito bagaman nanatiling nakayuko at humihikbi. "Kate, kung ako lang ang masusunod, kung mauutusan ko lang ang puso ko, uutusan ko 'tong mahalin ka. Pero hindi ko magawa. Si Elise talaga ang mahal ko at hindi na mababago ko 'yon," malumanay na sabi niya.
Nag-angat ng tingin si Kate sa kanya. "Pero, Fritz—"
"Sshh." Inilapat niya ang isang daliri sa mga labi ni Kate upang patahimikin ito. "Hindi ako ang lalaki para sa 'yo. Dahil kung magagawa kitang mahalin, sana noon pa. Noon pang hindi ko pa kilala si Elise. Sinikap kong mahalin ka noon, Kate, pero wala talaga. Sana maintindihan mo 'yon. Merong lalaking nakalaan para sa 'yo, sadly, hindi ako 'yon. Pero darating 'yon sa buhay mo. Kaya please, Kate, sana tanggapin mo na lang. Ayokong masaktan si Elise."
Humihikbi pa rin si Kate at hindi nagsalita. Pero nakikita niya sa mga mata nito na tila nauunawaan nito ang sinabi niya.
"Please, Kate? Sana tanggapin mo na lang 'yon. Hayaan mo na lang kami ni Elise, ha? Please..." Sinikap niyang hulihin ang mga mata nito.
Kapagkuwan ay tumingin ito sa kanya at tumango. "O-okay..."
Napangiti na si Fritz at kinabig ng yakap si Kate. "Salamat, Kate. Salamat."
Pakiramdam ni Fritz ay may mahigpit na kamay na biglang bumitiw sa pagkakasakal sa kanya. Nakahinga siya nang maluwag.
BINABASA MO ANG
NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)
Romance"Kahit mawala ako sa mundo, kahit mawala ang alaala ko, hindi ka mawawala rito sa puso ko, Fritz. Kasi, ito, tumitibok lang para sa 'yo." Minsan lang nakakilala si Elise ng lalaking makakaintindi sa kanya-si Fritz-ang lalaking kapareho niya ang naka...