ABOT-TAINGA at hindi maalis-alis ang ngiti ni Elise habang nakaupo siya sa lihim na hardin at hinihintay si Fritz. Kanina pa tapos ang audition at hindi siya makapaniwalang nakapasa siya.
"Elise!" tawag ni Fritz at napalingon siya sa direksiyon nito na noon ay halos patakbong papalapit sa kanya. Sa unang pagkakataon pagkalipas ng dalawang linggo ay muli niyang nasilayan ang ngiting iyon ng binata. Mula kasi nang magpa-register siya sa competition at magsimula silang mag-practice ay naging seryoso na si Fritz sa pagtuturo sa kanya, parang naging teacher na talaga ito. Nauunawaan naman niyang ginagawa lang iyon ng binata dahil nais nitong makapasa siya sa audition. Pero hindi maiwasang malungkot ng puso niya dahil nami-miss na niya ang palangiting si Fritz.
Pero ngayong nakangiti na uli ang binata sa kanya, sulit naman ang dalawang linggong pagtitiis niya.
"Pasensiya na, medyo natagalan. Ang haba kasi ng pila sa cafeteria, eh," sabi ni Fritz nang makalapit sa kanya. Inilapag nito sa espasyo ng wooden bench sa pagitan nila ang Styrofoam na naglalaman ng kanilang tanghalian. Nakaupo sila sa wooden bench sa ilalim ng isang malaking puno ng acacia sa hardin kung saan siya dinala ni Fritz noong una siyang makatuntong sa Medley. Tuwing pumupunta sila ni Fritz sa Medley Academy ay doon na sa hardin na iyon sila madalas na tumambay.
"Okay lang 'yon. Inaasahan ko nang maraming tao ngayon, audition day, eh," sabi ni Elise at binuksan ang styrofoam at sinimulang kumain.
Panay ang kuwentuhan nila ni Fritz habang kumakain.
"Oo nga pala, may naisip ka na bang gusto mong tugtugin competition?" kapagkuwan ay tanong ni Fritz sa kanya nang tapos na silang kumain.
Mula sa pagtanaw sa malawak na lupain ng mga bulaklak ay bumaling siya ng tingin kay Fritz. "Wala akong ideya. Pumipili kasi ako sa composition nina Bach at Debussy. Pero ano sa tingin mo?"
Ngumiti nang makahulugan si Fritz. "Ang totoo, meron na akong idea kung ano ang bagay na tugtugin mo. Pero hindi ko lang alam kung papayag ka."
Nagtatanong ang mga matang tumingin lang siya kay Fritz.
"Naaalala mo pa ba no'ng unang araw na nagpunta tayo rito sa Medley, 'tapos tinugtog ko sa 'yo 'yong composition ko?"
Tumango siya.
"Puwedeng 'yon na lang ang tugtugin mo para sa competition. After all, puwede namang original composition ang tugtugin do'n."
"Oo, maganda nga 'yon. Pero hindi ko na naaalala 'yong ginawa ko no'n. Hindi ko maalala 'yong mga notang tinugtog ko, o 'yong lyrics na pinagsasasabi ko. Kinapa ko lang 'yon sa piano, pinagbasehan ko 'yong tinugtog mo. Hindi ko na 'yon mauulit uli," sabi niya at naiinis siya sa sarili na nabigo niya si Fritz. Pero hindi naman kinabakasan ng pagkabigo si Fritz. Ni hindi nga napalis ang ngiti nito.
"Sino'ng may-sabi sa 'yong hindi na natin 'yon mauulit?" Mula sa bulsa ay inilabas nito ang recorder at pinindot ang Play. Narinig niya ang pamilyar na himig ng piano. Pero nanlaki ang kanyang mga mata nang marinig niya ang boses niya sa recorder. Gulat na napatingin siya kay Fritz.
"Ni-record mo 'yong kinanta ko?!" gulat na bulalas niya.
Nagmamalaking tumango si Fritz. "Oo. At araw-araw kong pinakikinggan 'to. Ang ganda ng boses mo."
"Pinakikinggan mo 'yan?" Awtomatikong napatakip si Elise sa kanyang mukha. Naaalala na niya ngayon na nilapatan nga niya ng lyrics 'yong composition ni Fritz pero hindi siya makapaniwalang ni-record iyon ng binata. "Waahhh! Nakakahiya!" bulalas niya habang takip pa rin ang mukha. Damang-dama niya ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi.
Narinig niya ang marahang tawa ni Fritz.
Sa pagkakataong iyon, bahagya niyang inalis ang kamay sa mukha at pinukol ng matalim na tingin si Fritz. "Sige, tumawa ka pa."
Hindi pa rin nawawala ang kislap ng pagkaaliw sa mga mata ni Fritz pero nagawa nitong huminto sa pagtawa. "What? Ano nama'ng problema kung pakinggan ko 'to? Maganda naman, ah."
Napaismid siya. "Oo na. Hindi mo ako kailangang utuin. Alam kong tunog-lata 'yong boses ko."
Ngumiti nang masuyo si Fritz. "Hindi naman. Pero nauunawaan ko naman 'yon dahil wala kang proper education sa singing. Pero may kakilala ako na puwede kang turuan. So, ano, papayag ka ba na ito na lang ang gamitin natin?"
"Oo naman. Pero..." Napayuko siya. "Sa tingin mo ba, Fritz, kakayanin ko 'yon?"
"Ano ka ba? Siyempre naman. Gagawin natin ang lahat para maipanalo ang competition na 'to. At kung hindi ka man manalo rito, ayos lang 'yon. At least naranasan mong sumali sa ganitong competition. Nakita mo kung saan ka dadalhin ng talento mo. Basta kahit ano'ng mangyari, hindi ako mawawala sa tabi mo."
Sa sinabi nito ay bigla siyang napaangat ng tingin sa binata. "Talaga? Hindi ka aalis sa tabi ko?"
Hinawakan nito ang dalawang kamay niya. "Oo naman. Hinding-hindi kita iiwan, Elise. Kahit ano'ng mangyari. Pangako." Naramdaman niya ang marahang pagpisil ni Fritz sa kamay niya.
Napatingin siya sa mga kamay nitong nakahawak sa kamay niya. Napakainit niyon. At parang kapag hawak ni Fritz ang kamay niya, pakiramdam niya ay hindi siya nag-iisa, pakiramdam niya ay napakahalaga niya. Siguro nga, mas okay na rin iyon. At least, hindi lalayo si Fritz sa kanya. Hindi siya mag-iisa.
Nag-angat siya ng tingin kay Fritz. "Sige. Gagawin ko. Gagalingan ko sa competition."
Ngumiti nang masuyo si Fritz. "That's my girl."
Your girl?
Sana nga... Sana nga sa 'yo na lang ako at akin ka na lang.
BINABASA MO ANG
NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)
Romance"Kahit mawala ako sa mundo, kahit mawala ang alaala ko, hindi ka mawawala rito sa puso ko, Fritz. Kasi, ito, tumitibok lang para sa 'yo." Minsan lang nakakilala si Elise ng lalaking makakaintindi sa kanya-si Fritz-ang lalaking kapareho niya ang naka...