KINABUKASAN ay ipinapatuloy ni Fritz ang paglilinis. Gaya ng kahapon, gumising si Elise na naghahanap ng pagkain sa cupboard at sa fridge. Sa pagkakataon iyon ay nakita nito ang ice cream na dala niya—na dapat ay pasalubong niya sa dalaga. Inilabas nito ang ice cream at naglagay sa baso at kinain iyon. Pagkatapos ay bumalik uli ito sa silid nito.
Mayamaya ay lumabas uli si Elise. Nakabihis ito ng pang-alis.
"Elise, saan ka pupunta?" tawag niya sa dalaga nang palabas na ito ng bahay. Akmang pipigilan niya ito nang makita siya ni Aling Linda at pigilan siya.
"'Wag mo siyang pigilan. Sabado ngayon. Tuwing Sabado ay umaalis siya suot ang damit na 'yan," sabi ng matanda na ang tinutukoy ay ang bestidang suot ni Elise.
"Saan naman po siya pupunta?"
Nagkibit-balikat ito. "Pero babalik din siya mayamaya. Hintayin mo lang."
Pero wala siyang balak na maghintay lang kung kailan babalik si Elise. Nais niyang malaman kung saan ito pupunta kaya agad niyang ipinagbilin kay Aling Linda ang bahay at nagmamadaling sinundan si Elise.
Noong una ay nagtataka siya kung saan ito pupunta hanggang sa mapagtanto niyang ang tinatahak na daan ni Elise ay ang daan patungo sa lihim na daan papasok sa Medley Academy.
Para itong ang Elise na nakilala niya limang taon na ang nakalilipas. Masaya ito, nakangiti. Ibang-iba mula sa Elise na nakasama niya sa bahay kahapon.
Bumalik na kaya sa katinuan si Elise?
Patuloy na sinundan ni Fritz ang dalaga kahit na nang makapasok na sila sa Medley at makarating sa hardin. Pero siniguro niyang hindi nito mararamdaman ang presensiya niya.
Sumikip ang dibdib ni Fritz nang makita niya si Elise na umupo sa wooden bench sa ilalim ng puno. Hawak nito sa kamay ang pocket watch at pasulyap-sulyap sa likuran na tila may hinihintay.
Meron bang katagpuan si Elise dito?
Kahit na malabong mangyari iyon ay hindi niya napigilang makaramdam ng selos.
Nagpapanggap lang yatang baliw itong si Elise, eh.
Pero inamag na si Fritz sa pinagtataguan ay hindi dumating ang kung sinumang hinihintay ni Elise. Ang kaninang masayahing mukha ni Elise ay napalitan ng kalungkutan habang tumatayo ito at naghahandang umalis. Sumulyap sa likuran si Elise sa huling pagkakataon. Pero nang walang taong sumulpot mula roon ay nagsimula na itong humakbang paalis.
Habang nakabuntot si Fritz kay Elise na pauwi na sa bahay ay puno pa rin ng mga katanungan ang isip ni Elise.
Sino iyong taong hinihintay ng dalaga sa lugar na iyon? Ang alam niya, wala namang ibang nakakaalam ng lugar na iyon maliban sa kanilang dalawa ng dalaga. O mayroon itong pinagsabihan na hindi niya alam? Pero bakit hindi sumipot ang taong iyon sa tagpuan?
Arrgghh, naguguluhan na siya talaga.
Pero malalaman din niya iyon. Sisiguruhin niyang aalamin niya iyon.
Mayamaya ay tumunog ang cell phone niya. Napabuntong-hininga siya nang makitang si Taylor ang tumatawag. Mula nang umalis siya sa recording studio ay hindi pa siya bumabalik. Ni hindi man lang siya nagpaparamdam sa mga kabanda at alam niyang talagang nag-aalala na ang mga ito sa kanya. Kaya sinagot na niya ang tawag.
"Hel—"
"Hey Fritz, at last you answered the phone. We're dire worried here about you. Nasaan ka na ba? Nag-aalala na si Gilmore sa 'yo. Nag-aalala na rin kami sa 'yo. Mula nang umalis ka sa recording studio noong isang araw, hindi ka na bumalik. Ni hindi ka man lang nagsabi kung saan ka pupunta. Hindi mo rin sinasagot 'yong mga tawag namin sa 'yo. Muntik nang magpatawag ng search team si Gilmore para ipa—"
BINABASA MO ANG
NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)
Romansa"Kahit mawala ako sa mundo, kahit mawala ang alaala ko, hindi ka mawawala rito sa puso ko, Fritz. Kasi, ito, tumitibok lang para sa 'yo." Minsan lang nakakilala si Elise ng lalaking makakaintindi sa kanya-si Fritz-ang lalaking kapareho niya ang naka...