KUNOT ang noo ni Elise habang pinagmamasdan si Fritz na tumutugtog ng piano. Mula nang dumating ito kanina ay tulala ito. Kapag nagsasalita siya ay hindi ito nakikinig. Tila malalim ang iniisip nito. Kanina pa niya nais itanong kung ano ang problema nito pero hindi naman niya magawa. Pero may karapatan naman siyang malaman kung ano ang iniisip nito, hindi ba? Nang hindi na siya nakatiis ay tinawag niya ang atensiyon nito.
"Hmm?" tanong ni Fritz na hindi bumabaling sa kanya habang tumutugtog ng piano. Moonlight Sonata ang tinutugtog nito.
"May problema ka ba?" tanong niya.
"Ha?"
"Kanina ko pa napapansin, mula nang dumating ka, hindi ka nagsasalita at tulala ka."
"Ah. Wala. Wala naman akong problema. May iniisip lang ako."
"Ano 'yong iniisip mo? Puwede mo bang sabihin sa akin? Baka makatulong ako."
Huminto sa pagtugtog ng piano si Fritz at bumaling sa kanya. Bumuka ang bibig nito para magsalita pero tila nagbago ang isip. Tumitig lang ito sa kanya at tila may kung anong iniisip.
"Fritz..." pukaw niya.
Bahagya itong ngumiti sa kanya. "Iniisip ko lang kasi kung ano 'yong magandang damit na babagay sa 'yo para sa competition," sabi nito.
Alam niyang hindi iyon ang nais sabihin ni Fritz. At alam niyang walang balak sabihin ni Fritz ang totoo. Maaaring wala pa sa ngayon. Pero alam niyang in time, magsasabi rin si Fritz sa kanya. May tiwala siya sa nobyo niya.
Sinuklian niya ito ng matipid na ngiti. "'Wag mo nang alalahanin 'yon. Si Aling Linda na ng bahala sa isusuot ko," sabi niya.
Tumango lang nang matipid si Fritz at muling ibinalik ang atensiyon sa pagtugtog ng piano.
May nangyayari na hindi niya alam. Kahapon, nang makita ni Fritz si Kate, naging kakaiba na ng kilos nito. Halos hindi ito nagsasalita. Kahit nang makaalis si Kate ay ganoon din.
Eh, paano naman, si Kate na lang bukambibig mo, pangongonsiyensiya naman ng isang bahagi ng isip niya.
Well, naisip din niya iyon at bahagya siyang nakonsiyensiya. Hindi naman kasi niya maiwasang masabik dahil pagkalipas ng tatlong taon, muli niyang nakita ang kaibigan niya. noong huli niya itong makita, depressed na depressed ito at ilang beses na nagsabi sa kanya na magpapakamatay na lang daw ito. Hindi niya alam kung may kakayahan si Kate na gawin iyon pero natakot pa rin siya. Nang dalhin si Kate sa America ay hindi na siya nagkaroon ng balita pa sa kaibigan. At ngayon na bumalik na ito, siyempre hindi niya maiwasang masabik kay Kate.
Kaya kinalimutan mo nang may boyfriend ka?
Napatingin siya kay Fritz. Kahit ganoon, hindi dapat niya isinasantabi si Fritz. Babawi siya sa boyfriend niya. Niyakap niya ito. Tumigil sa pagtugtog ng piano si Fritz at nagtatakang tumingin sa kanya. Nag-angat siya ng tingin dito.
"I-date mo naman ako. Ang tagal na nating hindi nagde-date, eh," paglalambing niya rito.
Nawala ang pagtataka sa mukha nito at biglang ngumiti. "Sure, saan mo ba gusto?"
BINABASA MO ANG
NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)
Romance"Kahit mawala ako sa mundo, kahit mawala ang alaala ko, hindi ka mawawala rito sa puso ko, Fritz. Kasi, ito, tumitibok lang para sa 'yo." Minsan lang nakakilala si Elise ng lalaking makakaintindi sa kanya-si Fritz-ang lalaking kapareho niya ang naka...