NAGLIBOT-LIBOT si Fritz sa paligid ng eskuwelahan nila. Foundation Day noon ng Medley at silang mga alumni ng eskuwelahan ay inanyayang dumalo sa pagtitipon. Kasama rin niya roon ang mga kabanda niya.
Sa loob ng dalawang taon, ngayon na lang uli siya nakabalik sa Medley. Ang huling pagkakataon na nakapunta siya roon ay noong gumawa siya ng milagro—nang bumalik si Elise sa kanya matapos nitong mawala sa katinuan. Ilang buwan pagkatapos niyon ay nagpakasal sila at ngayon ay may isang anak na.
Para naman sa mga kabanda niya, mula nang hindi na nila tanggapin ang alok ng Sony Music ay nagkaroon na sila ng kanya-kanyang buhay. Si Takehiro ay lumalaki na ang pag-aari nitong publishing company kung saan nagpu-publish ng mga Filipino comics at manga at nagpapasikat sa mga artist. Sikat na rin at may mga branches na sa Singapore, Hong Kong, South Korea at Japan ang art gallery nito.
Si Kristoff naman, nagtayo na ng sariling music bar kung saan ito mismo ang nagma-manage. Bukod doon ay may iba't ibang restaurant din ito sa Mandaluyong, Pasig, at Makati. Tuwing Sabado ay tumutugtog silang buong banda sa music bar ni Kristoff at iyon na ang nagsisilbing reunion nila.
Si Taylor, hayun at dakilang muchacha ng asawa nitong si Bianchi. May isang anak na rin ang mag-asawa at si Taylor ang nag-aalaga sa anak ng mga ito habang si Bianchi naman ay nagpatuloy sa pamamahala ng Shutter Shots. Si Bianchi rin ang kinuha nilang official photographer noong kasal nila ni Elise.
Habang si MJ, sikat na rin sa buong mundo. Sa ngayon ay wala ito sa bansa dahil abala sa World Tour para sa 5th album nito. Masaya naman si MJ sa buhay, lalo na't kasama nito sa tagumpay ang pinakamamahal na si Rakel.
Napahinto si Fritz sa paglalakad at napatingin sa isang classroom. Hindi niya naiwasang mapangiti nang maalala ang kwartong iyon. Iyon ang naging practice room nilang magkakabanda noong kolehiyo. Marami na ring nasaksihan ang kwartong iyon. Mga tawanan, asaran, awayan, sagutan... mga masasaya at malulungkot na sandali nilang magkakabanda.
Hindi rin niya makakalimutan ang—
Napahinto sa pagbabalik-tanaw si Fritz nang mapansin niyang may ulo na gumagalaw sa harap ng piano.
"May tao sa loob?" nagtatakang tanong niya.
Binuksan niya ang pinto at tumamban sa kanya ang composisyong iisang tao lang ang alam niyang may kayang tumugtog niyon.
"Maestro Weismann?"
Huminto sa pagtugtog ng piano ang lalaki at sumulyap sa gawi niya. Ngumiti ito nang makita siya. "Fritz!" sabi nito na tumayo.
"Maestro!" sabi niya at lumapit sa lalaki. Saglit silang nagyakap at tiningnan siya nito.
"Kumusta? Ang laki na ng ipinagbago mo mula nang mawala ka sa limelight, ha?" sabi nito.
Napangisi siya at napakamot sa ulo. "Oo nga po, Maestro. Medyo nagpapaka-businessman na ako dahil may sarili na rin po akong pamilya. Hobby na lang talaga 'yong pagtugtog."
"Ah gano'n ba? Kumusta naman ang mga kabanda mo? Nagkikita-kita pa ba kayo?"
"Opo." Ikinuwento niya rito ang kasalukuyang katayuan nila sa buhay. Maging ang pagsali ni MJ sa banda at pagsosolo rin nito kalaunan.
"Hindi ako makapaniwala. Parang kailan lang nang hikayatin ko pa kayong sumali sa orchestra ko. Pare-pareho kayong tumanggi at sinabing hindi n'yo hilig ang classical at mas gusto n'yong maging rock band."
Naiilang siyang natawa. Hindi rin niya makakalimutan iyon. Sa harap ng maraming estudyante sa auditorium kung saan sila nagpa-practice, nanindigan silang apat na hindi sasama sa orchestra ni Maestro Weismann at bubuo sila ng sariling banda. Hinamon sila noon ni Maestro Weismann na kung talagang magaling sila, kakayanin nilang talunin ang orchestra nito sa isang competition.
Nanalo ang orchestra ni Meastro, siyempre. Pero labis na napahanga ang maestro sa kanilang banda na noon ay wala pang pangalan. Ito ang nagbigay ng pangalan sa kanila at sinabing handa itong turuan sila. Nagkaroon ng bagong twist ang genre nila. Imbes na purong rock ay naging classical rock iyon. Doon na nagsimula ang pagsikat nila sa eskuwelahan bilang Nightingale.
Si Maestro din ang nagsabi sa kanila na nakalaan na ang silid na iyon para sa kanila. Pero hindi pa man tapos ang school year ay umalis na ng bansa si Maestro at hindi na muling nagpakita pa.
"Oo nga pala, Maestro. Bakit nga pala kayo nabisitang muli rito sa Medley?"
Ngumiti ang matanda. "Mabuti at naitanong mo 'yan." Pagkatapos ay may kinuha ito mula sa ibabaw ng piano at iniabot sa kanya.
Litrato iyon ng apat na kababaihan na pawang mga estudyante ng Medley Academy. "Sino po sila?"
Makahulugan itong ngumiti. "Sila ang mga anghel ko. Ang Angelis Quartet. At sila ang susunod sa yakap n'yo."
♫♪ The End ♫♪
BINABASA MO ANG
NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)
Storie d'amore"Kahit mawala ako sa mundo, kahit mawala ang alaala ko, hindi ka mawawala rito sa puso ko, Fritz. Kasi, ito, tumitibok lang para sa 'yo." Minsan lang nakakilala si Elise ng lalaking makakaintindi sa kanya-si Fritz-ang lalaking kapareho niya ang naka...