DOON na nagpalipas ng gabi ang mga kabanda ni Fritz. Magdamag silang nagkuwentuhan tungkol sa kanya-kanya nilang buhay. Sa unang pagkakataon pagkalipas ng limang taon, nakumpleto sila at naramdaman ni Fritz ang tunay na samahan ng Nightingale. Nagkasama-sama sila hindi upang sumikat, kundi upang tumugtog. Nagkasama-sama sila dahil sa iisang hilig nila sa musika, at nanatili silang magkakasama dahil sa pagkakaibagang mayroon sila bago pa man napangalan ang grupo nilang Nightingale.
Maagang umalis ang mga kabanda niya kinabukasan at nangakong ililihim sa publiko ang tungkol sa kanila ni Elise. Sinabi rin ng mga ito na tutulungan siyang magsabi kay Gilmore tungkol sa plano niyang hindi pagtanggap sa kontrata ng Sony Music na naging desisyon din ni Taylor.
Nag-aalmusal sila ni Elise nang may kumatok sa pinto. Binuksan niya iyon at nagulat siya nang makita ang huling taong inaasahan niyang makita.
"Kate?"
"Hi," ngiting-ngiting bati nito at bahagya pang kumaway sa kanya.
"Ano'ng ginagawa—"
Bago pa man matapos ni Fritz ang tanong niya ay nagsisigaw na si Elise. Nang lingunin niya ang dalaga ay nakatingin ito sa gawi nila—partikular na kay Kate. Takot na takot na nagsisigaw ito.
"Witch! Witch! Ayoko sa kanya!"
Agad na dinaluhan ni Fritz si Elise. "Elise. Ano'ng nangyayari?"
Kumapit nang mahigpit si Elise sa kanya at isinubsob ang mukha sa dibdib niya. "Witch siya! Ayoko siyang makita. Witch siya! Paalisin mo siya! Witch!"
"Ha? Sinong witch? Si Kate 'yon. 'Yong best friend mo. Hindi mo ba siya nakikilala?"
"Ayoko sa kanya! Witch siya! Paalisin mo siya! Witch siya!"
Niyakap niya nang mahigpit si Elise at tumingin kay Kate na halo-halong emosyon ang nasa mga mata habang tulalang nakatingin sa kanila. "Umalis ka na muna, Kate. Ayaw ka niyang makita."
"Ano'ng nangyari—"
"Umalis ka na sabi!" sigaw niya kay Kate.
Tila noon lang natauhan si Kate, nagpa-panic itong kumilos at lumabas ng bahay.
Binalingan niya si Elise na noon ay umiiyak. "Hush now. Wala na 'yong witch. Pinaalis ko na siya. Tahan na." Hinagod-hagod niya ang likod ng dalaga at unti-unti ay kumalma ito.
May panibago na naman siyang natuklasan sa dalaga. Bakit witch ang tingin nito kay Kate?
Nang lumabas siya para mamalengke, naabutan niya si Kate di-kalayuan sa bahay. Nagpatuloy siya sa paglalakad at hindi ito pinansin. Sabihin nang parang babae ang asta niya pero wala siyang balak paninsinin ang isa pang baliw na ito. Nagtataka siya kung bakit bigla na naman itong nagpakita sa kanila. Ayaw na niyang lalong masira ang buhay nila ni Elise dahil sa babaeng ito. Ito ang dahilan kung bakit nagkahiwalay sila ni Elise at kung meron mang taong labis siyang kinagagalitan sa mundong ibabaw, si Kate iyon.
"Ano'ng nangyari kay Elise?" tanong nitong umagapay sa paglalakad niya.
"Wala kang pakialam," bale-walang sabi niya. Pero nagpatuloy sa pag-agapay si Kate sa kanya. Kaya niyang bale-walain ang presensiya ng kahit sino. Pero hindi niya alam kung bakit umiinit talaga ang dugo niya kapag nakikita niya ang presensiya ni Kate na hindi naman ito nagsasalita at sumasabay lang sa kanya. Nang hindi na siya nakatiis ay huminto siya sa paglalakad at hinarap ito. "Bakit ba nandito ka na naman? Akala ko ba may sarili ka nang buhay sa America? Sisirain mo na naman ba ang buhay namin ni Elise? Hindi ko na hahayaang gawin mo 'yon, Kate!" asik niya rito.
"H-hindi 'yon ang pakay ko," mahinang sabi nito. May kinuha itong sobre sa signature bag nito at iniabot sa kanya. "Gusto ko sanang imbitahan si Elise sa kasal ko. Dahil best friend ko siya, kinuha ko siyang isa sa mga bridesmaid ko."
Tumaas ang isang sulok ng kanyang mga labi kasabay ng isang ismid. "Ibang klase ang tigas ng mukha mo," sabi niya. "Hindi pupunta si Elise." At nagpatuloy ulit siya sa paglalakad.
Sumunod si Kate sa kanya. "Pero—"
Muli siyang huminto sa paglalakad at galit na hinarap ito. "Hindi mo ba nakikita 'yon?" Itinuro niya ang gawi ng bahay ng dalaga. "Hindi siya makakapunta, Kate. Baliw siya. Baliw ang best friend mo. Hindi ka pa ba masaya? Na habang ikaw, may maganda at masaya nang buhay, hayun ang best friend mo, nag-iisa. Walang ama, walang kaibigan, walang nag-aalaga sa kanya. Kahit 'yong kaisa-isang tao na mananatili sana sa tabi niya, inilayo mo sa kanya. Ano pa ba'ng gusto mong gawin? Ipahiya siya sa maraming tao? Na 'itong babaeng ito na tumulong at dumamay sa akin, isa na ngayong baliw!'"
"Fritz, hindi gano'n ang—"
"Kung gano'n, ano?"
Hindi nagsalita si Kate at nanatili ang guilt sa mga mata.
"'Wag ka na uling magpapakita sa amin... dahil baka makalimutan kong babae at kung ano pa'ng magawa ko sa 'yo." At muli ay iniwan na niya ito.
BINABASA MO ANG
NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)
Romance"Kahit mawala ako sa mundo, kahit mawala ang alaala ko, hindi ka mawawala rito sa puso ko, Fritz. Kasi, ito, tumitibok lang para sa 'yo." Minsan lang nakakilala si Elise ng lalaking makakaintindi sa kanya-si Fritz-ang lalaking kapareho niya ang naka...