PAPASOK na si Fritz sa bahay niya nang may tumawag sa pangalan niya. Nang lingunin niya kung sino iyon ay nakita niya ang huling taong nais niyang makita. "Ano'ng ginagawa mo rito, Kate?"
Tila hindi apektado si Kate ng malamig niyang tingin. Lumapit pa rin ito sa kanya at walang ano-ano'y biglang nangunyapit sa leeg niya. "Hi, Fritz."
Umiwas siya nang akmang hahalikan siya nito. Nalanghap niya ang amoy-alak sa hininga nito. Kung ganoon ay nag-inom pala ito nang manggaling kanina sa bahay ni Elise.
Kanina halos hindi siya mapakali dahil natatakot siyang anumang sandali ay sabihin ni Kate kay Elise na siya ang dating nobyo nito. Nais niyang siya ang magsasabi niyon kay Elise, ipapaliwanag sa nobya ang totoong kuwento, na hinabi lang ni Kate ang kuwentong sinabi nito sa nobya niya. At naisip niyang kung mas maaga niya iyong sasabihin ay mas maganda.
Pero si Kate, walang ibang ginawa kundi ang magkuwento tungkol sa kanya, kung gaano siya kawalang-modo at kawalang-hiya dahil iniwan daw niya ito at pinilit na ipalaglag ang bata. Tila sinasadya ni Kate na lalo siyang siraan kay Elise para hindi siya magkaroon ng pagkakataong makapagtapat sa nobya niya.
At nang makaalis si Kate, inisip niyang iyon na ang pagkakataon para magsabi ng totoo kay Elise, pero ang nobya niya, labis-labis ang pakikisimpatya sa best friend nito. Na kung siya lang ang patatas na china-chop-chop nito kanina habang naghahanda ng lulutuin sa hapunan ay tiyak niyang duguan na siya.
Ni hindi na tuloy siya nagkaroon ng pagkakataong makapagsabi kay Elise dahil parang anumang sandali ay tatadtarin siya nang buhay ng nobya niya.
Napalaki ng impluwensiya ni Kate kay Elise at hindi niya alam kung paano lalabanan iyon.
Hindi pa man siya nakakahuma sa problema kay Kate ay hayun na naman ang dalaga, dadagdagan na naman ang problema niya.
"Ano ba'ng ginagawa mo, Kate! Umayos ka nga!" Pilit niyang inalis ang pagkakakunyapit ni Kate sa kanya. Lasing na lasing talaga ito.
"I've missed you so much. Hindi mo ba ako na-miss?" langong sabi nito.
"Umayos ka, Kate. Lasing ka na. Umuwi ka na sa inyo."
"Ayoko! Gusto ko rito. Gusto ko sa piling mo. Hindi mo ba nami-miss 'yong ginagawa natin noon?" Ngumiti pa nang nang-aakit si Kate bago lalong nangunyapit sa kanya. Nararamdaman na niya ang malulusog na dibdib nito sa katawan niya hanggang sa tuluyan nang dumagan sa kanya ang buong bigat nito. Nang tingnan niya ang dalaga ay nakapikit na ito. Mukhang nawalan pa ito ng malay dahil sa kalasingan.
Napabuntong-hininga na lang si Fritz. Mukhang wala na siyang magagawa kundi ang hayaang magpalipas ng gabi sa bahay niya ang dalaga.
Pinangko niya ito at napansing hindi na maayos ang pagkakabutones ng suot nitong blouse. Sumisilip na roon ang dibdib nito. Napailing na lang siya.
Kung dati, simpleng pagdadaiti lang nga katawan nila ni Kate ay naaapektuhan na siya, ngayon, makita lang niya ang dalaga ay sukang-suka siya.
Hindi pa rin niya nakakalimutan ang panlolokong ginawa nito sa kanya. Beinte anyos lang siya noon at disisiete naman ito. Nakilala niya ito sa isang bar na pinagtutugtugan nilang magkakabanda. Noong una ay talagang naaakit siya sa ganda nito, gaya ng ibang kalalakihan. Nang mga panahon na iyon ay nagrerebelde pa siya sa ama na madalas na wala sa bansa. Nagka-trip-an, niyaya niya sa isang hotel si Kate at may nangyari sa kanila. Kahit menor de edad lang si Kate, kitang-kita sa performance nito sa kama na may karanasan na talaga ito.
Mula noon ay hindi na umalis sa pagkakakunyabit si Kate sa kanya. Sinabi nito na mahal na mahal siya nito. At kahit rebelde siya, wala sa plano niya ang manloko ng damdamin ng isang babae. Sinabi niya kay Kate na walang patutunguhan ang pagmamahal nito sa kanya. Pero nagpumilit ito, sinabing handa itong ibigay sa kanya ang lahat, pagsisilbihan siya, gagawin ang lahat para sa kanya. Hinayaan lang niya si Kate. Madalas itong magpunta sa bahay nila. Nag-aastang asawa, ipinagluluto siya, ipinaglalaba. At sa gabi, pinagsisilbihan pa rin siya.
Sinikap niyang turuan ang puso na mahalin si Kate, pero sumuko rin siya. Sinabi niyang kahit ano ang gawin niya ay hindi niya magawang mahalin ang dalaga. Pero naging mapilit si Kate hanggang sa hindi na niya iyon nakayanan. Unti-unti na niyang nilayuan ang dalaga. Pero sige pa rin ito sa pagpunta sa bahay niya kahit na iniiwasan na niya ito. Ni hindi na niya magawang makauwi sa sarili niyang bahay dahil alam niyang naroon lang si Kate at ipipilit na naman ang sarili sa kanya. Madalas ay dinadaan pa siya nito sa drama at siya naman bilang isang gentleman ay pagbibigyan na lang ito. Pero may hangganan din pala ang lahat.
Isang araw nga ay natuklasan niyang buntis si Kate.
Nakita niya ang PT na aksidenteng nahulog mula sa bag nito isang araw nang bumisita ito sa bahay niya at naabutan siya nito roon. Alam niyang hindi sa kanya ang batang dinadala nito at sinabi niyang panahon na para tuluyan na nilang putulin ang anumang namamagitan sa kanila.
Nagmakaawa si Kate sa kanya na huwag itong iwan. Pero buo na ang desisyon niya at nais niyang samantalahin ang pagkakataong iyon para talagang mapaalis na sa buhay niya si Kate. Ayaw niya itong patuloy na paasahin na may mangyayaring maganda pa sa pagitan nila.
Pinagbantaan siya ni Kate na ipapalaglag nito ang bata kung makikipaghiwalay siya rito pero hindi siya nakinig. Nanindigan siya sa desisyon niya at nakahinga siya nang maluwag nang mula noon ay hindi na nagpapakita si Kate sa kanya. Pero pagkalipas ng isang linggo ay tumawag ang ina ng dalaga sa kanya, galit na galit at sinisisi siya dahil ipinalaglag daw ni Kate ang ipinabubuntis nito dahil ayaw niyang panagutan. Noong una ay natakot siyang baka umabot sa demandahan ang lahat dahil menor de edad lang si Kate pero mukhang takot din sa eskandalo ang mga magulang ng dalaga. Kaya nalaman na lang niya na dinala sa America si Kate at iyon na ang huling nabalitaan niya sa dalaga.
Akala ni Fritz ay doon na magtatapos ang lahat. Pero ngayon, pagkalipas ng tatlong taon, hayun na naman si Kate... guguluhin na naman ang buhay niya, at kasali pa ang nobya niya.
Napatingin siya sa dalaga na noon ay nakahiga na sa sofa sa sala. Wala siyang balak dalhin si Kate sa kuwarto niya dahil baka kung ano na naman ang isipin nito kapag nagising itong naroon sa kanyang silid.
Bukas na bukas, kapag nagising na si Kate at kakausapin niya ito. Hindi niya hahayaang guluhin nitong muli ang buhay niya. At hindi niya hahayaang mawala si Elise sa kanya dahil sa babaeng ito.
7Qt/
BINABASA MO ANG
NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)
Romantizm"Kahit mawala ako sa mundo, kahit mawala ang alaala ko, hindi ka mawawala rito sa puso ko, Fritz. Kasi, ito, tumitibok lang para sa 'yo." Minsan lang nakakilala si Elise ng lalaking makakaintindi sa kanya-si Fritz-ang lalaking kapareho niya ang naka...