TUWING titingnan ni Fritz si Elise ay para pa ring pinipiga ang kanyang puso. Pero hindi niya maaaring alisin ang tingin dito. Dapat niyang damhin at tanggapin ang sakit na dulot ng ginawa niyang pagkakamali limang taon na ang nakararaan.
Tumalungko si Fritz upang tumapat sa kanya ang mukha ni Elise na mahimbing na natutulog sa kuwarto nito. Napaliguan na ito ni Aling Linda kanina nang iuwi ng babae sa bahay at pinatulog na.
At kahit kanina pa nakaalis ang kapitbahay ng dalaga, hindi pa rin naaalis sa isip niya ang mga nalaman niya tungkol kay Elise.
"Namatay ang Tatay niya sa shootout nang araw ng competition. Hindi naman kasi talaga naka-duty si Ricardo nang araw na iyon. Pero dala na rin ng pagiging tapat sa tungkulin, kahit wala siyang sandata ay hinabol niya snatcher imbes na pumunta sa competition ni Elise. Nang ma-corner niya ito, inakala niyang matatapos na ang lahat, pero hindi niya alam na may baril pala ang snatcher. Pinagbabaril siya hanggang tuluyan siyang mamatay. Hindi na nga siya nakaabot sa ospital.
"Agad na tinawagan si Elise ng ospital at mula nang malaman niya ang nangyari sa Tatay niya, naging tulala na siya. Nagtataka nga ako kung bakit wala ka nang mga panahon na 'yon, pero hindi na ako nagtanong kay Elise. Hindi rin naman kasi siya makakausap nang maayos. Kinabukasan, nagulat na lang kaming lahat nang hindi namin makita si Elise sa burol ng ama niya. May tumawag na lang sa amin mula sa ospital. Nasagasaan daw si Elise. Mabuti na lang at hindi siya napuruhan. Pero na-confine siya sa ospital. Ni hindi na niya nakita ang libing ng kanyang ama. Kaming mga kapitbahay na lang niya ang umasikaso kay Ricardo. Nang mailabas ng ospital si Elise, tulala pa rin siya hanggang sa 'yan... ganyan na siya. Ni hindi siya makausap. Wala siyang nakikita, wala siyang kilala. Ginagawa niya ang gusto niya. Para siyang may sariling mundo.
"Hindi naman namin siya madala sa mental. Walang mag-aalaga sa kanya roon. Kaya hinayaan na lang namin siya na ganyan. Binibigyan na lang namin siya ng pagkain. Wala naman siyang sinasaktan na kahit sino, eh."
Napatingin si Fritz sa pocket watch na mahigpit na hawak ni Elise. Napansin na niya kanina na hawak iyon ng dalaga. Ang sabi ni Aling Linda, palagi raw iyong hawak ni Elise at hindi binibitiwan. Kung minsan, tititigan daw ni Elise ang pocket watch na iyon at paulit-ulit na tatawagin ang pangalan niya.
"Elise..." Naramdaman ni Fritz ang pamumuo ng luha sa kanyang mga mata. Pero pinigilan niya iyong tumulo. "Bakit mo hinayaang magkaganito ka? Bakit hindi ka nagpakatatag?" Parang pinipiga pa rin ang puso niya habang nakatingin sa dalaga. Lumunok siya. "Kasalanan ko 'to. Kung hindi kita iniwan, hindi mangyayari ang ganito. Dapat nasa tabi mo ako nang mga panahon na 'yon, nang mga panahong kailangan mo ako. Kasalanan ko ang lahat ng ito. At handa akong pagbayaran 'to." Hinawi niya ang buhok ni Elise na tumatabing sa mukha ng dalaga. "Pangako, ibabalik kita. At kapag nagawa ko 'yon, hindi na kita iiwan. Mamatay man ako. Sa pagkakataong ito, tutuparin ko na ang pangako ko sa 'yo. Malaki ang utang ko sa 'yo. Ikaw ang dahilan kung bakit ako nakaramdam ng pag-ibig. Ikaw ang dahilan kung bakit nawala ang kakayahan kong makadama. At ngayon, ikaw ang nagbalik ng kakayahan kong 'yon. Ibabalik kita, Elise. At hindi ako titigil hangga't hindi ka bumabalik sa akin."
Iniwan niya ang babaeng pinakamamahal niya para kay Kate, para sa banda. Pero ngayon, wala sigurong masama kung iiwan niya ang lahat para kay Elise. At sisiguruhin niyang sa pagkakataong iyon, hindi na siya aalis pa sa tabi ng dalaga. Makita man siya nito o hindi.
A/N:
Sa totoo lang, dito nagsimulang sumakit ang dibdib ko. Sobrang nahihirapan sila. At ako rin, nahirapan. Dahil mula rito, tuwing magsusulat ako, umiiyak ako. 😢😢💔💔💔
BINABASA MO ANG
NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)
Romance"Kahit mawala ako sa mundo, kahit mawala ang alaala ko, hindi ka mawawala rito sa puso ko, Fritz. Kasi, ito, tumitibok lang para sa 'yo." Minsan lang nakakilala si Elise ng lalaking makakaintindi sa kanya-si Fritz-ang lalaking kapareho niya ang naka...