"USO PA kaya 'yon ngayon?" wala sa loob na tanong ni Elise nang matapos sila ni Fritz na tumugtog ng piano.
Isang linggo na ang nakalilipas mula nang tanungin niya si Fritz kung pwede siya nitong turuan. Isang linggo na rin na araw-araw nagpupunta si Fritz sa bahay nila para turuan siya.
"Ang alin?" tanong ni Fritz.
"Ang gumawa ng kanta para sa taong minamahal mo. Uso pa kaya 'yon?" Nagkibit-balikat siya. "Wala lang. Naalala ko lang kasi nag-alay ng composition si Beethoven para sa babaeng mahal niya. Eh, ngayon, wala nang gaanong gumagawa n'on. Kaya naisip ko lang, mauuso pa kaya uli 'yon?"
"May mga gumagawa pa naman n'on ngayon—sa kanta na nga lang, hindi sa composition. Pero kung gusto mo, gano'n na lang ang gawin mo." Sumulyap si Fritz sa kanya at ngumiti nang matamis. Pagkatapos ay muling ibinaling ang tingin sa piano at nagpatuloy sa pagtugtog. "Mag-alay ka rin ng composition para sa taong mahal mo."
Mag-aalay ako ng composition para kay Fritz?
Natigilan si Elise. Bakit kay Fritz siya mag-aalay ng composition? Sinasabi ba niyang mahal niya ang binata?
Awtomatikong kumabog ang kanyang dibdib, na para bang sinasagot ng kanyang puso ang tanong na iyon.
Marahan siyang napailing. Imposible iyon. Hindi pwedeng mahulog ang loob niya kay Fritz. Siguro ay humahanga lang siya sa binata.
Paghanga lang iyon. Paghanga lang.
"Ano'ng problema?" tanong ni Fritz.
Napabaling si Elise sa binata at noon lang niya napansin na tumigil na ito sa pagtugtog ng piano at nakatingin na sa kanya. "Ah, w-wala. Wala," sabi niyang umiling at nag-iwas ng tingin. Pinigilan niya ang mapangiwi nang maramdamang parang pinipiga ang kanyang puso.
Mula nang makilala niya si Fritz at maraming nabago sa kanya, bukod sa nagagawa na niyang alalahanin ang kanyang ina nang hindi nalulungkot, nagagawa niyang pasayahin ang Tatay niya sa pagtugtog ng piano, kakaiba ang nagiging reaksiyon ng damdamin niya para sa binata. Palagi na lang siyang masayang gumigising sa umaga at nahihiling na sana ay bumilis ang oras para dumating na ang hapon at pupunta na si Fritz sa bahay nila. Na makikita na niya ang binata. At kapag kasama na niya ito, nahihiling naman niyang sana ay bumagal ang takbo ng oras para mas matagal pa niyang makasama si Fritz.
She loved spending her time with him and she wished they could stay like that forever.
But she knew nothing lasts forever.
At iyon ang ikinatatakot ni Elise. Paano kung isang araw, sabihin ni Fritz na hindi na ito pupunta sa bahay nila? Na alam na niya ang lahat at wala na itong maituturo pa? Paano kung sabihin ni Fritz na wala nang dahilan para magpunta pa ito sa bahay nila? Can she live like that? Pagkatapos baguhin ni Fritz ang buhay niya, ganoon-ganoon na lang ba itong aalis? Pero may kakayahan ba siya para pigilan ito?
"Elise..."
"Y-yes?" Napatingin siya kay Fritz. Seryoso ang mukha nito. At parang gusto niyang kabahan. "Bakit?"
Huminga nang malalim ang binata at ibinaba ang kamay mula sa piano. "Naisip ko lang kasi, sa loob lang ng isang linggo na tinuturuan kita, ang dami mo nang natutunan. Madali kang turuan dahil perfect pitch ka at sa totoo lang, wala na akong maituturo pa sa 'yo. Kaya naisip ko lang na..."
Patay, ito na yata ang kinatatakutan ko. Sasabihin na ba niyang hindi na siya pupunta rito? Pigilan mo siya, pigilan mo siya! "Fritz, hindi ko pa alam lahat. Marami pa akong hindi alam—"
"Hindi totoo 'yan. Kung tatanungin mo ako, mas marami ka nang alam kaysa sa akin at hindi ka na mahihirapang pag-aralan ang iba pang composition nang wala ang tulong ko. What I mean is—"
"Hindi mo na ako tuturuan?"
Napatitig si Fritz sa kanya. Kung mababakas man ang pakikiusap o lungkot sa kanyang mga mata, wala siyang pakialam. Ayaw pa niyang magkahiwalay sila ni Fritz.
Gusto niya si Fritz. Oo, baka nga mahal na niya ito. At hindi na magiging gaya ng dati ang buhay niya kung aalis si Fritz.
Bahagyang tumaas ang isang sulok ng mga labi ni Fritz. "What I mean is, sa tingin ko, handa ka na para dito." Inilabas nito ang isang flyer mula sa bulsa at ipinakita sa kanya.
Napatingin tuloy siya roon. "Medley's Twenty-First Annual Competition," pagbasa niya sa nakasulat sa header.
"May competition sa school namin taon-taon. Pero this year, open competition 'yan. Ang ibig sabihin, pwedeng sumali riyan ang kahit sino, kahit hindi estudyante ng Medley Academy. Naisip ko lang na baka gusto mong sumali. Tuturuan pa rin naman kita. Pipili tayo ng composition na babagay sa 'yo at 'yon ang pa-practice-in natin. Magiging malaking step ang competition na 'yo para sa 'yo para—"
"Sige, sige. Sasali ako!" agad na sabi ni Elise kahit hindi pa tapos magsalita si Fritz. Kung sasali siya sa competition na 'yon, may dahilan na uli para turuan siya ni Fritz. Para mas matagal pa niyang makasama si Fritz.
Ngumiti naman nang masuyo si Fritz. "Kung gano'n, pumunta tayo bukas sa school para makapagpa-register ka."
"Sige!"
BINABASA MO ANG
NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)
Romance"Kahit mawala ako sa mundo, kahit mawala ang alaala ko, hindi ka mawawala rito sa puso ko, Fritz. Kasi, ito, tumitibok lang para sa 'yo." Minsan lang nakakilala si Elise ng lalaking makakaintindi sa kanya-si Fritz-ang lalaking kapareho niya ang naka...