♫♪ CHAPTER EIGHT ♫♪

2.7K 32 0
                                    

NATIGILAN si Fritz sa pagtugtog nang marinig niya ang tinig ni Elise. Kanina, nang sumabay itong tumugtog sa kanya ng piano, hindi na siya nagtaka. Alam niyang magagawa nitong sabayan siya kahit iyon pa lang ang unang pagkakataon na maririnig nito ang komposisyon niya. Pero ngayong nilalapatan na nito ng liriko ang kanta, talagang humanga na siya.

At bago pa man niya nagawang tuluyang mahumaling sa tinig ni Elise, nagawa niyang ilabas ang voice recorder at ni-record ang boses nito habang kumakanta. Sana ay hindi nito mapansin na hindi na siya tumugtugtog.

Tumayo si Fritz mula sa stool at lumapit sa dalaga. Habang nire-record ang boses nito, hindi na rin niya napigilang hangaan ang dalaga. Hindi lang ito perfect pitch, may malaanghel din itong tinig. At hindi siya makapaniwalang nakilala niya ang isang babaeng kasingkahanga-hanga na kagaya ni Elise.

Humahanga talaga siya rito.

Iyon lang ba talaga? singit ng isang demonyong bahagi ng isip niya.

Napatitig siya kay Elise. Maybe it wasn't... Maybe it was more...

Ngayon, hindi na siya magsisisi na sinunod niya ang payo ng kaibigan niyang photographer na magpunta sa lugar nina Elise. Sinabi ni Ralph na makakakuha siya ng magandang subject sa exhibit ng gallery nito sa mga depressed area gaya ng lugar nina Elise. Pero hindi subject ang nakita niya... kundi isang kayamanan.

Hindi madalas na napupukaw ng isang babae ang kanyang interes. Lalo pa't sa kabila ng pinagdaanan niya nag-iisang babaeng hinayaan niyang pumasok sa kanyang buhay, natakot na siyang maulit iyon kaya sinikap niyang umiwas sa mga babae.

Pero iba si Elise.

Sa hindi inaasahang pagkakataon pa sila nagkakilala. Kung saan, ito pa ang nagligtas sa kanyang buhay. At nang araw na sinundan niya ito at sinabihang nais niyang makipagkaibigan dito, iyon lang naman talaga ang kanyang layunin. Pero habang tumatagal at nakikilala niya si Elise, lalong lumalakas ang udyok sa kanyang kalooban na huwag hayaang mawala si Elise sa kanya.

Sa umpisa pa lang ay sinadya na niyang umisip ng dahilan para makita pa niya si Elise. At ipinagpapasalamat niya iyon sa piano ng Mama nito at sa malungkot na kuwento niyon.

Wala sa plano niyang sabihin ang pagkaulila niya sa ina pero hindi niya alam kung bakit madali niya iyong nasabi kay Elise at hindi man lang siya nakaramdam ng pagsisisi.

Nagprisinta siyang tuturuan si Elise na ikinatuwa niyang pumayag ito. At sa loob lamang ng isang linggo ay naubusan na siya ng maituturo sa dalaga. Halos hindi siya nakatulog noong isang gabi kakaisip ng maaari pang idahilan para makita niya ang dalaga. At noon niya naisip ang taunang competition sa Medley, na para bang nasa timing lang ang lahat. Na para bang inaayunan siya ng sanlibutan.

Wala sa loob na kinapa niya ang bulsa ng kanyang slacks.

"Pagtanda mo, hijo, makikita mo ang babaeng gusto mong makasama habang-buhay. 'Yong babaeng pahahalagahan mo, at mamahalin mo higit kaninoman. 'Yong babaeng handa kang pag-alayan ng buhay mo. 'Pag nakita mo na siya, ibigay mo 'to sa kanya at 'wag mo na siyang pakakawalan pa. Dahil kahit mabuhay ka pa ng isandaang taon, hinding-hindi ka na makakakita ulit ng babaeng kagaya niya..." naalala niyang bilin ng lolo niya noong sampung taong gulang siya. Iyon ang huling pagkakataon na nakita niyang buhay ang abuelo dahil nang bumalik sila sa Maynila, nabalitaan na lang nila na inatake na ito sa puso.

Napatingin siya kay Elise at bumilis ang tibok ng kanyang puso.

Lolo, nakita ko na yata siya...

In love na nga yata siya kay Elise...

Natapos sa pagtugtog si Elise, huminga ito nang malalim at noon lang ito nagawang dumilat. Itinago niya ang voice recorder sa bulsa.

Tumingin ito sa kanya at bumakas ang pagkagulat sa mukha nang makitang titig na titig siya rito.

"Fritz," sabi ni Elise.

Ah, parang musika sa pandinig niya ang magbanggit nito sa pangalan niya. Tama ang lolo niya, hindi na siya makakatagpo pa ng babaeng kagaya nito. At siguro, walang masama kung magtatapat siya ng nararamdaman dito. Sana ay tanggapin nito, dahil kung hindi... hindi pa rin siya susuko. Hindi niya ito pakakawalan.

Kinapa niya ang bagay na iyon sa bulsa ng kanyang slacks.

Huminga nang malalim upang punuin ng lakas ng loob ang sarili. Pagkatapos at matiim na tumingin kay Elise.

"Elise, may gusto sana akong sabihin sa 'yo..."

Nakita niyang namula ang mga pisngi nito. May ideya ba ito kung ano ang sasabihin niya? Sana... at sana maging positibo rin ang sagot.

"Elise—"

ht:150%;fonQ 

NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon