ILANG araw na ang nakalipas mula nang manggaling si Fritz sa psychiatrist. Sinikap niyang gawin ang lahat upang maibalik ang katinuan ni Elise. Dinala niya ito sa puntod ng Tatay nito, ipinakita ang litrato ng ama, pinuntahan nila ang istasyon kung saan nagtatrabaho ang ama nito, pero wala pa ring pagbabago kay Elise. Para pa rin itong walang nakikita at walang naririnig. Pinipili lang nito ang nais nitong makita at marinig. Mas madalas itong pinagmamasdan lang ang pocket watch, nanonood ng TV habang kumakain ng ice cream, pero hanggang doon na lang iyon. Pero kahit paano, sa mga nakalipas na buwan ay nagiging mas masigla na si Elise. Tumaba na rin ito at luminis ang katawan. Palagi niya itong pinaliliguan sa umaga. Malakas din itong kumain at marunong nang gumamit ng kubyertos. Sa gabi, pagkatapos niya itong paliguan ay kinukuwentuhan pa niya ito habang sinusuklayan ang buhok. Binabasahan din niya ito ng libro hanggang sa makatulog.
Halos naging ganoon na ng routine nila araw-araw. Kaya madalas ay maaga siyang umuuwi galing sa shooting at iba pang engagements niya. Hindi siya nagpapaabot ng gabi dahil si Elise, hindi ito natutulog hangga't hindi siya nakakauwi. Naaabutan niya itong nanonood ng TV o tinitingnan ang mga litrato ng magazine kapag umuuwi siya ng dis-oras ng gabi. Nang matuklasan niyang ganoon ang ginagawa ni Elise ay sinikap niyang umuwi palagi ng maaga para hindi napupuyat ang dalaga.
Gaya na lang ngayon. Dapat ay hanggang ala-una pa ang shooting nila. Pero dahil ayaw niyang maghintay magdamag si Elise—alam naman niyang hindi ito masasabihan na matulog hanggang wala siya—ay pinilit niya ang manager nila na pauwiin siya. Kaya kahit alas-otso pa lang noon ng gabi ay nagmamaneho na siya pauwi sa bahay ni Elise. Kinukulit siya ni Taylor kung bakit palaging nagmamadali siyang umuwi pero hindi siya nagsasalita. Kailangan niyang maging mas maingat dahil mukhang nakakahalata na ang mga kabanda niya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya sinasabi sa mga ito na nagkita na silang muli ni Elise at siya ang dahilan kung bakit ganoon ngayon ang sitwasyon ng dalaga. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon ng mga ito.
Kapagkuwan ay inihinto niya ang sasakyan sa tapat ng bahay ng dalaga. Mula sa labas ay kita niyang bukas pa rin ang ilaw sa loob at naririnig niya ang tunog ng TV. Gaya ng inaasahan niya, naghihintay nga si Elise sa kanya sa sala.
Tumingin ito sa gawi niya nang pumasok siya sa loob ng bahay. "Hi. Nakauwi na ako."
Ngumiti si Elise sa kanya. Pero isa iyong ngiti na ibinibigay nito sa isang taong hindi nito kilala.
"May pasalubong ako sa 'yo," sabi niya at itinaas ang supot ng ice cream.
Lalong lumuwang ang tila batang ngiti ni Elise nang makita ang dala niya. Dumeretso siya sa kusina at sumunod ito sa kanya. Ipinaglagay niya ng ice cream sa baso ang dalaga at masaya itong kumain. Abala sila sa pagkain ng ice cream nang makarinig siya ng tinig sa labas ng bahay.
"Fritz?"
Napatingin siya sa pinto at marahas na napatayo sa pagkagulat nang makita ang taong naroon. "Taylor?"
"Dito ka lang pala naglulungga. Sino naman ang babaeng ibinahay mo rito?" pang-asar na sabi nito habang pumapasok sa loob ng bahay at inililibot ang tingin. Pero nawala ang ngiti nito nang tumuon ang tingin sa kanya. At lumipat ang tingin nito sa babaeng agad na nagtago sa likuran niya na tila takot na takot na anumang sandali ay may gagawin itong masama sa dalaga. Kumunot ang noo ni Taylor. "Elise?"
BINABASA MO ANG
NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)
Romance"Kahit mawala ako sa mundo, kahit mawala ang alaala ko, hindi ka mawawala rito sa puso ko, Fritz. Kasi, ito, tumitibok lang para sa 'yo." Minsan lang nakakilala si Elise ng lalaking makakaintindi sa kanya-si Fritz-ang lalaking kapareho niya ang naka...