♫♪ CHAPTER TWENTY-SEVEN ♫♪

2.6K 44 0
                                    

PARANG nagbalik sa limang taong nakalipas si Fritz habang naglalakad siya sa kalsada kung saan siya nadukutan at kung saan niya nakilala si Elise. Hindi na iyon kagaya ng dati. Marami nang nagbago, pero sa isip niya, nakikita pa rin niya ang hitsura niyon noong huli siyang nagpunta roon.

Ilang buwan pa muna ang lumipas mula nang dumating siya sa Pilipinas bago siya tuluyang nakabalik sa lugar na iyon. Naging masyadong hectic ang schedule niya dahil sa recording at shooting ng music video para sa album nila.

Kung tutuusin, abala pa rin siya ngayon pero tumakas lang siya. Gabi-gabi na kasi niyang napapanaginipan si Elise—na para bang hindi niya ito napanaginipan ng mga nakaraang taon—tila tinatawag siya, hinihikayat na bumalik doon.

Nagpatuloy si Fritz sa paglalakad sa kalyeng iyon. Ibinaba niya ang suot na cap nang mapansing may dalawang babaeng nakatingin sa kanya na animo kinikilala siya.

Hindi naman siguro nila ako makikilala nito, naisip niya.

Pinaghandaan niya ang pagpunta sa lugar na iyon kaya sinikap niyang piliin ang pinakasimpleng T-shirt at maong pants at sinigurong hindi niya makakalimutang isuot ang baseball cap at dark shades. Sanay na siya sa pagdi-disguise dahil kahit noong nasa US sila at nais niyang mapag-isa ay tumatakas din siya suot ang perfect disguise niya.

Di-nagtagal ay nakarating siya sa eksaktong lugar kung saan siya huminto at nakita siya ni Elise. Napatingin siya sa lugar kung saan niya itinapon ang ice cream ng dalaga. Napangiti siya sa alaalang iyon. Naaalala pa niyang pinagdudahan niya ang dalaga na kasabwat ng nandukot sa kanya at sininghalan siya nito.

Iniangat ni Fritz ang kamay na may bitbit na ice cream ng paborito nitong flavor. Hindi niya alam kung tatanggapin iyon ng dalaga. Pero nagbaka-sakali na rin siya.

Kapagkuwan ay nagpatuloy siya sa paglalakad. Malapit na siya sa bahay ni Elise nang makita niya ang mga batang may kung anong pinagkakatuwaan. May binabato ang mga ito. Isang taong grasa na nakatalungko sa isang sulok. Base sa suot nito ay isa itong babae. Madungis at natatakpan ng makapal na buhok ang mukha. Hahakbang sana siya upang pigilan ang mga bata nang may isang may-edad na babae ang tumakbo patungo sa taong grasa at itinaboy ang mga bata.

Aalis na sana si Fritz nang marinig niya ang sinambit ng babae.

"Elise! Elise!" sabi ng babae.

Biglang natigilan si Fritz pagkarinig sa pangalan ni Elise. Tila kinakalawang na makina ang leeg niya na dahan-dahang bumaling sa babae at sa taong grasa na ni-rescue nito. Noon niya nakilala ang may-edad na babae.

"Aling Linda?"

Bumaling ang babae sa kanya, nakakunot noo.

"Ako po ito." Inalis niya ang shades at bahagyang itinaas ang cap upang magkaroon ito ng pagkakataong mabistahan nang maigi ang mukha niya.

Namilog ang mga mata nito nang makita siya. "Fritz?"

Bumaling siya sa kasama nitong taong grasa. Sa pagkakataong iyon ay nakahawi na ang makapal na buhok nito at malinaw niyang nakikita ang mukha nito. Kilalang-kilala niya ito sa kabila ng gusgusing mukha. At tila noon lang muli siya nabuhay at nabalik ang kanyang puso dahil nakaramdam siya ng matinding sakit doon. Tila pinipiga nang mariin ng kamay na bakal ang kanyang puso habang nakatingin sa taong grasa.

"Elise?"

NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon