♫♪ CHAPTER TWENTY-FIVE ♫♪

2.5K 43 0
                                    

TULALA pa rin si Elise kahit na kanina pa nakaalis si Kate. Hindi pa rin siya nakakahuma sa mga nalaman niya, sa mga sinabi ni Kate sa kanya.

Hindi maaari. Mahal ako ni Fritz, mahal ako ni Fritz. Nangako siyang hindi niya ako iiwan, paulit-ulit na sinasabi niya sa isip.

Pero hindi pa man nagtatagal ay may nakita na siyang pigura sa isang sulok ng kanyang mga mata. Nilingon niya iyon at nakita niya si Fritz na nakatayo sa di-kalayuan. Nang magtama ang kanilang mga mata ay naglakad ito palapit sa kanya.

"Fritz! Akala ko hindi ka na darating." Napatayo siya nang palapit si Fritz. Kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag na dumating ito at nagpakita sa kanya. Ibig sabihin ay walang nangyaring masama rito. Pero ang kasiyahang naramdaman niya ay dagling naglaho nang makita niya ang lamig sa mga mata nito. Kung tingnan siya nito ay parang hindi siya kilala. Parang piniga ang puso niya dahil doon. Pero dagli niya iyon iwinaksi at pinilit niyang ngumiti. "Dumaan dito si Kate. Sinabi na niya sa akin ang lahat. Alam ko na ang lahat. Fritz, tanggap ko ang nakaraan mo. Kahit ano pa man ang ginawa mo noon, tanggap ko 'yon. Nakaraan na 'yon, eh. Alam ko naman na ma—"

"Maghiwalay na tayo, Elise," putol ni Fritz sa sinasabi niya.

"A-ano?" Nagulat siya pero pinilit niyang tumawa. "Ano ba 'yang sinasabi mo? Hindi natin kailangang maghiwalay. Tanggap naman kita, eh. Mahal pa rin ki—"

"Hindi kita mahal, Elise."

"F-Fritz. 'Wag ka ngang magbiro ng ganyan. Hindi ka na nga nakapunta sa competition ko 'tapos—"

"Pasensiya na, Elise. Ang akala ko, mahal kita, pero nagkamali ako. Nang makita ko ulit si Kate, napagtanto kong mahal ko pa rin pala siya. At gusto kong magsimula ulit kami. Hindi kita minahal, Elise. Kaya sana kalimutan mo na ako. Kalimutan mo nang nagkakilala tayo." Pagkatapos ay tinalikuran na siya nito.

Walang nagawa si Elise kundi sundan na lang ng tingin si Fritz na naglalakad palayo sa kanya.

Kung ganoon, totoo nga ang sinabi ni Kate... niloko lang siya ni Fritz. Ginamit lang siya nito...

Sumikip ang dibdib ni Elise at umagos ang kanyang mga luha. Ginagap niya ang kanyang dibdib. Ang sakit-sakit niyon. Parang nahihirapan siyang huminga. Wala na siyang nagawa kundi ang mapahagulhol na lang.

Mayamaya ay tumunog ang cell phone niya. Ang numero ng Tatay niya ang tumatawag.

Sa sobrang pag-aalala niya kay Fritz kanina, nakalimutan niyang dadalo rin ang Tatay niya sa competition niyang iyon. Kaninang umaga bago siya umalis, sinabi ng Tatay niya na hindi ito papasok sa duty nito dahil panonoorin siya nito. Binigyan pa siya nito ng bulaklak kanina at hinagkan sa pisngi bilang good-luck charm. Marahil ay tumatawag ang Tatay niya dahil hinahanap siya nito.

Suminghot-singhot muna si Elise. Kinalma ang sarili. Ayaw niyang malaman ng tatay niya na umiyak siya. Katakot-takot na tanong ang ibabato nito sa kanya. Baka malaman pa nito ang nangyari sa kanila ni Fritz.

Kapagkuwan ay sinagot niya ang tawag. "Hello, 'Tay."

"Ah, hello. Ikaw 'yong nasa huling call register ni Mr. Mendoza. Anak ba na niya?"

"Opo. Sino po 'to?"

"Ah, nurse ako mula sa San Agustin General Hospital. 'Yong tatay mo kasi..."

"Po? Ano po'ng nangyari sa tatay ko?"

A/N:

Sabihan na akong sadista, pero gusto ko pa sanang dagdagan ang kamalasan at paghihirap ni Elise. Pero, wala naman siyang ginagawang masama sa 'kin, so 'wag na lang. Baka hindi na niya kayanin at magpakamatay pa siya. (joke)

On a serios note, sa trilogy na 'to, ang Fur Elise ang pinaka-favorite ko. As in lahat ng creative juice ko, hanggang sa kahuli-hulihang patak, ibinigay ko dito. (Kaya yata hindi na nasundan ang novels ko. Haha) 

Pero mahal na mahal na mahal na mahal ko to. Maraming pagkakataon na umiiyak ako habang sinusulat to. Isa rin kasi ito sa mga "experimental" novels ko. Yung tipong lumabas ako ng comfort zone ko at sumugal. 

Sabi nga ng editor ko, nung binabasa niya 'to, hindi niya inakalang makakapagsulat ako ng ganito. Akala daw niya, papalpak. Naitawid ko naman daw nang maayos.

And opo, umiyak din daw siya.

Sana kayo rin, maiyak... Yun ang goal natin dito. 😊😊😊

Enjoy reading!! 

PS
Pasensya na pala kung may mga malalalim na salita at may mga typo. Raw po kasi ito. Hindi ko na inedit.

NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon