KINABUKASAN, abalang-abala si Fritz sa paghahanda para sa competition ni Elise. Tinulungan siya ng mga kabanda sa plano niya. Hindi na nila ginawa ang mismong competition. Pero nang magtanghali na kung saan tapos ang competition at nanalo si Elise, dinala niya ito sa lugar kung saan kinausap ito ni Kate.
Mag-isang nakaupo si Elise sa wooden bench sa ilalim ng puno ng acacia, suot ang bestidang tinahin ni Aling Linda para dito, ang bestidang suot ng dalaga noong araw na manalo ito sa competition. Nakakubli sila sa isang panig ng gusali kung saan hindi sila makikita ni Elise pero kitang-kita naman nila ang dalaga at maririnig ang pinag-uusapan ng mga ito. Kasama rin niya nang mga oras na iyon ang kaibigan niyang psychiatrist.
Nang hahakbang na si Kate palapit kay Elise ay pinigilan niya ito sa braso. Bumaling si Kate sa kanya.
"Kahit ano'ng mangyari, kahit na magsisigaw si Elise, huwag kang titigil. Sabihin mo sa kanya ang mga sinabi mo noon."
Lumunok si Kate at bakas ang takot sa mga mata nito. Tinitigan niya ito at hinintay na tumugon. Kapagkuwan ay tumango ito at lumapit na kay Elise. Tumingin si Elise kay Kate, bumakas ang takot sa mga mata. Tila sa labis na takot—dahil napakalapit na ni Kate dito—ay hindi ito agad nakakilos o makasigaw man lang. Tumingin ito sa paligid, tila naghahanap ng mahihingan ng tulong, tila hinahanap siya. Nang papunta sa gawi nila ang tingin nito ay agad silang nagtago.
Mayamaya ay narinig na nilang nagsasalita si Kate.
"Alam kong hindi pa niya nasasabi sa 'yo. Pero si Fritz ang ex ko, Elise. Siya ang nagpalaglag sa baby ko. Pagkatapos ay iniwan lang niya ako. Siya ang dahilan kung bakit nawala sa akin ang baby ko!"
Inaasahan na ni Fritz na sasabihin iyon ni Kate pero nakaramdam pa rin siya ng galit. Talagang napakasama ng babaeng ito.
"Pero nagawa ko siyang mapatawad dahil mahal ko siya. At nang magkita kami, hindi pa rin napigilan ang mga damdamin namin. May namagitan sa amin, Elise."
Sa pagkakataong iyon ay sinapo na naman ni Elise ang ulo nito at umiyak habang sumisigaw.
Tumingin si Kate sa gawi niya. Tinanguan niya ito bilang pagsasabing magpatuloy lang.
Namilipit si Elise hanggang sa bumagsak na ito sa lupa.
"Nagmamahalan pa rin kami, Elise! At babawiin ko na siya sa 'yo. Hindi ka niya mahal! Iiwan ka lang niya! Sasama siya sa akin. Ako pa rin ang mahal niya. Niloloko ka lang niya!"
"Hindi! Hindi totoo 'yan!!" paulit-ulit na sigaw ni Elise habang umiiyak.
"Good-bye, Elise." Tumalikod na ito at sumulyap sa dalaga. "At congrats sa pagkapanalo mo sa competition." Muling tumalikod si Kate. Pumikit ito nang mariin, huminga nang malalim bago naglakad patungo sa gawi niya.
Napapailing siya habang naniningkit ang mga mata. "You're impossible," sabi niya nang makalapit si Kate sa kanila. "Nagawa mo talaga 'yan sa kanya?!" sumbat niya rito.
"Fritz," pigil ni Takehiro na hinawakan siya sa braso nang akmang susugurin niya si Kate.
Bakas na bakas ang lungkot at pagsisisi sa mukha ni Kate. Pinahid din nito ang luha sa sulok ng mga mata. "I did my part. Can I go now? I still have a wedding to catch."
"No!" Hinawakan niya ito sa braso. "You're not leaving until we're done. Kailangan bumalik ni Elise sa akin ngayon, or you're gonna help me out until she comes back."
"Fritz!" protesta ni Kate.
"You've made her life miserable! And until she comes back, I will make yours too. Kaya subukan mong umalis, ipinapangako ko sa 'yo, Kate, gagawin ko talaga ang sinabi ko. At sisimulan ko 'yon sa araw ng kasal mo," banta niya.
Sa pagkakataong iyon ay naiyak na talaga si Kate. Marahas niyang binitiwan ang kamay nito at binalingan si Taylor. "Don't let her get away."
Nag-thumbs-up si Taylor sa kanya. Pagkatapos ay nilapitan na niya si Elise na noon ay tila nakakalma na. Pero humihikbi pa rin ito at nakalugmok sa sahig. Nang mapansin nito ang mga sapatos niya ay unti-unti itong nag-angat ng tingin. Pagkatapos ay tumayo.
"Fritz?"
BINABASA MO ANG
NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)
Romance"Kahit mawala ako sa mundo, kahit mawala ang alaala ko, hindi ka mawawala rito sa puso ko, Fritz. Kasi, ito, tumitibok lang para sa 'yo." Minsan lang nakakilala si Elise ng lalaking makakaintindi sa kanya-si Fritz-ang lalaking kapareho niya ang naka...