Five years later
"FRITZ!!!!" sigaw ni Taylor sa tapat ng tainga niya matapos nitong tanggalin ang earphone na napasak sa tainga niya.
Marahas na napatayo si Fritz at galit na tumingin kay Taylor. "Aww! Ano ba! Bakit naninigaw ka?!"
"Kanina pa ako salita nang salita rito, Emo. Hindi ka nakikinig."
"Wala namang kuwenta 'yang sinasabi mo, bakit ko pakikinggan?" bale-walang sabi niya at muling ipinasak sa tainga ang earphone.
Muli rin iyong hinila ni Taylor paalis. Matalim niya itong tiningnan. "This time, importante 'tong sasabihin ko."
Sumimangot lang siya at pinatay niya sa pagpapatugtog ang iPod niya. "Ano ba kasi 'yon?"
Bahagyang ipinilig ni Taylor ang ulo sa banda ng pinto ng recording room. "Nakita mo 'yon? Ako nakita ko 'yon. 'Yong pangs-snob ni MJ kay Rakel. Mukhang may past 'yong dalawa—"
"Wala kang pakialam. Buhay nila 'yon."
"May pakialam ako. Si MJ ang bagong miyembro ng banda natin. Dapat malaman natin kung ano 'yong meron sa dalawang 'yon."
"Ano na namang plano mo?" tanong niya kahit hindi siya interesedong makisali sa kalokohan ng kabanda niya. Bigla siyang inabutan ni Taylor ng kapirasong papel. "Ano na naman 'to?"
"'Yan 'yong sasabihin mo mamaya. Natawagan ko na si Kristoff at alam ko na kung ano'ng meron kina Rakel at MJ."
Binasa niya ang nakasulat sa papel. "Pwe! Sigurado kang ito ang sasabihin ko? Masyadong cheesy. Ayoko niyan." Nilamukos niya ang papel at itinapon sa isang tabi.
"Wala ka talagang pakisama, Emo!" singhal ni Taylor.
Hindi niya ito pinansin. Muli niyang ipinasak sa tainga ang earphones niya at pinindot ang Play at lumabas ng recording studio. Wala talaga siyang panahon na makisali sa kalokohan ni Taylor.
Limang taon na ang nakalilipas mula nang umalis siya ng bansa at magpunta sa America kasama sina Kristoff at Taylor. Nagkaroon sila ng offer mula sa Universal Records ng limang-taong kontrata bilang recording artist. Dahil pare-pareho naman silang walang plano sa buhay nang mga panahon na iyon, napagkasunduan na nilang tanggapin iyon, total banda naman sila at hindi pa nila alam kung ano ang balak nila sa buhay. Pare-pareho silang may kanya-kanyang problema nang mga panahon na iyon.
Si Kristoff, nabigo sa pag-ibig dahil nalaman daw nito na may relasyon sina Chelsea at isang kaklase ng dalaga. Si Taylor naman ay nagrerebelde. At siya, matapos niyang makipaghiwalay kay Elise, saglit lang silang nakapagsama ni Kate. Nalaman ng mga magulang ni Kate na nagkabalikan sila ng dalaga. Sinugod siya sa bahay niya at kinaladkad ng ina ni Kate palabas ng bahay niya ang dalaga. Hindi niya alam kung saang lupalop dinala si Kate ng mga magulang nito, pero lumipas ang mga buwan ay hindi na muling nagpakita pa si Kate sa kanya. Ikinasiya na rin niya iyon.
Ilang beses niyang pinag-isipan na bumalik kay Elise, pero hindi niya magawang ipunin ang sapat na lakas ng loob. Iniwan niya ang dalaga. Sinira ang pangako niya rito at sinira ang tiwala nito. Mabuti na nga lang at hindi siya hina-hunting ng ama ni Elise. Hindi rin niya magawang magpakita sa dalaga, matapos niya itong talikuran, tandang-tanda pa niya kung gaano ito umiyak nang labis habang naglalakad siya palayo. Ibayong tibay ang kinailangan niya para pigilan ang sariling pumihit at takbuhin ang dalaga, aluin ito at bawiin ang kanyang sinabi. Pero nagawa na niya iyon at hindi na mababawi pa.
Pinili na lang niyang parusahan ang sarili. Tiisin ang pangungulila kay Elise, ang mga araw na lumilipas lang sa kanya nang hindi niya namamalayan, mga gabi na nagigising siyang nangungulila kay Elise.
Alam ng Diyos kung ilang gabi siyang umiyak, minura ang sarili, kung maaari nga lang niyang paulit-ulit na patayin ang sarili ay gagawin niya dahil sa kagaguhan niyang pagtalikod kay Elise.
Pero nabubuhay nga ba siya ngayon? Humihinga siya, kumakain, kumakanta, ngumingiti sa harap ng camera at ibang tao na parang robot. Pero hindi na niya nararamdaman ang pagiging tao niya. Ang maging isang tao na may damdamin, nakakaramdam ng sabik, kaligayahan, kalungkutan, pagkabigo, kaba. Ang tanging nararamdaman niya ay kahungkagan. At isa lang ang dahilan niyon.
Dahil naiwan ang puso niya sa hardin ng Medley Academy, kung saan niya iniwan at tinalikuran ang babaeng pinag-alayan niya ng kanyang sarili at buong puso. Ang babaeng pinakamamahal niya.
Kumusta na kaya ito ngayon?
Kumusta na kaya si Elise? Masaya kaya ito? May sarili na kaya itong pamilya? Natuloy kaya itong pumunta sa Paris upang tanggapin ang premyo nito sa competition? Wala na siyang balita pa sa dalaga.
Ano kaya kung puntahan niya ito? Alamin kung doon pa rin ito nakatira. Handa na ba siyang harapin uli ito? Tanggapin ang galit nito? O ang balang isasalubong ng ama nito sa kanya?
Siguro naman. Wala na rin namang saysay ang buhay niya. Baka-sakaling kung pupuntahan niya si Elise, magawa man niyang mabuhay, kahit saglit lang. At pagkatapos niyon, maaari na niyang tanggapin nang buong puso ang balang ipuputok ng ama nito sa kanya.
Tatapusin na niya ang buhay niya. Haharapin niya si Elise. Maging ang galit nito. At pagkatapos, maaari na siyang mamatay.
h
BINABASA MO ANG
NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)
Romance"Kahit mawala ako sa mundo, kahit mawala ang alaala ko, hindi ka mawawala rito sa puso ko, Fritz. Kasi, ito, tumitibok lang para sa 'yo." Minsan lang nakakilala si Elise ng lalaking makakaintindi sa kanya-si Fritz-ang lalaking kapareho niya ang naka...