MULA sa hinuhugasang kawali ay lumingon si Fritz nang mapansin niyang lumabas na mula sa silid nito si Elise. "O, Elise, gising ka na pala. Tamang-tama, kakaluto lang ng almusal. Kumain ka na," sabi niyang iniwan ang ginagawa at nilapitan ang dalaga.
Pero tila walang narinig si Elise na tuloy-tuloy lang sa kusina habang pinagmamasdan ang suot na tila nagtataka kung bakit nito suot ang damit na iyon. Naghalungkat sa cupboard si Elise, binuksan din ang fridge na tila naghahanap ng pagkain.
Hindi sumuko si Fritz. Sinundan niya si Elise sa kusina at hinawakan sa braso. "Elise—" Pero hindi niya naituloy ang sasabihin nang biglang nagpumiglas si Elise at nahihintakutang tiningnan siya. Tila noon lang nito napansin na naroon siya. Mabilis itong lumayo sa kanya at maingat na nakatingin sa kanya na animo hindi siya nito kilala.
"Elise, ako 'to, si Fritz. Hindi mo ba ako nakikilala?" Sinubukan niyang abutin si Elise lalo itong lumayo sa kanya, yakap ang sarili na para bang may gagawin siyang masama rito. "Elise—"
Bigla na lang nagsisigaw si Elise na tila nanghihingi ng saklolo.
"Elise. Ano'ng nangyayari?" nag-aalala namang tanong ni Aling Linda na humahangos patungo sa kanila.
Agad na tumakbo si Elise patungo sa matanda at yumakap dito.
Tumingin sa kanya si Aling Linda. "Bakit, Fritz? Ano'ng nangyayari?"
"H-hindi ko alam." Napayuko siya sa kamay niyang humawak kay Elise kanina. "Niyaya ko lang siyang kumain. Sinubukan ko siyang hawakan dahil parang hindi niya ako nakikita, pero lumalayo siya sa akin na parang hindi niya ako kilala. Takot na takot siya at bigla na lang siyang nagsisigaw." Habang nagkukuwento siya ay nakatingin siya kay Elise na nagtatago sa likuran ni Aling Linda pero nakasilip sa kanya na animo binabantayan ang bawat kilos niya.
Bumaling si Aling Linda kay Elise. "Elise, hindi mo ba siya nakikilala? Siya si Fritz. Siya 'yong dati mong nobyo. Hindi mo ba naaalala?"
Pero tila wala pa ring naririnig si Elise na nakatingin lang sa kanya. Mayamaya ay biglang dumeretso ng tayo si Elise at unti-unting umalis sa pagtatago kay Aling Linda.
"Oo, Elise, siya si Fritz. Naaalala' mo na?" tanong ni Aling Linda.
Nabuhayan ng loob si Fritz nang dahan-dahan ay humakbang palapit sa kanya ang dalaga. "Elise." Akmang hahawakan niya ito nang mapansin niyang hindi ito sa kanya nakatingin.
Napalingon siya sa tinitingnan ni Elise at nasundan ng tingin ang dalaga. Dere-deretso si Elise sa hapag at dumulog doon. Nakita na nito ang pagkaing inihanda niya. Pagkatapos ay nagsimula na itong kumain. Para itong taong hindi nakakakain ng sampung taon kung kumain. Kinamay lang nito ang sinangag na niluto niya at basta na lang isinalaksak sa bibig.
"Pagpasensiyahan mo na siya, Fritz. Ganyan talaga siya. Alam mo na." Nagsenyas si Aling Linda na may tililing ang dalaga. "Pero ganyan lang naman siya. Hindi naman siya nananakit ng tao. Ang maganda rin sa kanya, hindi rin niya sinasaktan ang sarili. Kaya medyo kampante kaming iwan siyang mag-isa."
"Ah, gano'n po ba?" wala sa sariling sabi niya habang hindi inaalis ang tingin kay Elise.
"Oo nga pala. Dito ka ba natulog kagabi?"
Sa pagkakataong iyon ay binalingan na niya ng tingin si Aling Linda. "Opo. Hindi ko kasi siya maiwan kahapon. Nag-aalala ako sa kanya."
Ngumiti nang matipid si Aling Linda. "Sana dito ka na lang manatili. Alam mo na, tumatanda na rin ako. At may mga anak din akong inaalagaan. Hindi sa lahat ng panahon ay masusubaybayan ko si Elise. Mabuti na lang at nandito ka. May mag-aalaga na sa kanya. O, siya, sige, Fritz. Mauna na ako sa 'yo. Nandiyan lang ako sa kabilang bahay. Tawagin mo na lang ako kung may kailangan ka, ha?"
BINABASA MO ANG
NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)
Romance"Kahit mawala ako sa mundo, kahit mawala ang alaala ko, hindi ka mawawala rito sa puso ko, Fritz. Kasi, ito, tumitibok lang para sa 'yo." Minsan lang nakakilala si Elise ng lalaking makakaintindi sa kanya-si Fritz-ang lalaking kapareho niya ang naka...