"PUMIKIT ka," utos ni Fritz.
"A-ano?" nalilitong tanong ni Elise.
Humarap nang bahagya sa kanya ang binata. Magkatabi silang nakaupo sa stool ng piano sa bahay niya. "Pumikit ka. 'Tapos tutugtog ako. Pakinggan mo 'yong tutugtugin ko, 'tapos tutugtugin mo 'yon nang hindi tinitingnan ang tekladang tinutugtog ko."
"Paano ko naman magagawa 'yon?"
Pumalatak si Fritz. "Basta. May gusto lang akong patunayan."
Sinunod ni Elise ang sinabi ng binata. Mayamaya ay naririnig na niya itong tumugtugtog ng piano. Napakagaan sa pakiramdam ng tinutugtog ni Fritz nang mga sandaling iyon. Parang marahang hinahaplos ang kanyang puso, ang kanyang kaluluwa. Parang may kung ano sa loob niya ang nais lumabas. Parang nais sumabog ng puso niya sa kung anong damdamin na pumupuno roon. Parang—
Huminto sa pagtugtog si Fritz at awtomatiko siyang napadilat. Magtatanong sana siya nang bumaling siya sa binata pero tila nalunok niya ang dila at hindi siya nakapagsalita nang makita niayng titig na titig si Fritz sa kanya. Nagtama ang kanilang mga mata. May kung anong matinding emosyon sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya at parang may mga paruparong biglang nagliparan sa kanyang sikmura.
"F-Fritz?"
Tila sa pagtawag niya ay biglang nagising si Fritz. Kumurap ito at tumukhim, pagkatapos ay nag-iwas ng tingin. "Tugtugin mo 'yon, Elise."
"H-ha?"
"'Yong tinugtog ko kanina, tugtugin mo 'yon."
"Pero, paano ko magagawa—"
Ipinilig ni Fritz ang ulo sa piano. "Basta, gawin mo na lang."
Nagtataka man sa kakaibang utos ni Fritz sa kanya ay ginawa niya ang sinabi nito. Hindi niya nakita kung ano ang eksaktong mga tekladang pinindot ni Fritz pero inalala na lamang niya ang bawat tono na narinig niya kanina. Pagkatapos ay nagsimula na siyang tumugtog. Sumulyap siya kay Fritz para tingnan kung tama ang ginagawa niya. Noong una ay blangko ang ekspresyon ng mukha nito habang tila sinusundan ng mga mata ang kanyang mga daliri sa teklada. Hanggang sa unti-unting namimilog ang mga mata nito at lumalapad ang ngiti. Tila naaaliw.
"Bakit?" tanong ni Elise habang tumutugtog pa rin. Huminto siya nang hindi sumagot si Fritz.
Tumingin ito sa kanya.
"Bakit kung makangiti ka riyan para kang nakakita ng ginto?"
Sa pagkakataong iyon ay tumuon ang mga mata ni Fritz sa kanya. Kumikislap ang mga mata nito at tila nagpipigil na matawa. "Isa ngang ginto ang nakita ko, Elise."
"Ha?"
Bahagya nitong inilahad ang palad sa kanya para imuwestra siya. "Tama ang hinala ko, Elise. Isa kang perfect pitch!"
"Perfect ano?" naguguluhang tanong niya.
"Perfect pitch. Iyon 'yong mga taong kayang i-identify ang tono sa unang dinig pa lang. Kanina nang tumugtog ako ng Right Here Waiting, nagawa mong gayahin ang pagtugtog ko kahit isang beses mo pa lang 'yon napakinggan."
"Pero... tiningnan ko lang 'yong mga tekladang pinindot mo. Ginaya lang kita."
Hindi nawawala ang kislap sa mga mata ni Fritz. "Eh, ano naman ang paliwanag mo sa pagtugtog mo ng Canon in D ngayon-ngayon lang?"
Sa pagkakataong iyon ay wala na siyang nasabi. Hindi niya masasabing nakita niya iyon dahil pinapikit siya ni Fritz habang tinutugtog nito ang Canon in D. At iyon ang unang pagkakataon na narinig niya ang komposisyong iyon.
Alinlangan siyang napatingin kay Fritz. "Masama ba 'yon? 'Yong maging perfect pitch ako?"
"Ha? Anong masama? Hindi! Napakagandang bagay nga n'on. Hindi lahat ng tao ay nabibiyaan ng ganyang talento. At napakasuwerte mo dahil nagkaroon ka niyan. Hindi ka mahihirapang tumugtog ng piano. O ng kahit anong instrumento. Hindi ka rin mahihirapang mag-aral magbasa ng notation. 'Tapos..."
Habang nakatingin si Elise kay Fritz, hindi niya maiwasang maaliw sa binata. Ngayon lang nila natuklasan ang sinasabi ni Fritz na kakayahan niya. Pero parang mas sabik pa yata ito kaysa sa kanya. Pero okay lang. Nawiwili siyang makita ang masayang mukha ni Fritz.
Kahapon lang nang sabihin ni Fritz sa kanya na handa siya nitong turuan tumugtog ng piano.
Ang akala ni Elise ay hindi na ito magpapakita sa kanya pero nagulat siya nang kumatok ang binata sa pinto nila. Maging ang tatay niya ay nagulat.
Pero nang sabihin niya sa ama naroon si Fritz para turuan siyang tumugtog ng piano, kahit tango lang ang isinagot ng kanyang ama ay alam niyang tuwang-tuwa ito. Matagal na nitong hinihiling na tumugtog siya ng piano pero palagi siyang tumatanggi. Palagi siyang pinangungunahan ng takot na baka muli lang siyang mangulila sa ina. Pero matapos niyang malaman ang pinagdaanan ni Fritz, bigla siyang nakakita ng taong alam niyang labis na uunawa sa kanyang nararamdaman. Iyong taong alam niyang poprotekta at iintindi sa kanya.
Kaya ngayon, nasisiyahan na si Elise na tumugtog ng piano... para sa kanyang Mama at Tatay...
Para kay Fritz.
BINABASA MO ANG
NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)
Romance"Kahit mawala ako sa mundo, kahit mawala ang alaala ko, hindi ka mawawala rito sa puso ko, Fritz. Kasi, ito, tumitibok lang para sa 'yo." Minsan lang nakakilala si Elise ng lalaking makakaintindi sa kanya-si Fritz-ang lalaking kapareho niya ang naka...