Please subscribe to my YouTube channel 👉 ASSUMER21 CHANNEL
Instagram: assumer_21
Mature content/ESPEGE/
FEBRUARY 2018
----
Chapter One
"'Nay, Tay, mas malaki po ang sweldo ng mga katulong sa Maynila, isipin n'yo nakabili ng kabayo si Manang Flora, para sa anak niyang si Kuya Nelson. Inabutan na ako ng debut ko sa pangangatulong sa bayan, pambili lang ng bigas ang sinusuweldo ko. Makakapag-ipon po ako doon ng pera para sa naudlot kong pag-aaral. Kaya pumayag na po kayo.” Bahagyang niyugyog ni Bikay ang dalawang kamay ng kanyang ina na si Aling Pilar, bakas sa magaspang at kulubot nitong kamay ang kahirapan, idagdag pa ang sunog nitong balat at lampas balikat na buhok bagaman nakatali, hindi maikakailang tuyot at madalang masayaran ng shampoo- Topz na bareta ang pantawid-ligo ng ina. Sabagay, kahit siya ay ganoon din kapag nauubusan ng shampoo at walang perang pambili.“Nag-aalala kami ng tatay mo, anak. Malayo ang Maynila dito sa Saray, naiintindihan ka namin at humihingi din kami ng paumahin dahil natigil ka sa pag-aaral.” Malumanay na paliwanag ni Aling Pilar.
“'Tay.” Baling ni Bikay sa amang si Mang Berting, na isang pirma na lamang ng bulate, ang inaabangang pirmahan ng mga kapwa bulate ay delikado na ang magiging lagay ng kanyang ama. Wala ng taba o laman ang nagdudugtong sa balat at buto sa kapayatan dahil siguro sa trabahong pag-uuling. Gustuhin man niyang tumigil na ang ama sa trabaho ngunit kulang na kulang ang kinikita niya.
Marahang huminga ng malalim si Mang Berting, mababasa sa mukha ng ama pagtutol ngunit taliwas ang namutawi sa mapupulang labi nito bunga ng pagnguya ng nganga. “Mag-iingat ka anak. Palagi mong tatandaan ang mga payo namin ng iyong nanay.”
Malapad na nginitian si Bikay at mabilis yumakap sa mga magulang. “Salamat po, 'nay, 'tay, pangako ko po, hindi ako mag-aasawa agad tulad ng ibang kababata ko.”
Hindi lamang ang mga kababata niya ang nagsisipag-asawa sa murang gulang. Noon pa ay naging kaugalian na ang pag-aasawa kahit sa edad na katorse, basta nagkaroon na ng buwanang dalaw, wala naman kasing gagawin dito sa bundok kaya madalas pag-aasawa ang bagsak ng mga kabataan. Ito ang ayaw niyang maranasan at pilit tinatakasan, simula katorse anyos ay nagtrabaho na siya sa bayan bilang katulong sa mag-asawang may limang anak, kaya siguro hindi siya tumangkad dahil sa bigat ng trabaho. Trabahong bahay sa araw at yaya naman sa gabi, nagtiyaga siya para sa pamilya at ngayong kumatok ang kapalaran na makapagtrabaho sa siyudad ay agad niyang sinunggaban. Bata pa lamang siya ay nagtatrabaho na si Manang Flora sa Maynila, kilala ito ng kanyang mga magulang dangan lamang ay nag-aalala para sa kanya, unang beses kasi niyang makakarating doon.
“Patawarin mo kami anak, kinailangan mong tumigil sa pag-aaral, gustuhin man namin ng tatay mo pero nakikita mo naman, sa pagkain na nga lang ay kulang pa ang perang kinikita sa pag-uuling, kahit idagdag pa ang ipinapadala mo. Hayaan mo anak, ipagdarasal ka namin ng mga kapatid mo habang nasa Maynila ka.”
“Nay, sabi ko naman po sa Inyo, ayos lang po sa 'kin na grade five lang ang natapos ko. Ang mahalaga marunong ako bumasa at magsulat. Mas matalino pa nga po ako kay Manika, na naka-graduate ng grade six eh.” Binuntutan niya ng mahinang pagtawa ang huling sinabi tungkol sa kababata. “Tama po 'nay ipagdasal ninyo ako na sana may makilala akong poriner, balita ko maliliit daw ang tipo nilang mapangasawa.”
Ang mahinang pagtawa ay naging hagalpak, gusto niyang ipakita sa mga magulang na kahit naghihingalo palagi ang bigasan nila at bulsa ay positibo pa rin siyang mag-isip.
Pero kung magkakatotoong mayroon siyang makikilala na poriner, aba! Magpapaharang-harang na siya sa harapan nito upang mapasin ang height niya na kinapos pa ng isang pulgada upang sumampa sa limang talampakan, kaunti na lang eh, hindi pa umabot! Okay lang na hindi siya nakasalo ng katangkadan, bumawi naman siya sa bagsik ng kautakan.
BINABASA MO ANG
my AMO and AKO series #1(completed) Under Editing
Romance#3 in Romance-comedy Bagong salta sa Kamaynilaan si Bikay na nanggaling pa sa malayong kabundukan. Isa lang ang nakatatak sa utak niya, huwag magpauto sa kung kanino kailangan siya palagi ng nakalalamang. Ignorante man sa bagong paligid pero hindi...