Prologue

861 33 44
                                    

"Hintayin mo 'ko ah.  Babalik ako."

Normal na pagbibilin lang naman ang sinabi n'ya pero may kung anong naglaro sa imahinasyon ko. Nakangiti s'yang nagpaalam na para bang huling beses ko na s'yang makikita. Gusto ko sana s'yang pigilan pero bakit? Anong idadahilan ko? Wala namang mangyayari. Bibili lang s'ya at babalik din sa 'kin.

Pero ano ba 'tong pakiramdam na 'to? Bakit naglalaro s'ya ngayon sa isip ko?

"Kapag nagtagal ka iiwanan talaga kita. Bilisan mo ah!"

Dinaan sa mga biro ang mumunting kaba. Tinakot ang sarili kanina at ngayon naman ay inaalis ang pangamba.

Nasa parking lot na kami ng mall nang magsabi s'yang may nakalimutan s'yang bilhin kaya kailangan n'yang bumalik sa loob. Hindi na ako pinasama dahil mabilis lang naman daw s'ya at makakabalik din agad.

Nag-drive na ako at binagalan ko na lang para hindi ako masyado mainip sa paghihintay sa kanya sa exit.  Dumungaw ako sa bintana at nakangiting nakamasid sa paligid. Maraming tao sa mall, ordinaryong araw pero hindi magkamayaw ang mga tao sa pagpasok at paglabas. Tiningnan ko ang sarili sa side mirror, kailangan ko na atang kumuha ng powder para takpan ang paglalangis ng ilong ko. Inayos pa nga ang buhok ko na lagpas balikat ang haba.

Nagpatugtog pa nga ako sa radyo ng sasakyan ko para hindi mamalayan ang tagal n'ya. Tinodo ang aircon para labanan ang init na nararamdaman. Hindi naman ako mainipin pero ilang minuto na s'yang nasa loob. Hindi pa s'ya lalabas?

Ililipat ko na sana ang station ng radyo nang makarinig ako ng malakas na pagsabog sa loob ng mall. Halos umangat ako sa kinauupuan ko sa loob ng sinasakyan kaya tumama ang ulo ko sa manibela.

Hindi ako agad nakapag-react, 'di ko alam kung iiyak ako sa sakit ng pagkaumpog ng ulo ko o matatakot na may narinig akong napakalakas na pagsabok. Umikot pa ang paningin ko at napasandal sa manibela, pinapanood ang mga nagtatakbuhang mga tao palabas.

Hindi agad nag-sink in sa isip ko ang nangyayari, na may sumabog sa loob ng mall, nagkakagulo na ang mga tao at wala pa rin sa tabi ko si Kookie.

Nasa loob si Kookie.

May sumabog.

Anong nangyayari!

Bumaba ako nang kotse at wala sa sariling sinalubong ang mga nagpa-panic na tao. Hindi ko maramdaman ang paglalakad ko, dala siguro ng matinding pangangatog ng tuhod ko dahil sa takot.

Hahanapin ko si Kookie. Babalikan ko sa loob si Kookie. Kailangan n'ya ako ngayon.

Takot na takot siguro ako ngayon dahil ilang beses akong nadapa at hindi makapaglakad ng ayos, pakiramdam ko umiikot ang paligid ko at bumabaliktad ang sikmura ko sa 'di ko maipaliwanag na dahilan.

Blackout na ako.

Hindi ko na alam ang nangyayari sa paligid ko. May mga taong pumipigil sa paglalakad ko. Ano bang problema nila?  Bakit nila ako pinipigilan! Hirap na hirap akong makarating dito tapos pinipigilan nila ako!

Alam ko sa sarili kong sumisigaw ako pero bakit hindi ko naririnig ang boses ko? Dahil ba sa sobrang ingay ng mga nagkakagulong tao kaya pati sarili kong boses ay nawala na? Naririnig ko pa ba ang sarili ko? Naririnig ko pa ba sa utak ko itong iniisip ko?

Maraming tao sa paligid ko, parang may mga sinasabi pero hindi ko maintindihan. Para lang silang ibon sa pandinig ko. Nag-iiyakan ang iba, nagtutulakan, may nagkakadaganan at may nahimatay.

Nanginginig ang buo kong katawan sa takot at sa mga posibleng mangyari. Kung dito sa labas ay parang katapusan na ng mundo, paano pa ang mga naiwan sa loob?

Write Me a Happy EndingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon