"Bata," napahinto ako sa paglalakad nang may tumigil sa harap ko at mukang ako ang kinakausap. Isa s'yang may kaliitang babae na may napakapulang lipstick.
Kilala ko ba s'ya? Hindi ko s'ya mamukaan.
"Mukang nakasagabal ka kaya inalis na n'ya ang alaala mo."
Kinakausap n'ya ako na parang magkakilala kami pero kahit anong piga ko sa utak ko hindi ko talaga s'ya matandaan.
"Ako po ba ang kinakausap po ninyo?" tanong ko sa ale na puno ng pagtataka.
"Bata, alam kong hindi mo natatandaan ang binigay ko sa 'yong halaman pero 'yon lang ang makakatulong sa 'yo ngayon."
Halaman? Ano bang sinasabi n'ya? Baka nababaliw na ang taong 'to at kung sino-sino na lang ang kinakausap.
Lumapit pa s'ya sa 'kin kaya umatras ako.
"Hindi po kita kilala. Kapag lumapit ka pa po sisigaw na ako," banta ko sa kanya pero pinagtawanan lang n'ya ako.
"Hindi ko alam na ganito pala s'ya kalakas para burahin lahat ang alaala n'yo. Naiinggit tuloy ako. Kumusta na kaya ang batang 'yon ngayon? Buhay pa kaya s'ya? Siguradong inubos n'ya ang lakas n'ya para sa palabas na 'to."
Wala akong maintindihan pero bakit ganito? Bakit bigla akong naging interesado? Bakit gusto kong alamin ang sinasabi n'ya? Sinong tinutukoy n'ya? Bakit nakakaramdam ako ng pag-aalala sa sinabi ng istrangherong ito?
"Ang halamang binigay ko sa 'yo, 'yon lang ang makakasagot sa mga tanong na nasa isip mo ngayon."
Tumakbo ako pauwi para hanapin ang halamang sinasabi n'ya. Uto-uto na kung uto-uto pero kinukutuban akong may kakaiba at baka ito lang ang makakasagot sa lahat ng wirdong nararamdaman ko. Gusto ko ng sagot. Gusto ko ng kasagutan sa lahat ng gumugulo ngayon sa isip ko.
Pagdating sa bahay, hindi ko alam kung alin ang tinutukoy ng ale. Maraming halaman si mama at ate kaya meron kami sa loob at labas ng bahay. Alin dito?
"Ma? May halaman po ba ako dito?" tanong ko kay mama na abala manood ng tv habang may nakapatong na bilao sa harap n'ya na patungan ng malunggay. Mukang alam ko na ang ulam.
"Ano na namang nangyayari sa 'yo? Noong nakaraan may sing-sing ka na 'di mo alam kung saan galing tapos nagtatanong ka ngayon kung may inalagaan kang halaman. Napalitan ka ba ng alien o ano?"
"Ma! Nagtatanong lang po ako ng halaman pinagbibintangan n'yo na 'kong nadukot ng alien!" reklamo ko pero naging abala na lang si mama sa pagtatanggal ng dahon sa tangkay ng malunggay.
"Hindi na 'yan si Vanilla, Ma. Hindi na 'yan nakupit sa wallet ko eh," gatong na naman ng ate ko na nakatutok ang mata sa laptop n'ya.
"Kung alam mo lang. Salamat sa isang daan kanina," sabay takbo ko sa paakyat ng kwarto.
"Ma, oh! Bayaran mo 'yon pisti ka!"
Nagtago na ako sa kwarto at nag-lock para 'di na ako magulo ni ate. Napahiga na lang ako sa kama. Ano bang naisip ko at medyo naniwala ako sa ale na kanina ko lang nakita?
Baka nababaliw lang 'yong ale at ako naman 'tong naniwala sa kanya. Todo effort ako ah. Tumakbo pa ako pauwi. Kung nakikita lang ako ng ale na 'yon siguradong pinagtatawanan n'ya na ako ngayon. Na-wow mali ba 'ko?
Pagtagilid ko sa kama at nakita ko sa may bintana ang maliit na cactus na nasa plastic pot.
"Meron pala ako n'yan," wala 'kong buhay na sabi sa sarili ko bago ako napatayo at nagtatatalon sa excitement. Meron nga! Meron nga akong halaman.
Kinuha ko 'yon at inilapag sa sahig. O tapos? Ano na ngayon? Kakausapin ko ba s'ya o ano? Ihahagis ko ba para mag-transform?
Napabuntong-hininga na lang ako. Kung ano-ano ang pinag-iisipan ko. Makatulog na nga lang.
BINABASA MO ANG
Write Me a Happy Ending
FantasyA fantasy story about a man who can literally 'edit' a love story-changing the past to create a happy ending. But who's to say it will truly be happy?
