15. Usok na Hindi Mahawakan

77 3 7
                                        

Bago ako makalabas ng pinto nakarinig ako ng mga yabag na parang nagmamadaling papalapit sa 'kin.

Paglingon ko, hawak na ni Andrei ang kamay ko. Mahigpit. Mahigpit na parang ayaw na n'ya akong umalis. O nag-iilusyon lang ako? Baka ako lang ang nag-iisip ng mga ganung bagay.

Ang mga mata n'ya parang nangungusap na parang tutulo ang luha, kumabog nang mabilis ang puso ko. Bakit ganyan s'ya makatingin? Anong gusto n'yang sabihin?

Inalis ko ang kamay ni Andrei para bitawan ako dahil alam kong hindi na naman s'ya magsasalita. Aasa na naman ako sa wala.

Lalabas na sana ako ng kwarto n'ya nang matumba s'ya sa kinatatayuan. Parang may naghahabulang mga kabayo sa dibdib ko nang makita ko s'yang nakahandusay na.

Nanghihina na parang hirap huminga pero sumenyas s'yang 'wag ko s'yang lapitan.

Hindi ko s'ya sinunod, lumapit ako para maalalayan ko s'ya pero hindi ko inaasahan ang sumunod na nangyari.

Hindi ko s'ya mahawakan.

Para s'yang usok na hindi mahawakan.

Napalayo ako sa takot.

Nananaginip ba ako? Hindi 'to totoo, diba? Imahinasyon ko lang 'to? Si Andrei! Anong nangyayari kay Andrei!

Napaupo ako sa takot.

Alam ko sa sarili kong hindi 'to panaginip pero hindi ko mapaniwalaan. Natulala lang ako at isa-isang hinihimay-himay ang mga nangyayari.

Nakikita ko s'ya pero hindi ko s'ya mahawakan. Nakikita ko s'ya pero para s'yang unti-unting lumalabo sa paningin ko. Naririnig ko ang pagdaing n'ya sa kahirapang huminga pero wala akong magawa. Hindi ko s'ya matulungan!

Mawawala ba si Andrei?

Nawalan si Andrei ng malay, ni hindi ko s'ya matulungan.  Nagsimulang tumulo ang luha ko pero wala namang maiitulong 'to. Ano bang nangyayari!

Ni hindi ako makatayo para makahingi ng tulong dahil sa pangangatog ng mga tuhod ko.

Ano bang tuhod 'to! Wala kang silbi sa mga oras na 'to! Kailangan ni Andrei nang tulong!

Nangangatog ang buo kong katawan, ni hindi ako makatayo o makasigaw, puro pagtulo lang ng luha ngayon ang kaya kong gawin.

Pakiramdam ko unti-unting nagdidilim ang paligid ko at kusang pumikit ang talukap ng mga mata ko.

Hindi pwede. Hindi pwede 'to. Kailangan ako ni Andrei! Kailangan n'ya ang tulong ko.




















"Vanilla.."

Pagkarinig ko sa boses n'ya napamulat ako at agad ko s'yang hinanap.

Nakahiga ako sa kama habang s'ya naman ay nakaupo sa tabi ko't nakatingin sa 'kin. Suot pa rin niya ang suot n'ya kanina at kung ano ang pagkagulo ng buhok niya ay ganun pa rin ngayon. Sana panaginip lang 'yong kanina. Sana hindi 'yon totoo.

Nasa harap ko ngayon si Andrei at kahit takot pa rin ako, sinubukan kong hawakan ang pisngi n'ya. Tumulo ang mga luha ko nang mahawakan ko na s'ya.

Hindi ko alam kung anong meron, kung bakit s'ya nagkaganun kanina o kung ano ba s'ya pero otomatikong gumalaw ang mga kamay ko at niyakap ko s'ya.

Wala na akong pakialam sa iisipin n'ya, hindi biro ang takot na naramdaman ko kanina na baka mawala na s'ya.

Gumanti s'ya ng yakap at hinaplos ang ulo ko.

Nang nahimasmasan ako ay parehas kaming natahimik, hindi ko alam kung paano ako magtatanong o kung dapat ba akong mang-usisa. Tatahimik ba ako o magtatanong? Hindi ko alam. Bahala na!

Write Me a Happy EndingMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon