Lycan LVI: Ang Katotohanan

1.2K 68 77
                                        

Lycan LVI: Ang Katotohanan

MAHINANG napaungol si Lucien habang dahan-dahang iminumulat ang kaniyang mga mata. Puno nang pagtatakang inilibot niya ang paningin sa kaniyang silid—nagtataka kung bakit masyado mainit ang kaniyang pakiramdam. Kaagad naman siyang binalot ng tensyon matapos maramdaman ang isang mainit na buga ng hangin sa kaniyang leeg habang isang mabigat na braso naman ang naka patong sa malapad niyang dibdib.

Nang tignan niya kung sino ito, dito lang isa-isang nanumbalik sa kaniyang isipan ang mga nangyari. Mariin na lamang niyang naipikit ang kaniyang mga mata nang mapagtantong  nakatulog din pala siya matapos siyang hatakin ni Calix kanina pahiga sa kaniyang higaan matapos niya itong dalhin sa kaniyang silid. Ugh! Anong oras na ba? Kanina pa ba ako nakatulog? Nakauwi na kaya si ama? ang mga tanong niya sa kaniyang isipan habang dahan-dahan niyang tinatanggal ang braso ni Calix na nakayakap sa kaniya.

Bigla nga lang siyang natigilan matapos maramdaman ang napaka init na temperatura ng katawan ni Calix, at ngayong napansin niya ito, dito lang din niya napansin ang bahagyang panginginig ng katawan nito. Napakunot ang kaniyang noo at saka matiim itong pinagmamasdan.

"Calix?" ang mahinang pagtawag ni Lucien sa pangalan ni Calix habang marahang tinapik ang pisngi nito, at nang hindi ito magising matapos ng makailang beses niyang pagtatangkang gisingin ito, ay kaniya kaagad kinapa ang noo at leeg nito. Gano'n na lang siya marahas na napasagitsit matapos mapaso ang kaniyang kamay.

Shit! Anong problema niya? May sakit ba siya? ang 'di niya makapaniwalang tanong sa kaniyang sarili.

Sapagkat silang mga Lycan, lalo ang mga nasa tamang edad na at dominante, ay bibihira lamang magkasakit. Madalas, ang sanhi ng kanilang pagkakasakit ay mula sa mga natamo nilang pinsala at venom mula sa kanilang nakasagupa o nakalaban. Pero si Calix itong pinag-uusapan nila. Wala yata siyang maisip na dahilan para magkasakit ito. Malabo naman sigurong dahil iyon sa epekto ng pagkakalayo nilang dalawa sa kanilang mating bond? Napailing siya. Kung anu-ano na lang ang kaniyang naiisip.

Pero nang lumipas na ang tatlong oras at hindi pa rin nagigising si Calix, at mas lalo pang tumaas ang temperatura nito. Dito na nakaramdam ng pag-aalala Lucien. Isang emosyong ni minsan ay hindi niya naisip na magagawa niyang maramdaman para rito. Pero heto siya't nag-aalala para sa kalagayan nito, lalo't hindi siya sanay makita itong ganito.

"Huwag kang mag-alala, papunta na raw sila dito ng manggagamot, ang sabi ni Derex." ang saad ng ama ni Lucien na kasalukuyan nasa bukana ng kaniyang silid.

Kararating lamang nito mula sa pagpupulong dinaluhan nito sa katabi nilang pack, at dito ito kaagad sa kaniyang silid dumiretso matapos nitong malaman mula sa kaniyang ina ang sitwasyon. Ang kaniyang Ina naman ay kasama ni Lexy na kumuha ng isang tuwalya at malamig na tubig na maaari nilang ipamunas sa katawan ni Calix upang pababain kahit papaano ang temperatura nito.

Kasalukuyan namang nakaunan sa kaniyang tiyan at hita ang hanggang sa ngayon ay wala pa ring malay na si Calix habang nakahiga ito sa kaniyang higaan. Siya naman ay paupong naka sandal sa batong pader ng kaniyang silid. Ayaw man niyang abalahin sana ang mga ito, lalo't kababalik lang din ng kaniyang ama. Kaso nga lang, hindi niya magawang makaalis mula sa mahigpit na pagkakayakap sa kaniya ni Calix. Wala tuloy siyang ibang magawa kundi ang humingi ng tulong sa mga ito.

"Siniguro ko na ring walang ibang makakaalam ng kaniyang kalagayan habang hindi pa tayo sigurado sa kung ano ang nangyayari sa kaniya, maliban lamang sa atin." ang dagdag pa ng kaniyang ama sabay lakad nito palapit sa kaniya.

Subalit nang sandaling tumapak ang kanang paa nito sa loob ng kaniyang silid, ay bigla na lamang nagising at bumangon si Calix kasunod ng mabilis nitong pagpakawala ng isang matindi at napakatapang na pheromones sa buong silid. Sinundan pa ito ng isang mahina subalit nakakatakot na pag-angil mula kay Calix sabay hila kay Lucien upang ikulong ito sa mga bisig nito. Kapwa naman hindi agad nakapag reak ang mag-ama dahil sa labis na pagkagulat.

Fighting For Dominance (BL Novel/MPREG)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon