Hindi ko na naantay ang 10:30pm 🤣
Lycan LV: Ang Pagkasabik
MADALING ARAW NA, ngunit hindi pa rin dinadapuan ng antok si Lucien. Kasulukuyan siyang nasa loob ng kaniyang silid habang nakahiga sa pinagpatong-patong na balahibo ng hayop. Simple lang naman ang kaniyang silid, dahil sa loob ng kuweba sila nakatira, ang batong pader ng kuweba lang din ang nagsisilbing pader ng kaniyang silid. Habang tanging ang mga pangil at ilang bungo lamang ng hayop na kaniyang mga nahuli ang nagsisilbing palamuti sa mga pader.
Patihaya siyang nakahiga habang nakaunan ang kaniyang ulo sa kaniyang mga braso. Maayos namang nakasabit sa pader ang suot-suot niyang makapal na kapa na mula kay Calix. Nakapagpalit na rin siya sa isang mahabang pang-ibabang kasuotan na gawa sa balahibo ni Icien—na lubos naman niyang ikinatuwa. Ilang linggo na kasi niya itong hindi nakakausap at namimiss na niya ito
Ilang beses na siyang nakapagpalit ng posisyon subalit—katulad nitong mga nakalipas na gabi—ay hindi na naman siya makatulog. Makakatulog man siya ay paudlot-udlot naman. Alam naman niya kung bakit siya nagkakaganito. Alam niya rin kung bakit ilang araw na rin siyang walang ganang kumain. Pero binabalewala lamang niya iyon at umaasa na lang na masasanay rin siya kalaunanan.
Ngayon nga lang siya pinayagang makaalis ng palasyo, bakit hindi niya pa sulitin?
Iyon nga lang. Habang tumatagal ay tila mas lalong lumalala ang kaniyang nararamdaman, hanggang sa punto na, halos gusto na niyang bumalik sa palasyo. Nauunahan nga lang siya ng kaniyang pride at hiya kung kaya't hindi niya iyon magawa. Ngayon lang din kasi siya nalayo ng matagal kay Calix mula noong ganap na siya nitong mamarkahan. At hindi niya inaasahang ganito pala ang magiging epekto sa kaniya. Nasisiphayo na lamang siyang napaungol at pilit na sinubukang matulog. Ngunit nang maramdaman na niya ang pagsikat ng araw ay sumuko na lang siya at napagpasyahan na lang na bumangon at maghanda para sa araw na iyon.
Mabilis niyang kinuha ang luma niyang kulay itim na kapa, kaniya iyong isinuot at saka siya mabilis na nagtungo sa malapit na batis upang doon maghilamos. Nang makapag-ayos na siya ay saka naman niya sinundo ang mga bata upang turuan ang mga itong kung paano manghuli ng kanilang makakain. Pangatlong araw na niya rito sa kanilang pack. Wala naman siyang ibang ginawa kundi ang tignan ang kanilang teritoryo at mangamusta sa kaniyang mga ka-pack—liban lamang kay Derex—na magpahanggang sa ngayon ay hindi niya pa rin kinakausap. Kahit ilang beses na siyang kinukulit ng kaniyang kakambal ay 'di pa rin siya nagpapatinag.
"Po? Ang Hari ang inyong mate?" ang hindi makapaniwalang bulalas ni Ren sa kanilang mindlink. Tulad niya ay kasalukuyan itong nasa kulay itim nitong lobo. Sinundan pa ito ng malalalim na pagsinghap nina, Soran, Anton, Tomas, Mengie, Garen, Kareem at Joshua. Kapwa rin nasa kani-kanilang mga anyong lobo.
Kagat-kagat naman ni Lucien sa kaniyang bibig ang nahuli nilang malaking taro—isang malaking hayop na mayro'n mahabang leeg at dalawang paa. Ilang araw na kasi siyang kinukulit ng mga ito sa kung 'sino raw ba ang nagmarka sa kaniya', at heto, dahil sa kakulitan ng mga ito ay napilitan na siyang sagutin ang mga ito.
"Kaya po pala sabi ni Ina ay umayos daw po ako ng kilos at baka raw po dumalaw ang Hari." ang segunda naman ni Anton.
"Ay! Tiyak akong magtatago nito sila Krisha at Mayuri. Gusto pa naman po nilang makita ang inyong mate, kuya Lucien." ang natatawang saad naman ni Soran.
"At bakit ikaw? Hindi ka ba natatakot makaharap ang Hari?" ang namamanghang tanong naman ni Lucien kay Soran.
"Ay! Nakakatakot po ba siya?" ang inosenteng tugon naman nito sa kaniya. 'Di naman mapigilang mapangiti ni Lucien sa kaniyang isipan lalo na noong makita ang bahagyang pagpiling ng ulo nito kasabay ng pagtayo ng isang tenga nito.
BINABASA MO ANG
Fighting For Dominance (BL Novel/MPREG)
Paranormal" Nanalo ako. Akin ka na ngayon. " malamig na saad ng lalaking sakal sakal siya at ang sanhi ng kaniyang paghihirap ngayon. " Ako, si Haring Calix Silvestre, tinatanggap at pinipili bilang aking mate si Alpha Lucien Darus. Subalit, dahil sa ginawa n...
