“Bakit po nasa inyo to?” Tanong ko sa pulis.
“Kaano-ano niyo po ang biktima?” Tanong ni pulis sa’kin.
“Girlfriend niya po ako. Ano po bang nangyari? Baka po nagkakamali lang kayo? Sigurado po kasi akong nasa eroplano na siya papuntang New York.”
“Pasensya ka na Miss pero nakita namin ang biktima kanina at nag match ang larawan niya sa picture sa passport. Kotse rin niya ang nawasak dahil sa bumanggang truck sa kanila.”
Hindi ko alam kung paano tatanggapin ang narinig ko. Paano nangyari ang lahat? Sabay na naaksidente si Uno at si Jed. Ibig sabihin, magkasama sila kanina.
Pinaparusahan ba ako ng Diyos ngayon? Isa ba itong senyales na wala akong dapat piliin sa kanilang dalawa? Masyado akong naging focus sa pagpipili sa kanilang dalawa kaya nakalimutan kong isipin na hindi ako karapat dapat kahit isa sa kanila.
Napakabait ni Jed sa’kin. Binigay na niya laaht sa’kin pero wala man lang akong nagawa para sa kanya. Wala akong kayang ibigay sa kanya para suklian ang pagmamahal at kabaitan niya sa’kin.
Sinaktan ko na ng ilang beses si Uno. Iniwan ko an siya at ilang beses ko siyang pinagtabuyan kaya wala akong karapatan para balikan siya.
Siguro nga, pinaparusahan na ako ng Diyos dahil makasarili ako.
“Ano po ba ang nangyayari sa anak ko?” Tanong ni Tita dahil wala nang lumabas sa bibig ko kahit na isang salita. “Magkasama po ba silang naaksidente ni Jed?”
Umupo ako sa bench para suportahan ang nanginginig na katawan ko. Gusto kong umiyak para malabas ang nararamdaman ko pero wala nang luha ang lumalabas.
“Nabangga po ang dalawang pasyente sa isang ten wheeler truck. Nawalan ‘to ng preno kaya ho nabangga sa isang SUV na nakaparada sa may Sampaguita Highway. Nasa driver seat po ang may-ari ng kotse habang nasa front seat naman ang isang pasyenteng natukoy namin bilang Mr. Sebastian. Sa tingin po namin ay nagkita ang dalawa at nag-usap sa kotse dahil nakaparada sa kabilang linya ang kotse ni Mr. Sebastian.” Sagot ng pulis.
“Nasaan na ang driver ng ten wheeler truck? Masama rin ba ang lagay niya?” Tanong ni Tita.
“Hindi ko po alam Ma’am kung masama o magandang balita ang sasabihin ko pero nakatalon po ang driver bago po bumangga ang truck sa SUV. Nag tamo lang po siya ng mga galos. Kasalukuyan po siyang nasa kustodiya namin.”
“Magsasampa ako ng kaso sa driver! Hindi pwedeng walang sisihin sa nangyari sa anak ko!” Galit na sigaw ni Tita.
“Sige po Ma’am. Wala naman po tayong problema sa mga witness dahil marami pong nakakita at may CCTV din po sa pinangyarihan ng aksidente kaya maswerte pa rin tayo. May kasama rin ang dalawang pasyente kaya at hiningan na namin siya ng statement sa nangyari.”
“May kasama pa sila?” Tanong ko.
“Tama po Ma’am pero hindi po siya nasaktan dahil nasa labas po siya ng kotse. Mauna na po kami Ma’am. Babalik na lang po ulit kami.”
Tumango lang kami ni Tita saka sila tumalikod at umalis.
Nasa labas pa rin kami ng operating room at naghihintay sa balita kay Uno. Pero hindi ako mapakali. Lalo na nang malaman kong may nangyari rin kay Jed. Hindi ko alam kung sino ang uunahin ko.
“Hindi mo pa pupuntahan si Jed?” Tanong ni Tita sa’kin.
“Paano po si Uno?”
“Huwag kang mag-alala Shane. Andito naman ako. Tatawagan na lang kita kung may mangyayari.”