Bata-bata (Orig Monologue PG)

119 4 0
                                        

Kinailangan kong i-edit ang storyang ito dahil mahirap daw unawain para sa ibang mambabasa. Ito po ang monologue ng batang babaeng pilit nakikipag kaibigan sa nakita nyang lalaki na bagong salta sa kanyang lugar sa may tabing ilog. Bakit nga ba siya nag mo-monologue? 


Unang araw.

"Bata! Bata! Anong pangalan mo? Friends tayo ha? Bagong lipat ka rin ba rito? Ako, ilang buwan nang nakalipat dito! Umalis kasi si tatay, kaya sabi ni nanay, kailangan daw namin ng bagong tatay kaya dito na kami titira sa tyo Densio ko.

Ikaw, san ka nakatira? Malapit lang ba rito sa amin? Lagi kasi kitang nakikita mag-isa dito sa may ilog, pinapanood ako... wala ka bang ibang kalaro?

Ba't 'di ka nagsasalita? Putol ba dila mo? Hahaha biro lang! Pero, ba't nga ba ang tahimik mo? Ah, alam ko na! Gusto mo laro nalang tayo ng taguan? Sige! Ako muna ang magtatago ha?

Isa... dalawa... tatlo...

O, ba't di ka pa nagtatago?!

Aha-ha-ha! O, sige, di ako sisilip, promise! Bibilang uli ako ha?

Isa... dalawa... tatlo... apat... lima... anim... pito... walo... siyam... sampu! Nakatago na ba lahat?! Eto na ko!



Ikalawang Araw.


Bata! Bata! Buti dumating ka! Kanina pa kita hinihintay!

Ang galing mo palang mag-tago! Hanap ako ng hanap sayo ng isang araw, 'di kita makita!

San ka ba nagtago? Siguro may sikreto kang lugar na ikaw lang ang may alam, hane? Ano? Maglalaro na ba tayo?

Ano yang dala mo? Wow candy! Akin ba to? Salamat ha? Alam mo ba mahilig ako sa matatamis! Lagi nga akong pinasasalubungan ni tatay ng candy dati eh, lalo na tuwing sweldo nya.

Kaya lang nadestino si tatay sa malayo kaya di na siya nakauwi. Mahal daw kasi ang pamasahe e, at saka may pasok daw siya araw-araw, kahit pa linggo.

Tapos isang araw hindi na sya sumulat sa amin.

Sabi ni nanay ng una, nawala daw yung telegrama sa post office. Tapos sabi nya, masyado lang daw maraming ginagawa si tatay. Sabi naman ni aling Memang sa tindahan may iba na raw inuuwian ang tatay ko.

Di ko nga alam kung bakit umuuwi pa sya sa iba, eh kami nga 'di nya mauwian! Tapos ng tanungin ko si nanay kung saan na si tatay umuuwi, nagalit sya at pinagpapalo ako.

Wag kang mag-alala, mahina lang ang palo ni nanay. Ang masakit eh, yung kurot niya! Pinong-pino, parang sipit ng alimango!

Ano? Maglalaro na ba tayo?

Sige, ako naman ngayon ang magtatago ha? Bumilang ka hanggang sampu! Walang silipan!

...

Hala! Ang galing mo namang mag-hanap! Paano mo ako nakita dito sa loob ng puno?

Paborito kong puno ito! Ang laki nya 'di ba? At kasyang-kasya ako dito sa butas sa katawan nya! Para syang kuweba, 'di ba? Eto ang aking lungga!

Madalas akong maglaro dito, noong 'di pa kita nakikilala. Lalo na pag mainit ang ulo ng tyo Densio. Lagi akong pinapalo nun, at masakit talaga palo nya, lalo na pag hindi ko agad sinusunod yung utos nya, kaya pag nakikita kong umuusok na ilong nya, takbo agad ako! Buti nga mabagal syang tumakbo e, susuray-suray pa, lagi kasing na-inom ng lambanog.

...

Ah, nagdidilim na pala. Sige, bukas uli ha? Paalam!



Ikatlong Araw


Kanina ka pa ba? Pasensya ka na ha, inutusan kasi ako ng tyo Densio ko eh... Sya nga pala yung bagong tatay ko, yung binanggit ko sayo noon?

Mabait naman yun, basta walang lambanog sa tabi. Kaya lang, pag talo sya sa sabong, may bitbit agad yung galon! Hala, ayan na makikita mo namumula na mata at mainit na ang ulo.

Ah, alam mo ba kung ilan ang panabong namin sa bahay?! Isang dosena! Madalas pang manalo yun! At pag nananalo ang tyo Densio tiyak may tinola kami, at may pasalubong pa akong candy!

Ano? Maglalaro na ba tayo?

Sige, ikaw uli ang taya ha? Bilang ka hanggang sampu tapos hanapin mo ko!

O, game?

Game!

...

Nahanap mo nanaman ako? Ang galing mo talaga sa taguan! Iba nalang kaya laruin natin? Mag tampisaw nalang tayo rito sa may ilog. Halika, itataas ko yang pantalon mo...

Mga Kuwento sa DilimMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon