Narinig ko ang bulong ng hangin.
Nababahala ang mga anito.
May banyagang panginoon daw na parating.
Lilipunin nila at aalipinin ang bayan namin. Sisirain at susunugin ang mga turo ng aming ninuno... tatawagin kaming mga halimaw, mga kampon ng kadiliman, at ibabaling sa amin ang galit ng mga tao.
Binalaan nila kaming mga katalonan tungkol sa kanilang pagdating, at narinig ko rin ang usap-usapan sa pook ng mga babaylan.
Ayoko sanang paniwalaan ang masamang balitang ito, hanggang sa makita ko sila sa aking panaginip.Darating sila, sakay ng malalaking balangay.
Mapuputi sila, tulad ko, ngunit ginto ang kanilang buhok, ang iba naman ay kulay mais o tsokolate, at ang mga mata naman nila ay kasing bughaw ng langit, o luntian tulad ng mga puno.
Inisip ko nga nang una, hindi kaya katulad ko sila?
[Hindi] sabi ng aking mga gabay.[Iba ang kanilang pinag mulan, iba ang kanilang paniniwala, at ang paniniwala nilang yaon ang uubos sa atin.]
Napa tingin ako sa imahe ko sa tubig.
Oo nga at puti rin ang aking balat, kasing puti ng aking mahabang buhok, pero pula naman ang aking mga mata.
Marami sa aming bayan ang natatakot sa aking itsura, pero alam nilang pinili ako ng mga anito bilang tagapag salita nila. Malabo man ang aking paningin, lalo na sa liwanag, malinaw ko namang nakikita ang kaluluwa ng mga ninuno naming matagal nang pumanaw.
Ako ang napili nila, pati na rin ng mga nilalang sa kabilang dako na kumupkok sa akin.Nakita nila ako sa paanan ng bundok na Banahaw isang gabing maliwanag, kung saan ako iniwan ng mga magulang kong malamang ay natakot sa akin. Pinangalanan nila akong Kulalayang Luningning, hango sa diwata ng buwan, at mula nga noon at inalagaan na nila ako, hanggang sa lumaki ako at maging pinaka malakas na katalonan sa aming lupain.
Pero kakaiba ang mga banyagang parating.
Ngayon lang nagkagulo nang ganito ang mga anito, at mukhang kakailanganin namin ang tulong ng marami para mapigilan ang kanilang pag-dating.
"Kulalaying Luningning," tawag nang isa sa mga timawa na umaalalay sa akin. "Naparito ang Lakan, nais ka niyang makausap."
"Salamat, Mapanganib," tugon ko sa kaniya.
Iniabot ko kay Mapanganib ang aking kamay na kaniya namang binalot ng tela bago hawakan at inalalayan ako, mula sa aking kinahihigaang papag, papunta sa duyan na kanilang pinasan palabas ng bahay na aking tinutuluyan.
"Narito na ang katalonan," tawag ni Mapanganib, bago nila ibinaba ang duyan na aking sinasakyan.
Apat silang pumapasan sa akin, ang pinaka makikisig na mandirigma sa aming bayan. Handa nilang ibuwis ang kanilang buhay para ako ay pagsilbihan.
"Ano ang aking maipag lilingkod sa mahal na Lakan?" tanong ko sa matipunong lalaking nakatayo sa aking harapan.
"Nais kong marinig ang iyong panig, Kulalaying Luningning," sagot niya. "Narinig ko sa ibang mga katalonan, pati na rin sa mga babaylan sa timog, ang usap-usapan tungkol sa mga banyagang paparating daw sa ating lupain." Napatingin siya sa akin, kahit alam kong kinasusuklaman niya ang aking itsura. "Sabihin mo, may katotohanan ba ang mga balitang ito."
"Tama sila," sagot ko. "Manggagaling ang mga banyaga sa malayong isla sa kanluran. Dadaong sila sa silangan. May dala silang mga sandata na yari sa bakal at bato. Sing bilis ito ng kidlat at sing lakas ng kulog. At marami sa ating lahi ang babagsak sa mga sandata na ito, samantalang ang iba naman ay luluhod sa takot at sa pagkamangha sa kanilang kapangyarihan."
"Ano naman sa tingin mo ang kailangan nating gawin para mapigilan ang pangyayaring ito?" tanong sa akin ng Lakan.
"Kailangan nating hingin ang tulong ng lahat upang mapaki-usapan ang mga anito na pigilan silang makarating sa ating lupain," tugon ko. "Kailangang mag-kaisa ang lahat para mapigilan ito."Nagsimula na ngang gumalaw ang mga datu at mga lakan.
Nagkasundo ang lahat na magkita sa isang pulo kung saan magsasama ang malalakas na katalonan, mga babaylan at mga dalagangan upang humingi ng tulong sa mga diwata.
At doon ko na nga siya nakita.
Si Kaptan-Kilat, ang pinakamataas na dalagangan mula sa Timog na kumakatawan kay Makaptan na diwata ng kalangitan.
Nagkatitigan kami, at kahit malabo ang aking mga mata, alam ko, sa kaniyang tingin, na hindi siya nandiri o natakot sa akin. Alam ko noon din, na siya lamang ang aking mamahalin, hanggang sa araw ng aking pagpanaw.- alamin ang karugtong ng love story nina Kulalayang Luningning at Kaptan-Kilat sa "Watching People's Feet" – lumabas sila sa vol. 3 :D
BINABASA MO ANG
Mga Kuwento sa Dilim
Misterio / Suspensooriginal stories mainly of a dark nature mga kuwentong masarap pagsaluhan sa dilim. This is a collection of one shot short stories written in Filipino. Ano man ang inyong piliing basahin, sana ay matagpuan ninyo ang kilabot na inyong hinahanap ====...